Sunday, March 27, 2011

"BATANG HAGGARD 3"

         Oo, aaminin ko, super fan ako nina Julie Vega, Aga Muhlach at Gabby Concepcion nu'ng 80s.  Pero sobrang bihira rin akong makapanood ng pelikula nila sa sine, dahil kesa inood, ipanglalaman  ko na lang ng sikmura ko. 
      Ang ginagawa ko na lang, dahil mahirap nga ang buhay namin sa Loreto, Sampaloc, Manila eh abang na lang ako sa tv, dahil ipapalabas din naman 'yan after a year.  Keri na 'yon.
         Pero pag in-announce na sa GMA-Supershow na may theater tour, kinaumagahan, titingnan ko na sa diyaryo 'yung iskedyul kung ano'ng oras dadaan sa kahabaan ng Recto para maplano ko na ang pagka-cutting classes (sa V. Mapa High School, Batch '87 pala ako). Mula Mendiola patungong Recto, malapit nang lakarin.
       Si Julie Vega, siya ang Soap Opera Queen noon, dahil sa hit na hit na Annaliza nu'ng 1979.  Awang-awa ako sa pang-aapi sa kanya ng mga malditang sina Leni Santos at Digna Kiocho , kaya nagustuhan ko siya. Nakuha niya 'ko du'n.
        Natatandaan ko pa, nakikinood lang ako noon sa kapitbahay na 'yung ugali ng kapitbahay, para hindi na kami makabalik para makinood uli, itinatago 'yung isang paa ng tsinelas ko. 
      O, kaya pag akmang magpapaalam na kami ng mga kuya ko sa kapitbahay na makikinood, pinapatay na nila ang tv para mag-alisan na kami't hindi na makapasok. 
       Madalas din, sa bintana namin ako nakikinood, dahil katapat ng bintana ng bahay namin sa eskinitang 'yon 'yung kapitbahay na may tv.
      Alam n'yo, salbahe 'yung anak ng may-ari, ibinababa 'yung kurtina para hindi ako makasilip man lang.  At pag hindi ako umalis, dahil nagtitiyaga akong aninagin ang Annaliza sa manipis na kurtina, isasara naman ang bintana para hindi na siya mainis.
       Ang karibal pala ni Julie noon, si Janice de Belen na may Flordeluna naman sa Channel 9.  At nu'ng magkaroon sila ng pelikulang Mga Basang Sisiw nu'ng 1981 (grade 4 lang ako nito), inabangan ko talaga sa Recto ang theater tour ng buong cast.
      Dumating sila sa Manila Cinema sa Recto at bumaba pa kamo sina Julie, Janice, Che-Che (anak ni Sylvia La Torre) at Sheryl Cruz para personal na makipagkamay sa mga fans. 
     Hindi ngumingiti si Julie noon.  Pero dahil fan niya nga ako, binibigyan ko ng katwiran kumba't ganu'n siya nu'ng time na 'yon.
      Siguro, meron siya that time o masama ang pakiramdam niya.  Pero kahit hindi niya 'ko pinansin noon at si Janice pa ang nakipagkamay sa akin, idol ko pa rin siya.
       Pero alam n'yo, nu'ng namatay si Julie sa edad na 16 nu'ng May 7, 1985 sa sakit na broncho pneumonia, sobrang araw-araw, iyak ako nang iyak.  Hindi ko naman 'to kaanu-ano, ba't gano'n?  Para 'kong namatayan ng kapatid?
       Kahit ayaw ng nanay ko, ang tigas ang ulo ko. Kahit walang pamasahe, nilakad ko mula Ramon Magsaysay hanggang tapat ng Broadway Centrum (dalawang kilometro yata 'yon) kung saan nasa Mt. Carmel Church ang burol ng idol ko, makita ko man lang sa huling sandali si Julie.
        Juice ko po,  hindi pa 'ko nakakarating ng simbahan, nakikita ko, ang kapal na ng tao sa labas na lahat halos, nag-iiyakan.  Gustong masilip si Julie. Mga sampung libo yata ang tao ang nakapila sa pagpasok sa rehas ng simbahan na isinara muna, dahil sa pagkakagulo.  Pero ako, bahala na, nakipila rin ako sa pag-asang masilip man lang si Idol.
        Ang kaso mo, parang alon na 'yung mga tao na nagtutumbahan, dahil sa ugaling Pinoy na ayaw masingitan sa pila.
       Kaya ayun, ang byuti ko, hindi na nga nakita ang idol, napaso pa 'ko ng yosi ng nasa harapan kong mamang napahiga sa dibdib ko.  May paso na ang ilalim ng kanang mata ko, nawala pa 'yung tsinelas ko. Kaya umuwi akong luhaan at "paahan."
         Gusto ko na lang isipin that time na buhay sa alaala ko si Julie Vega.  
       DAHIL BADING ang lola n'yo, siyempre, idol na idol si Gabby Concepcion.  Hindi kasi nakakasawa ang mukha ni Gabby, eh.  Ang pula ng lips.  At ang ngipin, susme, ang puti-puti.
      Natatandaan ko, 'yung pelikula niyang The Graduates nu'ng 1986, nabalitaan kong may theater tour sa UE Recto, cutting classes ang bading.
     Hinintay ko talagang dumaan ang sinasakyan nilang coaster sa tapat ng Ever Gotesco malapit sa UE.    
     Eeeeeeee! Put--ina! Ang guwapo ni Gabby! Sobrang mestiso! At ang kinis-kinis!  
