Friday, April 22, 2011

Pimple Making List...

       "Put---ina naman, o!  Kahit kailan, hindi kita kailangan, baket sulpot ka nang sulpot?! Nakakasira ka ng araw. Nakakasira ka ng diskarte.  Mako-conscious na naman ako niyan, dahil nandiyan ka na naman, bwiset ka!"
       Kung may buhay lang ang "taghiyawat" at nakakapagsalita rin, siguro, sinagot ka na niyan ng, "Gago ka? Pinagpuyatan mo 'ko, tapos, ieetsa-puwera mo lang ako? Okay ka lang?!"
      Sino ba'ng gusto ng pimples? 
      Sa mga sanay nang tubuan nito, normal na lang ang dayalog na, "Ah, okay. Andiyan ka na naman. Favorite mo talaga ang mukha ko! Mawawala ka rin!" na pag nawawala nga, kaagad-agad, may kapalit na naman ito hanggang hindi mo namamalayan, wala ka na palang pimples. Na puwedeng mapaglagyan pa sa mukha mo.
      Siguro, kung may mga paa lang ang pimples, palalagyan mo rin ng pinto ang mukha mo para hindi makapasok at pamahayan ng peste. 
      Kahit kelan ay hindi mo puwedeng sabihing weather-weather lang ang pagtubo ng pimples sa mukha mo.  Kung minsan nga, hindi ka naman nagpupuyat, kumbakit paggising mo, andiyan na naman siya.
     Na ang katwiran naman ng  iba, "Tumutubo 'yan kasi isip ka nang isip, balisa ka, nagwo-worry ka, hindi ka mapakali!"
     May mga nagkaka-pimples namang girls pag "meron."  'Yung isang kaibigan ko ngang girl, nabubuwisit, kasi nga, mga anim na pimples ang tutubo sa mukha niya pag "meron" siya.
     Sey niya, "Juice ko, sana, kung saan na lang ako dinugo, du'n na lang tumubo ang pimples.  Hindi pa kita."
       Ako, nu'ng bagets pa ako--walang exaj, ha?--juice ko po, araw-araw, ang lulusog ng mga pimples na tumutubo sa mukha ko.  Mapipintog at mabibilog.  Na otomatik na 'yan, ipiprik ko talaga siya to death na magiging sugat, tapos, hahayaang mag-heal hanggang sa maging scar na.
     Tapos, same procedure pag bumalik uli ang hayup na pimples.
     Charo Santos-Conscious talaga kasi ako sa pimples, eh.  Lalo na nu'ng araw na kung ano-ano na lang ang kapaniwalaan kong kayang sumugpo sa pimples ko. 
     Siyempre, kung ano-ano iisipin mo, lalo na't Poorita Mirasol lang kami nu'ng araw (wow, mayaman ka na, Ogie, gano'n?).  
      Nandiyang para akong gago na mamimitas ng dahon ng bayabas, ilalaga ko siya at 'yung pinakuluang sabaw no'n ang siyang ihihilamos ko. 
     Everytime ginagawa ko 'yon sa umaga, 'tang*na, feeling ko, parang "tit*ng bagong tule 'yung mukha ko na nilalanggas ko sa sabaw ng dahon ng bayabas. 
     Na pucha, baka mawala nga ang pimples ko, nangamatis naman ang mukha ko nito. Hahaha!
     Pero honest? Kung me nangyari? Hehehe. Meron. Hindi naman nagbubuntis ang pimples, di ba? Pero nanganak siyang lalo, kalokah. So tanggal na sa listahan ko ang dahon ng bayabas.
      Ang ginawa ko, dasal na lang ke St. Therese. Kilala n'yo ba si St. Therese?  No, 'yung iniisip n'yo, Santo 'yon.  Si St. Therese na kilala ko, 'yan 'yung ginagawa ko na lang sa pimples ko nu'ng araw, dahil walang pampagamot--Therese nang Therese.
      Kaya nu'ng pumasok na 'ko sa showbiz, sabi ko sa sarili ko, kailangan, bongga na ang fez ko. Although mukha pa rin akong adik sa kapayatan nu'ng mga early 90s, keri lang.
     Basta kahit chaka (read: pangit) ang face ko, ang importante, humupa lang ang tsunami ng pimples sa mukha ko.
      Kung sino-sinong mga OPM (Oh, Promise Me!) na dermatologists na ang nakipagpambuno sa pimples ko, kung ano-anong gamot ang binili ko mismo sa clinic nila, 'yung iba, nagreseta pa at sa botika ko pa binili, wa pa rin talab.
      Minsan nga, naisip ko, sa dami ng resetang nasa akin, ano kaya kung 'yung reseta na lang ang ipahid ko sa mukha ko, magkahimala kaya?  Ganyan ako kadesperado noon.
      Hanggang sa ma-meet ko si Dra. Vicki Belo na noon ay madalas mag-guest sa morning show kung saan kasama akong naglo-Locomotion. Alam ni Doc Belo, tinatakpan lang ng concealer ang mga bakas ng pimples sa mukha ko at minemeyk-apan.
     Kaya nakakatuwa, isang araw, sabi niya sa akin, "You go to my clinic and I will do everything to get rid of that pimple scars!"
     "Nako, baka mahal, Doc, hindi ko kaya."
     "No, don't pay!  Ako'ng bahala!"
     Face ko ang kawawa, gano'n?
     'Yun eh sa loob-loob ko lang, dahil sobrang gusto ko nang sumuko talaga.  Iniisip ko na nga lang, good luck sa 'yo, Doc Belo.  Hindi na 'ko masa-shock kung susuko ka rin.
     So, the rest is history na.  Alam kong hindi pa rin ako maganda, pero ang importante, humupa na ang salot sa mukha ko mula nang mapasakamay ako ng Belo Medical Group. 
