Saturday, May 7, 2011

Si Aling Mameng

         Daming nagre-request.  Since Mother's Day naman, ba't hindi ko raw gawan ng blog ang tungkol sa nanay ko? 
    Sa loob-loob ko, sino naman ang magiging interesado sa kuwento tungkol sa nanay ko eh iba-iba naman ang pakikipagsapalaran sa buhay ng nanay para sa kanyang anak?
    Pero na-realize ko, ba't nga ba hindi ko gawan ng tribute ang nanay ko eh unang-una, hindi naman lahat ng anak, nakakagawa ng blog tungkol sa nanay nila, di ba?
    Palasak na kung ikukuwento ko pa kung paano kaming itinaguyod na walong magkakapatid ng nanay ko.  Natural, nagpakahirap si Madir.  Halos isusubo na lang niya ay ibibigay pa niya sa kanyang umiiyak na anak.
    Mga kuwentong walang hindi kayang gawin ang ina para sa kanyang anak na lahat naman halos ng ina, ibubuwis ang buhay para sa kanilang (mga) anak.
    Kaya naisip ko, dadamputin ko na lang mula sa napakaraming alaala ng nanay ko ang ilang "prinsipyo" niyang hanggang ngayon, bitbit ko sa pakikipagsapalaran sa buhay.
    Kaya eto na. Gusto kong ipakilala sa inyo ang nanay ko, si Aling Mameng.  75 years old na ang madir.  November 27, 1986, nabiyuda at hanggang ngayon, nananatiling "single."
    Sa akin, okay lang kung makahanap siya ng bagong partner in life, kasi, gusto ko rin naman siyang maging maligaya.
    Pero lagi niyang sinasabi sa akin, "Mag-aasawa lang ako pag wala na kayong lahat."
    Juice ko naman, 'Nay, walo kaming anak mo. At kailangan talaga, matigok kami para lang makapag-asawa ka?  Okay lang kayo?
    Actually, that's one way of saying kahit sa kabilang buhay, makakatingin siya nang diretso sa tatay ko at kaya niyang sabihin ditong, "O, wala akong ipinalit sa 'yo, ha?  Sana naman, ikaw din."
    Naalala ko 'yung eksena nu'ng Grade 4 (10 years old, 1980) ako sa Pio del Pilar Elementary School sa Pureza.  Malapit kasi du'n 'yung garahehan ng taxi kung saan pumapasada ang tatay ko.
   Ala singko pa lang nang umaga, ginising na 'ko ni nanay para maligo na agad at pagkatapos, puntahan ko na raw sa garahe si tatay at isama ko na raw pauwi para siguradong uuwi nga, bukod pa sa katotohanang kailangan ng pera, pamalengke.
    Pinuntahan ko sa garahe, wala si tatay.  Du'n sa tabing tindahan nito, tinanong ko rin, ang sabi, umalis na, "Nakita ko, papunta du'n ang tatay mo kanina, eh!"
    Sinunod ko lang ang direksiyon ng kamay ni Aling Amalia.  Mabilis ang lakad ko, kasi, baka ma-late ako sa iskul.  Pang-umaga pa naman ako.  7 o'clock ang unang klase ko.
    Binaybay ko 'yung Ramon Magsaysay patungo sa amin sa Loreto para kung hindi ko talaga makita si tatay eh naisip ko na ring baka nandu'n na rin siguro ito sa bahay, nagkasalisi lang kami.
    Pero sa paglalakad ko sa Ramon Magsaysay Boulevard, napalingon ako sa kanan ko. Teka, sino 'yung nakaupo sa harap ng mesa na tila nag-iisang kostumer na lang sa  Salaginto Disco Pub?
   Parang kilala ko yata 'yung lalaking nakatalikod at tsina-charot-charot ng tatlong babaing nakapekpek shorts (with matching black boots na abot hanggang ilalim ng tuhod) sa table, ah?
    Sabi ko na nga ba, eh.  Tama ang kutob ko. Jusko, 'Day, anong oras na?  Mag-a-ala sais na nang umaga, imbes na umuwi na, nakikipagharutan pa sa mga ago-go dancer ang tatay ko!
    "'Tay! 'Tay!"
    Napalingon ang fadir, "O, baket nandito ka? Me pasok ka, ah? Sa'n ka galing?"
    "Eh, kanina pa kayo hinihintay ni nanay sa bahay, eh.  Hindi kami makakapasok ng mga kuya, wala pa kayo. Wala kaming baon!"
    "O, sige, sige. Eto, o!" kinuha ko naman ang iniabot na lukot-lukot na 100 pesos.  "Sige na, susunod na 'ko 'kamo. Dalian n'yo na at mahuhuli pa kayo sa klase!"
    Naglalakad na 'ko pauwi, iniisip ko kung isusumbong ko ba 'to kay nanay o deadma na lang para hindi na sila mag-away? Pero deadma na, isusumbong ko pa din sa nanay ko ang nakita kong pakikipaglampungan ni tatay sa mga harot.