         Wala akong pakialam noon kina Maricel Soriano, Snooky Serna, William Martinez, Lani Mercado at Dina Bonnevie na kasama that time sa theater tour.  Basta ang concentration ko, kailangang makamayan ko ang idol ko. At kung mahahalikan si Gabby, ita-try kong karirin.
      Nagpaka-fan talaga ako. Nakikipag-agawan ako ng poster na hinahagis ng mga artista.  At sobrang kilig ako nu'ng buksan ni Gabby 'yung bintana ng coaster at ine-extend niya 'yung kamay niya sa lahat ng mga tumitiling fans na karamihan, mga estudyante.
      Juice ko, ang hindi ko talaga makalimutan eh nu'ng tinapunan niya 'ko ng ngiti. Imbes na ihagis niya 'yung kaisa-isang poster sa kamay niya, iniabot na lang niya sa akin na nasiko pa 'ko sa mata  ng isang baklang fan na tulad ko ring oily ang face, kaya pag-uwi ng bahay, gifted ako ng "blackeye."
      Gusto kong puntahan noon si Gabby sa bahay nila sa P. Guevarra, kaso, wala naman sa mga kaklase ko at mga kapitbahay ko ang fanatic ni Gabby.  Eh, kung idi-discover ko pa kung saan 'yung P. Guevarra sa San Juan, baka maligaw-ligaw pa 'ko, mahirap na.
       Baklang gala nga ako, pero me takot pa rin akong mawala, mapagtripan ng mga adik at higit sa lahat, mag-alala ang nanay ko kumbakit gabi na ay wala pa 'ko sa bahay. Bonggang palo ang katumbas ng pag-aalala ni madir. Ayoko.
       SI AGA MUHLACH naman, sobrang diehard din ako.  Pinag-ipunan ko talaga ang pampanood ng launching movie niya nu'ng 1984, 'yung "Campus Beat" kung saan ginagaya-gaya  niya du'n ang moves ng idol niyang si Michael Jackson.
      'Yang si Aga, alam ko ang bahay niyan. Pag wala akong pamasahe pa-Cubao, nilalakad ko na lang mula Ramon Magsaysay patungong Sta. Mesa hanggang Aurora Blvd hanggang makarating sa Broadway Centrum, pa-Gilmore Avenue hanggang Hemady at pag nakita ko na ang Magnolia at Pepsi Bottling Company, malapit na 'kong makarating no'n sa Arcega's Royal (dating sinehan) hanggang sa makarating ako sa Seattle St., kakaliwa doon hanggang sa makarating sa dulo, simbahan na 'yon ng Immaculate Concepcion, kakanan, tapos, diretsong lakad. Konti na lang at bahay na nina Aga sa New York 'yon.
          Kahit wala namang fans day, lagi akong nasa New York, Cubao at nag-aabang kasama ang iba pang fans. Baka kasi dumungaw sa terrace si Aga. Inaabot pa nga kaming mga fans nang gabi sa labas sa kahihintay lang na dumating si Aga o sumilip man lang sa terrace.
      Minsan nang lumabas sa house nila si Aga, pero hanggang loob lang ng gate.  Kinakausap niya kaming mga fans niya, nagte-thank you siya, pero nakatakip ng tuwalya ang mukha niya, kasi daw, meron siyang isang malaking pimple na tumubo sa pisngi niya.
        At nu'ng minsan naman sa katatambay ko sa labas ng bahay nina Aga kasama ang ibang fans, juice ko po, nagtilian na naman, dahil si Aga, dumungaw sa terrace, nakahubad-baro, bagong ligo!  Nag-hi! siya sa aming lahat, tilian ang mga fans.
       Ako naman, hindi ako tiliera, eh.  Pero deep inside, tumitili ang puso ko, dahil nakita ko na naman ang baby faced na si Aga!  At eto, ha?  Walang kaechosan.
      Nu'ng bagong ligo si Morning at sumilip sa terrace, juice ko, 'yung basa ng hair niya,  nawisikan kaming mga fans niyang nakatingala sa kanya, kaya 'yung patak ng tubig galing sa hair niya, lumagapak sa sulok ng bibig ko--natatawa 'ko pag naaalala ko 'to-- na pilit kong inabot talaga ng dila ko para lang malasahan 'yung droplet sabay lunok.
      Hahaha! Ang cheap-cheap ko, grabe! Pero magkaaminan na tayo. Aga Muhlach 'yan, teh.  Kahit pawis niyan, hihimurin ko.  'Yan 'yung takbo ng utak ko noon, ha?   Hindi na siguro ngayon. Siyempre, maasim ang pawis, teh.
        Pero kung hihilingin pa rin ni Aga, why not?  (Mag-ilusyon pa ba? Hehehe!)
        'Yan 'yung mga katsipan ko nu'ng araw. Ganyan kababaw ang kaligayahan ko. Pero at least, kahit wala akong kapera-pera that time eh nagawa ko 'yung gusto ko.  'Yung ikaliligaya ng puso ko.
        Jologs man o baduy man ang naging paraan para maging masaya ako, ang importante, wala akong tinapakang kapwa ko.  Sarili ko lang ang inabala at pinerhuwisyo ko. At higit sa lahat, ang katsipang karanasan 'yon ng isang fan ang nagtulak sa akin sa mundong gusto ko. Kahit pa magulo.
       Naging kaibigan ko pa ang mga idol ko. 
       At kung tatanungin sina Gabby at Aga ngayon, sigurado, nakalimutan na nilang naging avid fan pala nila si Ogie Diaz.
       