     Ang nakakatuwa pa, ilang beses na 'kong nawalan ng tv show, pero si Doc Belo, walang pakialam kung wala akong show.  "It's okay, Ogs.  You've been loyal to us naman."  Kaya lagi, pag me pagkakataon, pinasasalamatan ko si Dra. Belo at ang kanyang clinic pag may tv show ako.  Kasi, alam ko, doon lang ako puwedeng bumawi.
      Teka, baka isipin mo, kaya ko sinulat ang blog na ito para lang i-promote si Dra. Belo, ha?  Hindi.  Noon pa, lagi ko na siyang pinasasalamatan pag may pagkakataon, kasi siya at ang clinic niya ang himalang dumating sa buhay ko, lalo na at napatunayan ko kung paano makipagkaibigan si Doc. Kaya sobrang love ko 'yan.
      Pero uulitin ko, ha?  Hindi ko ineendorso si Dra. Belo sa iyo. Ikinukuwento ko lang ang history ng pimples ko. 
      Pero na-realize ko, alam mo.  Eto, ha? Hindi naman ako doktor.  Isa lang akong nilalang na punumpuno ng karanasan, este, ng pimples nu'ng araw.   Bibigyan kita ng tips kung paano maiiwasang magka-pimples.
     Alam kong depende pa rin sa type ng skin mo, sa habit o sa routine mo, sa mga kung anik-anik na inilalagay mo sa mukha mo o sa sabong gamit mo kaya ka nagkaka-pimples.
      Pero base sa aking "pimple journey," eh ang dami kong na-realize.
      Una, pag makinis na ang mukha mo o hindi ka tinutubuan ng pimples,  kung ano 'yung routine mo sa mukha mo o sa life mo, 'yun ang i-maintain mo. 
     'Wag ka nang maging vain.  'Wag mo nang balaking magkutis-artista na gusto mong ma-achieve ang rosy cheeks.  Baka mag-react lang ang skin mo sa ipapahid mong astringent o ointment o sa pinaiinom sa 'yong tabletas o capsules.
      In short, 'wag kang umarte porke me panggastos ka. Lalo kang gagastos pag hindi mo na-achieve ang pangarap mong rosy cheeks.
      Pangalawa, pag tinubuan ng isang pimple ang alinmang parte ng mukha mo, deadmahin mo.  Wag mong papansinin. May isip ang pimples.  Nang-iinis ang mga gagong 'yan.
      Pag 'yung kaisa-isa ay tiniris mo, natural, magre-react 'yan.  "Ah, gano'n, tiniris mo 'ko?  Puwes, humanda ka, isusumbong kita sa mga kasamahan ko para lalo kang pamugaran ng aming angkan! Bwahahaha!"
       Pero pag dinedma mo, mararamdaman ng pimple na 'yan na, "Ba't hindi mo 'ko tiniris? Pa'no ko manganganak nang marami, ayaw mong pisain? Ayaw mo 'kong pansinin?"
      Alam n'yo naman ang mga pimples, para siyang multi-level marketing o 'yung tinatawag na "networking."  Pag hindi gumana ang "upline," hindi siya makakakuha ng mga "downline."
     Pangatlo, pag hindi ka makatiis at kating-kati ka nang tirisin ang unang pimple na tumubo sa mukha mo, hugasan mong maigi ang mga kamay mo bago mo ito tirisin. Tapos, kuha ka ng yelo ('wag 'yung nakadikit sa wall ng freezer, ha?).  Idikit mo 'to sa apektadong area of responsibility for how many minutes.
     Pang-apat, pag may tumubong pimple sa tungki o tuktok ng ilong mo, nako, please, 'wag na 'wag mong pakikialaman. 
     Juice ko, pimpolin ka na sa ibang bahagi, 'wag lang sa ilong, dahil sentro ang ilong, kahit anong kinis ng mukha mo, pag meron kang isang bonggang pimple sa tungki ng ilong o pimple scar (ang masaklap nito kung umaalsa ang scar o nagiging keloid), mapapansin pa rin 'yan ng mga fans mo (kung meron, ha?). 
    Ipagdasal mong sana, next time, sa loob na lang ng ilong tumubo kahit ang sakit.
      Panglima, pag sa noo tinubuan ka, baka natutusok ng mga dulo ng bangs mo, kaya i-brush up mo o awatin mo ng headband o ng hairclips.    
      Pang-anim, 'wag kang conscious na harap ka nang harap sa salamin para silipin kung may pimple kang nag-"guest of honor." 
      Pag inisip mong baka tinubuan ka na kaya ka tumitingin sa salamin, baka sorpresahin ka ng pimples sa ibang araw, sige ka.
      Pangpito, kung nandiyan na 'yan at nataymingan naman na mag-aaplay ka ng trabaho.  Baka puwedeng ipasa mo muna ang resume mo na produkto na ng photoshop ang retrato mo.  Du'n man lang sa litrato mo, kuminis ang mukha mo.
     Pangwalo, kung bago mo nabasa ito eh huli na at marami ka nang pimples,  i-sey mo na lang sa mga makakapansin, busy ka kamo at puyat palagi, kaya "bepimpled" ka. Para hindi na masyadong masakit sa damdamin.
      Pero come to think of it, panlabas na anyo lang 'yan.  Mas importante pa rin ang ugali mo sa iyong kapwa at sa sarili.
     Hindi kailanman tinitighiyawat ang pagkatao ng isang tao. Kung hahayaan mong madungisan ang iyong pagkatao, saka mo ituring na taghiyawat 'yon. 
     Papaapekto ka ba sa pimples kung marami namang nagmamahal sa 'yo resulta ng pagiging isang mabuting tao mo?
      Tandaan mo...
      Balewala ang pimple kung marami namang natutuwa sa 'yong pipol.
    