   Bahala na kung giyera-patani 'to pag-uwi ni tatay.  Tutal, hindi ko na 'yon maabutan, dahil nasa iskul na 'ko by that time. Katwiran ko, kung hindi ko sasabihin, parang pareho na naming niloko ng tatay ko ang nanay ko.
   Eto na. Pagdating ko sa bahay, ikinuwento ko nga sa nanay ko ang nasaksihan ko. Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga eksaktong linya ng nanay ko na sa akin niya mismo sinabi.
    "Hayaan mo na ang tatay mo.  Kahit mambabae 'yan, dito pa rin 'yan uuwi. Nasa'n na?  Pinadala ba sa 'yo ang pera?"
    Natigalgal ako du'n. Otomatik nang dinukot ko ang pera sa bulsa at iniabot sa nanay ko habang tulaley pa rin ako dahil sa katwiran ng nanay kong hindi ko alam kung tama o mali.
    "O, sige, pabaryahan mo na at kunin n'yo na ang baon n'yong magkakapatid. Dalian mo't male-late na kayo!"
     Ako pa tuloy ang nagtaka pagkatapos.  Sa loob-loob ko, gano'n lang 'yon, 'Nay?  Hindi man lang kayo nagselos o naghuramentado?
    Pero sa totoo lang, madalas naman talagang mag-away ang nanay at tatay ko, eh.  Lagi kong naririnig sa nanay ko pag nag-aaway sila 'yung panunumbat lang niya ke tatay na, "Wala akong pakialam kung mambabae ka. Problema mo 'yon, hindi ko problema 'yon. Basta 'wag mong kakalimutan ang obligasyon mo sa pamilya mo!"
     Mula noon, hindi ko na nakikita ang tatay ko na pumupunta sa Salaginto. Behaved na ang fadir.
    Sa bahay, pag nakainom ang tatay ko, maharot.  Nandiyang hinaharot ang mga kumare ng nanay ko na nangangapitbahay sa amin. 
    Madalas pagtripang harutin ni tatay sina Aling Letty o kaya si Aling Naty o kaya si Aling Azon Taba.
    Buti kamo, sanay na ang mga ito sa tatay ko pag lasing. Sa harap ng nanay ko, itatayo ni tatay sa upuan si kumareng katsismisan ng nanay ko at kahit walang music, isasayaw sila ng tatay ko, yayakapin ni fadir at maya-maya, natatawang nagsusumbong na si Aling Naty ng, "Mareng Mameng, si Mang Poldo, nanghihipo ng suso!"
    Lagi kong naririnig ang nanay ko, "Hayaan mo na, mare...para suso lang. Hindi naman nabawasan, okay lang 'yan!"
    Naaaliw ako, dahil nanghihipo talaga ang tatay ko nang pasimple, pero kahit may mga asawang tao ang mga kapitbahay namin eh alam nilang ganu'n lang kaharot ang tatay ko.  Sanay na sila sa tatay ko.
    Kahit ang mga mister nila, kabisado ang tatay kong gano'n lang talaga ito kaharot, pero pag hindi nakainom, behaved naman at seryoso kung makipag-usap.
    Pero sa mga ganu'ng pagkakataon, ang labis na kumuha ng atensiyon ko talaga eh ang nanay ko.  Ang nanay kong wala man lang kaselos-selos sa katawan.  Naaaliw pa sa panghaharot ng asawa niya!
    Kaya nga si fadir, napagod na rin sa pagpapaselos sa nanay ko, dahil hindi man lang naiparamdam ng nanay ko sa kanya na guwapo siya at mahaba ang "bird" niya.  
    Minsan, tinanong ko ang nanay ko kumba't hindi siya marunong magselos. "Ba't ako magseselos eh ako naman ang pinakasalan ng tatay mo?  Bihira na lang kaming mag-away ng tatay mo.  Kung pati pagseselos, gagawin ko pa, madadalas ang pag-aaway namin."
     Laging ipinagmamalaki ng nanay ko, "Walo kayong anak ko, kinaya ko kayong lahat.  Wala akong yaya, dahil ayokong ipagkatiwala kayo sa ibang tao.
    "Gusto kong patunayan sa tatay n'yo na hindi siya nagkamali na ako ang napangasawa niya. Mambabae na siya kung gusto niya, kunsensiya niya na 'yon. 'Wag lang ako ang manlalake, dahil isang lalake lang ang minahal ko!"
    Me ganyang mga linya ang nanay ko na paulit-ulit everytime mag-e-emote siya sa mga anak niya, dahil hindi pa dumarating si tatay at wala pa siyang pamalengke para sa tanghalian namin.
    Oo naman, nalilipasan din kami ng gutom nu'ng araw.  Kaya usong-uso sa nanay ko ang mangutang sa tindahan at kahit sa palengke, umuutang 'yan, lalo na pag maliit lang ang kinita ng tatay ko o kaya ay naholdap siya habang pumapasada.