TANGGAP MO NA BA?

        "Anak, 'wag kang masyadong yuyuko pag sinasabi mo ang comments mo sa mga contestants, ha?  I know you're just reading your notes para hindi mo makalimutan, pero puro ulo mo ang nakikita sa kamera, 'nak.
       "But you make sense, anak.  In fairness, may point ka naman sa mga sinasabi mo sa contestants and I admire you kasi inaangat mo pa ang moral nila!"
      'Yan ang mga huling sinabi ko sa huling pagkikita namin. Inakyat ko pa siya sa kinalalagyan nilang mga hurado sa "Showtime" para bigyan siya ng moral support.
       'Yun na pala ang huli naming pagkikita at pag-uusap ng aking anak-anakan at kumpareng si AJ Perez.
       Ang daming tanong sa utak ko na naghahagilap ng mga gusto kong sagot na gusto kong 'yun lang ang marinig kong sagot.
      Una, ba't siya?  Ang bata-bata pa ni AJ.  Ang bait na bata, ang dami namang patapon ang buhay diyan, ba't siya pa? 
      Sige, payag na 'kong nabangga ang sinasakyan niya, ba't wala man lang second chance to live? Meron namang gano'n, di ba? 'Yung himalang nakaligtas? 
      Obviously, kahit naman pigain ko pa ang utak ko at pagsama-samahin pa ang mga utak nating lahat para lang masagot ang mga tanong ko ay iisa pa rin ang bottomline:  wala na si AJ.  Hindi na siya mabubuhay.
      Nandu'n lang kasi ako sa stage na in denial ako, eh  Na kahit nakikita ko siyang parang natutulog lang sa kanyang huling higaan ay nandu'n pa rin ang "ilusyon" kong babangon siya't sasabihin niya sa lahat, "Pinabalik ako ng Diyos.  Hindi ko pa raw time, dahil naintindihan daw Niyang hindi pa handa ang lahat ng mga nagmamahal sa akin na mawala ako.
     "Ipinagdasal n'yo, kaya eto ako ngayon, nagpapasalamat sa inyo, dahil ngayon ko napatunayang ang dami ko palang na-touch na buhay in my 18 years, kaya eto ang regalo Niya sa akin--second life."
      Juice ko, kung parang pelikula lang siguro ang lahat ng ito, puwedeng i-revise ang script at gawing happy ang ending, 'no?
     O, kung ang pagbuhay ng patay ang ipinanalong talent siguro sa "Pilipinas Got Talent" ni Alakim, close kami niyan, baka mapakiusapan ko siya't tatanawin kong utang na loob kung mabubuhay niya si AJ.
      Hirap masyado sa kalooban itong moment na 'to.  Kasi, mahal ko 'tong batang 'to, eh.  Lahat ng okasyon sa buhay ko at pamilya ko, lagi silang present ni Daddy Gerry, eh. Higit sa lahat, ambait!
     Lalo akong nalulungkot pag nababasa ko 'yung mga tweets, messages sa facebook at sa mga diyaryo na kahit hindi nila kaanu-ano si AJ, nagtataka sila kumba't ang lungkot nila, umiiyak sila at hindi pa rin sila maka-get over.
    Honest? Itong mga pagtataka natin, pagtatanong sa Panginoon kumbakit ganito, itong pagkagulat natin sa pangyayari, pagkaapekto natin--isa lang ang ibig sabihin nito--hindi pa natin tanggap na wala na si AJ.
      Pero kung kilala ko ang batang napakabusilak ng puso, ayaw niya na siya ang dahilan kumbakit malungkot ang mga nagmamahal sa kanya.  Mahimbing na siyang natutulog forever, habang tayo ay nangungulila pa rin forever?
     Kaya feeling ko, gusto ni AJ, tanggapin na nating wala na siya.  Na kapiling na siya ni Lord para ganap na ang kanyang kaligayahan sa Itaas.
    Naisip ko, oo nga.  Pag hindi ko pa rin 'to tinanggap, ako rin ang maapektuhan.   Magkakaroon lang ako ng kasalanan sa sarili ko.
    Madali lang namang sabihing oo, tinanggap ko na.  Pero kaya ko bang dayain ang totoong nararamdaman ng puso ko?  Hindi naman, di ba?
    Pero pag hindi ko nga 'to tinanggap, ang daming apektado.  Trabaho ko, pamilya ko, performance ko, at ang dami pa sa tuwing maaalala kong wala na pala siya. 
    Alam ko, hindi lang ako ang may ganitong feeling.  Lahat tayo, nakaka-relate sa isa't isa. Pero kung lahat tayo, down, lungkot, lugmok, patuloy na umiiyak at nangungulila, sino pa'ng babangon para tulungan kayong matanggap ang "bangungot" na ito?
    At higit sa lahat, sinasaktan lang natin ang ating sarili.
    Lalo lang ding malulungkot 'yung tao.  Wala na nga siya, tapos, ganito pa tayo?
     'Wag n'yo namang ma-misinterpret na minamadali ko kayo na makapag-move on, ha?  Alam ko, hindi gano'n kadali. Pero naniniwala ako na nakapaghihilom ang panahon.
     Gusto ko na lang isipin ngayon, tama, kulang ng isang anghel si Lord, kaya siya ang pinili.  Pangalawa, time na talaga ni AJ, dahil tapos na ang kanyang misyon sa lupa.  Bitin, pero makahulugan.
    Imagine, ha?  Si Pilar Pilapil na nagtamo ng pitong saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan, naka-survive.  Ibig sabihin, hindi pa time ni Tita Pilar.  Meron pa itong mission to be accomplished, 'ika nga.
     Si AJ, akala lang natin, nabitin tayo sa kanya.  Kasi nga, bata pa lang, papasulong pa lang ang career.   Ang dami pang gustong pasayahin.
    Pero hindi naman tayo Diyos para sabihing hindi pa niya time, di ba?  Pakiramdam lang natin 'to, kasi, physically, nakakasama natin at napapanood si AJ.
    Na sa kanya natin naramdaman ang isang batang punumpuno ng pag-asang sumikat nang walang tinatapakan, hindi naiinsekyur sa kanyang kapwa at larawan ng isang anghel ang mukha sa kabaitan.
    Na isang role model ng mga kabataang kahit nag-aartista ay nagpupursige pa ring makatuntong ng Kolehiyo para makatapos at tuparin ang sariling pangarap.
    Marunong makipagkapwa-tao, ang mukhang laging nakangiti at nagsasabing masayang mabuhay at hindi nagtatanim ng galit at sama ng loob sa kapwa.
    Me nagsabi nga sa akin, "Sana, me pagkasalbahe rin si AJ, para hindi agad siya kinuha ni Lord!"
    Sagot ko, "Hindi na si AJ 'yon. At hindi rin tayo ganito ngayon." 
    Pahinga ka na, anak.  Alam kong nag-aalala ka sa aming mga naiwan mo.  Makaka-move on din kami, promise.  
        