    Kaya nu'ng aalis na kami sa Loreto, Sampaloc nu'ng April 1993 (dahil may nabili akong bahay sa San Pedro, Laguna, movie reporter pa lang ako noon), nanghingi sa akin ng pera ang nanay ko. Mga dalawang libo. Basta sabi lang niya, pupunta siya ng palengke.
    Kaya nu'ng dumating sa bahay, sabi ko, "Ba't 'yan lang ang napamili n'yo? 'Kala ko, marami kayong bibilhin?"
    "Hindi. Pinuntahan ko 'yung mga inuutangan ko sa palengke, inisa-isa ko.  Nagbayad ako ng utang sa kanila at nagpaalam na rin sa kanila, nag-iyakan pa nga sila, eh!"
    Noon pa, laging kabilin-bilinan ng nanay ko, "Kung marunong kang umutang, marunong ka rin dapat magbayad. Pag marunong kang magbayad, hindi ka mahihiyang umutang uli. Kung wala ka pang ibabayad, imbes na mangutang uli, puntahan mo sila at humingi ka ng dispensa at humingi ka na rin ng palugit."
    Alam ko, para sa iba, weird ang prinsipyo ng nanay ko sa buhay niya, lalo na sa trato niya sa asawa niya.  Pero nanay ko naman 'yan, eh.  Hindi mo naman nanay, kaya 'wag ka nang maapektuhan, okay?
     But seriously, ilan lang ito sa katangian ng nanay ko na ike-claim kong minana ko sa kanya.   Na walang ipinagkaiba ang pagbabayad ng utang sa pagharap sa anumang responsibilidad sa buhay.
     Pag inutang mo, bayaran mo.  Pag ginawa mo, panindigan mo.  Kung hindi mo kayang panindigan,'wag mong gawin.
     Na ang pagseselos ay isang pag-amin ng iyong pagkukulang, ng iyong inggit sa kapwa, ng kakapusan ng kumpiyansa sa sarili at higit sa lahat, ang pagseselos ay maliwanag na problema sa relasyon o pagsasama.
     Anyway, alam nating lahat na karamihan sa ugali natin, namana natin sa mga magulang natin, lalo na sa nanay natin.
     Kahit naman ako, namana ko 'yung mukha ng nanay ko, dahil magkamukha raw kami, eh.  Namana ko 'yung ilang ugali niya.
    At dahil ipinagpapasalamat ko na si Aling Mameng ang naging nanay ko eh gusto ko na ring kunin ang pagkakataong ito na pasalamatan ang dakilang ina ng apat kong anak.
    Hindi para isingit lang siya sa kuwento ng nanay ko.  She deserves another entry, 'ika nga.
    Alam ko, nahihiya tayong magsabi ng, "I love you!" sa ating mga ina.  Nababaduyan tayong magbigay ng bulaklak sa kanila.
    Ano ka ba?Tanggalin mo na ang hiya.  Nanay mo naman 'yan, eh.
    'Wag kang makornihan du'n. Oo, alam kong mas kaya mong sabihin 'yon sa text o sa facebook o sa twitter.  Pero wala nang hihigit pa kung personal mong iparirinig sa kanya. Kung puwede, araw-araw habang makakasagot pa siya ng, "I love you, too, anak!" 
    Hindi niya puwedeng idikta sa 'yo 'yon, dahil gusto niyang maramdaman ang sinseridad mo, personal man o sa telepono. 
    Narinig niya na nu'ng araw 'yon kung kani-kanino, pero alam mong mas kikiligin si mommy kung sa 'yo niya mismo maririnig 'yon.
    Wala nang kasing-sweet ang "I love you, 'nay!" na maririnig niya mula sa anak ang mga katagang kinababaduyan mo.
    Sabihin mo sa harap niya habang humihinga pa siya, habang nakadilat pa ang kanyang mga mata, habang alam mong makikita mo ang pagngiti niya pag narinig niya ang mga katagang 'yon mula sa iyo.
    Pag nahiya ka, ano? Saka mo kakapalan ang mukha mong sabihing "I love you, 'nay, mommy, mama" pag hindi na siya humihinga? Nakahiga na't akapikit na ang mga mata niya at hindi ka na niya naririnig at nararamdaman kahit kelan?
    Gusto mo bang magsabi ka ng, "I love you, nay! Salamat sa lahat, 'Nay!" nang nakangiti sincerely o lumuluha, dahil nagi-guilty?
     Alam mo kung paano pangitiin at pakiligin ang nanay o ang mama o ang mommy mo. Gawin mo na ngayon, 'wag mo nang ipagpabukas.      
    Gagah ka, 'wag ka nang mahiyang mag-i love you sa nanay mo.  Mas nakakahiya ka kung nagagawa mo 'to sa girlfriend o boyfriend mo, pero hindi sa nanay mo.
    Oo, sila ang nagpapasaya ng puso mo, pero hindi sila ang nagbigay ng buhay mo.