      

Monday, April 18, 2011

Paalam, AJ Perez...

     Pag oras mo na, oras mo na.  Sino ba naman ang mag-aakalang ang kadidisiotso anyos pa lang na young actor na si AJ Perez ay pumanaw na nu'ng April 17, Palm Sunday?
     Sa mga hindi nakakaalam, galing ng Bangus Festival sa Dagupan, Pangasinan si AJ kasama sina Matt Evans at Zaijian Jaranilla para sa Kapamilya Caravan.
     Bago lumuwas pa-Maynila ang grupo ay nagkaroon pa ng presscon with the local press, ayon kay Mommy Marivic.  

     Before 12mn, nag-tweet pa si AJ ng, "On the way home already from Dagupan.Long drive ahead.. Thanks to everybody who watched, thanks to zui for the gifts.And hi again to jarred!"
     After an hour, may nag-tweet nang pa-blind item na may isang Kapamilya young actor na namatay sa isang vehicular accident, na-curious kami, tinawagan namin ang isang taga-ABS-CBN, "Si AJ Perez daw!"
     Napamura kami.  Agad naming tinawagan ang celfone number ni AJ Perez, dahil hindi magandang biro 'yan.  Sinagot agad.  
     Si Daddy Gerry, umiiyak, "Ogs, wala na ang alaga natin. 'Andito kami ngayon sa Rayos Hospital sa Tarlac.
    "Hindi ko alam, Ogs, kung ano'ng nangyari, dahil tulog kami lahat sa van.  Si AJ lang ang nawala, the rest, nasugatan lang. Ogs, sana, panaginip lang 'to, Ogs.
    "Hindi puwede 'to, Ogs. Si AJ at ang younger brother niya ang buhay namin ng mommy niya.
    "Wala na, Ogs.  Pagdampot ko sa anak ko, last two deep breath, bumigay na siya, pero dinala ko pa rin dito, pero Ogs, wala na si AJ, Ogs.
    "Hindi ko alam, Ogs, basta du'n sa likod si AJ, du'n sa side niya bumangga 'yung bus. Ewan ko, hindi ko na alam ang nangyari talaga. Ang bata pa niya, Ogs.
    "Hindi rin siya sakit ng ulo. Mabuting bata ang anak ko, alam mo 'yan, friendly si AJ, very professional na artista, ba't siya pa, Ogs, sana, ako na lang!"  Iyak nang iyak si Daddy Gerry.
    Gusto naming yakapin si Daddy Gerry that time para damayan at makidalamhati rin. Wala kaming magawa, kungdi makinig lang sa kanya at i-console siya na 'wag siyang bibigay.
                          --oOo--
     Huling pagkikita namin ni AJ ay nu'ng mag-judge ito sa "Showtime."  Huling text namin ni AJ ay nu'ng itanong namin sa kanya ang number ni Xian Lim.
      Favorite number ni AJ ang "17," kaya may jersey siyang green nito. Kaya ang kanyang twitter username ay @ajperez17.  At sa favorite number din niya natapat ang kanyang pagkamatay--April 17.
      Si AJ ay hinuhulaan sanang magiging Rico Yan someday, dahil parehong La Sallista, parehong may di-matatawarang breeding, mahusay makipagkapwa-tao, friendly, palangiti, very thoughtful at may mataas na pangarap sa buhay, dahil napakaimportante ng edukasyon sa kanila.
      Nagpakuha pa si AJ noon sa harap ng picture ni Rico na naka-display sa hallway ng ABS-CBN.
      Lahat ng pagkukumpara kina Rico at AJ ay "sinuma" na ng mga nagmamahal sa kanila bukod sa kanilang katangian na parehong-pareho.
      Bangungot ang ikinamatay ni Rico.  Tulog din si AJ nu'ng mangyari ang aksidente.
      Parehong Holy Week namatay ang dalawa. Biyernes Santo namatay si Rico (sa Dos Palmas Resort sa Palawan), si AJ naman ay Palm Sunday.
     Si AJ ay namatay ng April 17, si Rico naman ay namatay at the age of 27. Pareho silang Kapamilya. At ipinagmamalaki ng kani-kanilang pamilya at ng mga nagmamahal sa kanila.
                             --oOo--
      Katatapos lang gawin ni AJ ang teleseryeng "Sabel" kung saan karibal niya kay Jessie Mendiola si Joseph Marco. 
      I heard gagawa rin sana sila ng movie ni Kathryn Bernardo ng "Mara Clara." 
     Sa kanyang twitter account ay tinanong pa niya sa followers niya kung naipalabas na ba ang trailer ng "MMK" na ginawa niya bilang taong grasa na sa April 30 ipalalabas.
     "Nu'ng pinapanood ko 'yon, Ogie, ewan ko ba, bigla na lang akong naiyak nang hindi ko alam kung bakit, kaya tumawag agad ako kay Daddy kung nasaan na sila, dahil 11 pm na eh.
     "Sabi ng asawa ko, on the way na sila.  Pero balisa pa rin ako."
      Kuwento pa ni Mommy Marivic, "Nagpaalam nga 'yang si AJ nu'ng first week of April kung puwede siyang mag-Boracay with his friends.
      "Kahit ayaw namin, pinayagan ko rin, basta mag-iingat sila 'kako.  Tapos, eto, kasama pa 'yung daddy niya sa biyahe sa Dagupan, naaksidente pa.
     "Kaya hindi mo talaga masasabi pag aksidente talaga, Ogie," umiiyak pang kuwento ni Mommy Marivic sa amin.
      "Ba't naman ang anak ko, ang bata-bata pa?"  
      Hindi ko alam kung ano'ng isasagot ko kay mommy.  Pupuwedeng aluin ko lang ang kalooban niya, pero mas gusto kong ibigay sa kanya ang pagkakataong mamighati, magtanong, mag-usisa, magtaka at higit sa lahat, itanong sa Diyos, "Anong kasalanan po ng anak ko, ng pamilya ko?"
      Alam ko, kaya n'yong sagutin ito, pero ang pamilya Perez ang nagdadalamhati habang tayo'y nakikidalamhati lamang, kaya maiintindihan natin ang pamilya sa kanilang pangungulila, lalo na't isang napakabait na bata ang "binawi" sa kanila.
                         --oOo--
       Magpapakapersonal na kami at this point. Very close sa amin ang mag-amang Gerry at AJ Perez.  Lahat ng okasyon sa buhay namin, laging present ang mag-ama.  Kumpare namin sa aming 3-year old daughter si AJ.
     Kami rin ang tinatawagan ni Daddy Gerry para kami ang mag-explain kay AJ nang mas malinaw kapag nalalabuan ang bata sa mga kaganapan sa showbiz, lalo na pagdating sa akting at dapat na maging look sa tv since ito nga ang hinuhulma bilang matinee idol.
      Matatagalan pa bago matanggap ng Pamilya Perez at ng mga nagmamahal na fans, kaibigan at katrabaho ang nangyari kay AJ Perez.
     Ang agang kinuha ni Lord, sana man lang, napatikim kay AJ ang bunga ng pinaghirapan ng bata, lalo na't super dedicated sa kanyang trabaho at pursigido ang batang maging isang malaking artista someday.
     AJ, alam namin, masaya ka na sa kinalalagyan mo ngayon.  Siguro, sana, tulungan mo na lang na matanggap ng mga naiwan mong nagmamahal sa 'yo ang nangyari, maka-recover at maka-move on.
      Sa ngayon, gusto kong magpasalamat sa napakabuti mong kalooban at genuine friendship na ipinaramdam mo sa akin, sa pamilya ko, sa inaanak mo, sa mga okasyon ng buhay ko na nandiyan ka palagi, na kahit sa maikling panahon, pinatunayan mo.
     "Naalala ko pa, Ogie, sabi ni AJ, 'Ma, nahihiya ako, hindi ako nakapunta sa birthday ng inaanak ko.  Can you buy a gift for my inaanak, ma?
     "Kabilin-bilinan niya 'yon, Ogs, kasi, sobrang nahihiya siya sa 'yo, dahil hindi siya nag-a-absent sa lahat ng imbitasyon mo sa kanya."
     Bigla kong naalala, nu'ng ako'y tumakbong Konsehal sa Quezon City, sina Daddy Gerry at AJ ang nagsabi sa akin, "Ogs, we're here because you are our dear friend.  We will support you!"
    Ba't ba nasabi ito ng mag-ama sa akin?  Kasi, si AJ lang po sa mga bagets ng Star Magic talents ang pumunta sa kampanya ko, dahil nahihiya akong mag-imbita pa sa iba.
    Kaya naiiyak ako sa tuwing naaalala ko ang kabaitan ng batang ito at ng kanyang ama, "Ogs, kahit walang bayad, basta sa kaibigan, we are willing to help.  Mahal ka ng anak ko, dahil lagi kang nandiyan palagi for us."
     Aj, anak, maraming-maraming salamat.  Walang katapusang pasasalamat. Sana, makatagpo pa rin ako ng ganyan kabait na batang artistang kaibigan.
     Kaya, anak, hindi mo man naririnig, pero alam kong nararamdaman mo, sasambitin ko ngayon, huli man at magaling, naihahabol pa rin...
     Mahal na mahal kita, anak...     
     'Wag kang mag-alala, 'nak, your Kuya Rico will take care of you...
    
                       

Thursday, April 14, 2011

"Handa Na Ba Ako?"

            Bagets ka pa ba? 
        Kung oo, meron lang akong sasabihin sa 'yo.  At itatanong na rin.
        Pag ikaw, gusto mong mabuntis o mambuntis...
        Pag ikaw, naramdaman mong gusto mong makipag-live-in o magpakasal na....
        Itanong mo muna sa sarili mo kung, "Handa na ba 'ko?" Kung hindi mo pa ginagawa,  itanong mo sa sarili mo, "Itutuloy ko ba 'to o aatras na lang ako?"
       Pero kung nagawa mo na, tapos, saka ka aatras, duwag ka kung hindi mo kayang panindigan at harapin ang ginawa mo.  Ang pag-aasawa ay hindi parang kaning isusubo mo na iluluwa pag napaso.  
        Anyway, ipagpalagay nating pinag-iisipan mo kung desidido ka nang maging ina o maging ama. Teka, ha?  Umayos ka muna.  Mag-isip ka nang tatlong libong beses (meron talagang eksaktong bilang?) kung iiwan mo na talaga ang pagiging "bagets" mo at magle-level up ka na.
        Kung ako sa 'yo at hindi pa 'to nangyayari, 'wag.  I-enjoy mo muna ang iyong kabataan.  Sagarin mo ang pag-e-enjoy habang ikaw ay responsable. Totoo. Promise.
       Baka sabihin n'yo, "Eto namang si Ogie, kung magsalita, parang siya tatay ko!"  Pero sasabihin ko lang sa 'yo, ha? Kung nag-aaral ka pa, ituloy mo lang 'yan hanggang sa matapos ka at magka-diploma.
        Iba pa rin 'yung may tinapos. Ikakatwiran mo, ayaw mo nang mag-aral?  Na ganu'ndin, pag nakatapos, maghahanap din ng trabaho?
      Aba'y mas mahirap makahanap ng trabaho ang walang tinapos, unless, ikaw ay madiskarte o maabilidad. O meron kang kakambal na suwerte na nakakadilihensiya ka parati.
        Pero kung ako sa 'yo, ha?  Sagarin mo ang kabataan mo bago ka bumuhat ng mas mabigat na responsibilidad sa buhay.  Pag inumpisahan mo kasi ang responsibilidad dahil gusto mo nang maging nanay o tatay na agad sa murang edad, mas bonggang sipag ang dapat mong ipamalas. At ito'y wala nang atrasan.
      O, kung hindi pa handa ang kalooban mo, hirap sa pananalapi habang may responsibilidad, maagang tatanda ang itsura mo o mapapabayaan mo ang katawan mo.
       Pero sabi ko nga, kung hindi pa naman dumarating 'yan, eh enjoy-enjoy ka muna.  Kung babae ka at gusto mong magka-boyfriend, hayaan mong ang lalaki ang manuyo sa 'yo.  'Wag 'yong ikaw na babae ang manliligaw.  Baka mapaikot ka ng lalake.
      Oo, sa umpisa, mararamdaman mong, "Syet, love din niya 'ko!"  Nako, mas madalas na mangyayaring ito 'yung sobrang taas ng level ng love mo sa kanya na ang ending, siya namang lagapak ng pagguho ng pag-ibig mo, dahil niloko ka na pala ng lalake. O, vice versa.
     Ganyan naman sa umpisa, di ba?  Lalake ang nanunuyo, pero pag naisuko mo na--hindi ko nilalahat--mas madalas na nangyayaring nararamdaman na ng babae na siya na pala ang humahabol sa lalake.  Kasi nga, nakuha na ng lalake ang gusto nito.
     Uulitin ko, hindi ko nilalahat, pero madalas akong nakakarinig na ganito ang kuwento.  Suwerte na lang kung childhood sweethearts kayo, tapos, naging best of friends, tapos, naging kayo eventually.  Ibig sabihin, alam n'yo na ang likaw ng bituka ng isa't isa.
     Kung talagang mahal ng lalake ang babae, hindi ito dapat mangulit ng "dyug" sa babae. Maghihintay ito kung kelan handang ipagkaloob ng babae ang sarili sa lalake.  Pag hindi nakatiis ang lalake at gumawa ng dahilan para isplitan ang babae....
     O, kaya ay away kayo nang away na may kasamang selosan, kuwentahan at sumbatan na ang ending split na tayo,  'wag n'yong iyakan ito.  Bagkus ipagpasalamat ito ke Lord, dahil sa maagang panahon, nakilala n'yo ang isa't isa na hindi pala kayo para sa isa't isa.
     O kung gusto n'yong iyakan, iyakan n'yo, dahil hindi nagtagal ang relasyon n'yo, pero 'yung iyak n'yo, samahan n'yo na rin ng ngiti, dahil hindi ipinahintulot ni Lord na kasal na kayo o nagsasama na kayo, saka ito nangyari.
    Pag nagkataon, baka lumuha ka ng dugo. Na ang malala, baka maisip mo pang magpakamatay.
      Kaya sa mga kabataan, sabihin n'yo nang masyado akong conservative, okay lang. Sabihin n'yo nang kung umasta 'ko, parang nanay at tatay n'yo, okay lang. 
    Pero at the end of the day, sana, maramdaman n'yong concerned lang ako kahit hindi tayo magkakamag-anak.
       Babae, kung hindi mo pa naisusuko, makabubuting 'wag na muna. 
       Pero kung ikamamatay mo 'yung wala kang "dyug,"  me magagawa ba 'ko eh "keps" mo 'yan? Mag-iingat ka na lang. At maging responsable palagi sa lahat ng iyong ginagawa.  
       'Wag n'yo nang itanong kung pabor ako o hindi ako pabor sa RH Bill, dahil balewala ito kung likas kang uto-uto, marupok o tanga. 
       Pero wait lang, ha? Baka iniisip ng mga barako, masyado kong kinakampihan ang mga babae, ha?  Puro na lang pabor sa mga babae ang pananaw ko pagdating sa isyu ng lovelife. Pa'no naman silang mga barako?
      'Wag kayong mag-alala, mga anak, para din sa inyo ito.
       Dahil kung wala kang kapatid na babae, alam ko, meron kang ina na mahal na mahal mo.
     
     

Tuesday, April 5, 2011

BATANG HAGGARD 4

          Ang hirap palang i-sustain ang "Batang Haggard" series, 'no?  Kalokah.  Ako rin ang gumawa ng sarili kong problema, kaya ako mismo, naha-haggard na sa kababalik-tanaw ng mga katsipan at paghihirap ko sa buhay nu'ng araw.
       Hindi naman ako nagrereklamo.  Wala lang.  Kanino ko pa ba sasabihing napapagod din ako sa kasusulat? Siyempre, sa inyo din, dahil kayo 'tong bumabasa, eh.
        Alam ko naman napapagod din kayo sa kababasa, dahil nahahabaan kayo sa blog ko. Pero this time, promise, pipilitin kong iklian lang ang aking kuwento, lalo na't muntik nang umikli ang buhay ko.
       Totoo. Tatlong beses na 'kong muntik mamatay, alam n'yo ba?  Oo, 'Day, nakakalokah!
        Una, sa kahahabol ko ng delivery truck ng Pepsi.  No, hindi naman ako nasagaan ng truck nu'ng mga 12 years old ako (mga 1982). 
       Hinahabol ko kasi ang truck, dahil ipapapalit ko 'yung dalawang tansan na hawak ko na may "Free Mountain Dew." Hindi ko na namalayan ang mga sumunod na pangyayari, dahil nawalan na 'ko ng malay.
     Ang natatandaan ko lang, nu'ng tumakbo ako patawid sa kabilang hi-way, nasagasaan ako ng rumaragasang taxi.  Naikuwento na lang sa akin ng isang kumare ng nanay ko na naka-witness sa eksena ko, para daw akong bola na pagulong-gulong, kaya ang dami kong "free" galos sa katawan at may mga bukol din ako sa upper head. 
     Buti na lang external lang lahat ang tama ko at buti din 'yung mamang driver, hindi ako tinakbuhan.
      Itinakbo niya ako sa ospital at ipinagamot ako.  Inihatid pa 'ko sa bahay namin.  Nandu'n pa nga ang tatay ko na day-off nu'ng araw na 'yon na imbes na magalit o maghuramentado, nagpasalamat pa siya sa taxi driver, dahil hindi ako tinakbuhan nito. Nagkuwentuhan pa sila, huh!
     Saka ko naalala na oo nga pala, taxi driver din kasi ang fadir, kaya naintindihan niya ang kapwa niya taxi driver.
    Habang ako naman, ang eksena ko, tulala sa may bintana.  Iniisip ko kung sa'n na napunta 'yung dalawang tansan sa bulsa ko.  
    Inisip ko na lang, pag magaling na 'ko, maglilibot uli ako sa mga suking tindahan.  
      Pangalawang eksena: August 1987 coup attempt.
    (http://en.wikipedia.org/wiki/1986%E2%80%931987_Philippine_coup_attempts#August_1987_coup_attempt)  
     Ito 'yung ang tawag namin, Manila Massacre.  Kasi, alas dos na nang madaling-araw no'n. 
     Dahil nga walang tatalo sa pagkatsismosa ko ng araw, kasama ang kuya kong si Oca, nakiusyoso ako kung ano 'yung itinatakbo ng mga kapitbahay namin patungong kanto ng Ramon Magsaysay malapit sa Nagtahan Bridge.
      'Yun pala, merong parang mga trak na puno ng sundalo na susugod sa Malacanang na malapit lang sa amin.  
      Eh, si Tita Cory pa ang Presidente nu'ng time na 'yon.  At usap-usapan nga nu'ng madaling-araw na 'yon na si Gringo Honassan daw 'yung namumuno sa pagsugod sa Malacanang kasama ang mga rebeldeng sundalo na ang sabi, tawag sa mga ito, RAM.
       Mga limang metro lang ang layo sa tapat naming mga usyusero ang dalawang trak ng sundalong tila paatras na't hindi na yata susugod sa Malacanang.  
      Ang mga gagong adik sa Loreto, Sampaloc na nakikiusyoso, sila talaga 'yung nagsimula na asarin ang mga sundalo eh umaatras na nga, kaya "Boooo!" sila nang "Boooo!" sa mga  sundalong sakay ng military truck ba 'yon.
      Eh, naki-"Booo!" na rin ako, hanggang sa lalong lumakas ang "Booo!" ng mga usi.  Nako, eto na.  Napikon yata 'yung mga sundalo.  
      Ang ginawa ng mga ito, kitang-kita ko, itinutok sa aming mga usisero ang kanilang mga baril at walang kaabog-abog na nagpaputok. 
      Ratatatatatatat!
       Juice ko po, naloko na!  Kanya-kanyang takbo kami.  Takbo ang bakla!  Hindi na 'ko makatago sa tindahang sarado na that time, dahil naunahan na 'ko ng ibang nagtatago rin.  
     Papasok ako sa isang bahay du'n, pinalabas naman ako. Napagkamalan siguro akong magnanakaw.
     Juice ko po, sunud-sunod ang ratatatatatat!   Me nakita ako, kariton ng potpot ('yung parang popcorn), nagtago talaga ako sa gilid nito. Nakadapa ako.
     Nararamdaman kong habang nagpuputukan, 'yung mga tama ng bala sa semento, tumatalsik 'yung pulbo ng semento sa braso ko, sa tenga ko, sa batok ko.
     Sa loob-loob ko, Juice ko po, Lord, 'wag naman po. Baka me tama na 'ko. Juice ko po, 'wag naman po!  Ang dami-dami ko pa pong pangarap sa buhay.  
    Juice ko, papaluin po ako ng nanay ko pag namatay ako.  'Wag naman po ngayon.  Tama na po ang putok, please?! Baka tamaan na talaga 'ko!
      Abot-abot talaga ang dasal ko, sobra.  Hanggang sa hindi ko na marinig ang putok.  "Ceasefire" na yata.  Kaya ako naman, karipas ng takbo papalayo sa trak ng sundalo.  
     Na nalokah ako, dahil noon ko lang na-realize, ang dami na palang nakatimbuwang sa kalye. Wala nang buhay.  Nakatapak pa 'ko ng ulo.
     Oh, my goodness!  Ang daming nabaril at namatay.  Kung hindi ako nagkakamali, labing-anim.  Thank you, Lord! ako nang thank you, Lord! talaga.
     Juice ko, kinabukasan nagmukhang punerarya sa dami ng patay ang Loreto, Sampaloc. Dahil ilang bahay 'yung mailaw at maraming nagsasakla sa labas.
     Hindi ko makakalimutan 'yung laging nakukunsumi ang nanay ko sa kapatid kong si Oca na ginawa nang tubig ang pag-inom ng alak, kaya laging lasing.
    Kaya everytime naha-high blood ang nanay ko sa kapatid kong 'yan, ang lagi nitong dayalog, "Kung papatayin mo rin lang ako sa kunsumisyon, sana, nauna ka na lang nu'ng araw!"
     March 18, 1996, natatandaan n'yo 'tong date na 'to? 26 years old na 'ko niyan.  Bale 8 years na 'ko niyan sa showbiz.
      Naiinis ako kasi, na-delay 'yung flight namin ng friend ko pa-Manila galing Hong Kong. Imbes na mga 6pm ang flight namin, na-delay ng mga 2 hours.  
    Naiinis talaga ako that time,. Juice ko, me kamiting akong guy noon. Magkikita kami sa isang disco sa Quezon City.
     Kaso, na-late nga ang flight.  Kaya pagdating sa Manila, dali-dali na 'kaming nag-taxi, dahil baka naiinip na 'yung boylet na kamiting ko sa disco.  
    Pagdating  ng taksi sa tapat ng inuupahan kong bahay (pero room for rent lang ako), pina-standby ko na 'yung taxi, hintayin lang 'kako ako at ibababa ko lang ang mga gamit at aalis din kami 'kako at go na kami sa disco.
      Nakakalokah, pagdating ko sa disco, inilalabas na 'yung mga bangkay.  Mga 160 plus 'yung sinawimpalad sa Ozone Disco. Ano'ng nangyari?  Ba't gano'n ang nangyari?  
     Kaya that time, naubos ang kuko ko sa kangangatngat sa sobrang tensyon. Hindi ko alam kung malulungkot ako, dahil me mga kaibigan akong nasawi sa loob.
     O matutuwa ako, dahil hindi ako nakasama sa mga nasunog na karamihan ay mga newly graduates ng high school at college.
      Kaya ngayon, pag nade-delay ang flight ng kahit anong trip ko, lagi kong iniisip, sine-save lang ako ni Lord sa tiyak na kapahamakan. 
      Sabi nila, pag ilambeses ka nang tsina-challenge ng tadhana, may sa-pusa ang buhay mo.  Pag ayaw ka pang kunin ni Lord, meron ka pang "mission to be accomplished."
      Siguro nga, kung noon pa 'ko kinuha ni Lord, baka hindi ko naranasan man lang ang maging mister, ang maging ama ng apat na bata, ang ma-enjoy kung ano meron ang buhay.
      Ang maiahon sa hirap ang nanay ko; ang matulungan ang mga kapatid ko't pamangkin ko; ang makatulong sa ibang tao; ang ma-experience ang napakagandang regalo ng Diyos--ang buhay. 
     Na araw-araw ay lagi kong ipinagpapasalamat sa Kanya at ihinihingi sa Kanya ng extension hangga't hindi ako nagkakaapo sa tuhod.  
      At ma-imagine n'yo kung sa isa sa tatlong pagkakataong 'yon ay minalas-malas ako at natigok ako? 
     Multo siguro ang gumawa ng blog na 'to.