   

28 comments:

  1. Naku ogie, natatawa naman ako sa kwento mo. U made my day. Habang nagkwekwento ka, naiimagine ko ung mga pangyayari... Para akong nagbabasa ng libro.

    ReplyDelete
  2. Nainspire m din ako magblog to share my thoughts. I hope mavisit m din ung blog ko. Tpos bonus pa nun kapag may comment ka! Haha... Now, ikaw na ang may fans.. At isa na ako dun.

    ReplyDelete
  3. Nakakaaliw ang istorya mo, Ogs! Number one ka sa tiyaga, grabe. Worth it namang idolohin ang dalawang 'yun, que ga-guwapo naman kasi talaga. Pero type ko noon si William Martinez, although pareho tayo kay Aga Muhlach. Sayang nasa Singko na siya...

    ReplyDelete
  4. excited ako to read your blog everytime..Ogs..im your avid fan..Salamat..you make us smile..

    ReplyDelete
  5. wow naman ogie! buti naisipan mo mag blog.

    ReplyDelete
  6. WOW!!! grabe kabog na kabog ang pagiging diehard teh!!! panalo! come to think of it, dating diehard fan, ngaun dami mo n ring fan, yan ang masasabi kong pagsusumikap tlga.. grabe swerte mo teh! ang mga mabubuting tao tlga pinagppala tlga yan ng DYOS, bsta wag lng maiinip.. im sure dadating at dadating ung swerte sa buhay... 2 thumbs up ka dito teh!

    ReplyDelete
  7. Palung-palo ang experience ... winner!!!
    Haggard ka man, enjoy naman yung mga nangyari noong kabataan mo ...

    ReplyDelete
  8. nAPAKAGANDANG KWENTO. vERY INSPIRING.

    ReplyDelete
  9. panalo ang blog mo!!!!
    looking forward everyday to your new post! :)

    ReplyDelete
  10. ikaw naaaa panalo talaga ang blog na 'to

    ReplyDelete
  11. nice one! super subaybay ako sa batang haggard series.. =)) ikaw na lakad ng lakad!thumbs up ako sa line na to "Sarili ko lang ang inabala at pinerhuwisyo ko."-- Godbless..><>

    ReplyDelete
  12. Idol2x na idol talaga kita Ogie, lalo na ang Batang Haggard series mo.. Hindi mo pa naikwento paano ka nakapasok sa showbiz kaya sure ako may Batang Hagged Part 4 pa na coming. Sana naman mapagbigyan mo ako sa wish ko na Batang Haggard post regarding sa lovelife mo.

    Nakaka aliw at inspiring talaga ang mga kwento mo. I'm sure ibebless ka pa ni God dahil sa kabaitan at pagiging masipag mo.

    ReplyDelete
  13. Hi Ogie Diaz, very inspiring and very humble ang sinimulan mo, hindi mo ikinahiya. Thumbs up!!!!
    You are being true to yourself,kahit na naging fan ka.
    More to come on your blog, i love reading your stories.

    ReplyDelete
  14. I want more Batang Haggard kwento :) I suggest you make a book out of it.

    ReplyDelete
  15. haha, nakakatuwa naman yung mga kwento. i guess lahat naman tayo dumadaan sa ganyang stage. :) parang ako kay marimar naman at F4. hihi.

    i love your posts po! Keep on blogging! :)

    ReplyDelete
  16. Nakakatawa pro super nakakarelate aq in a way kc isa dn aq sa mga avid fans ng kung cnu cno!hahahaha!...Jologs nga pro jologs nmn taung lht! let's all b proud! :)

    ReplyDelete
  17. Pwd mu po i-monetize tong blog mu. Kc dami mu n followers. Dagdag kita ba. hehehe...

    ReplyDelete
  18. Hope you follow my blogs din. http://iamails.blogspot.com/

    ReplyDelete
  19. Salamat sa inyong lahat, ha? read all your good words. meron pa akong part 4--"bingit ng kamatayan." at 'yung paano ako nakapasok sa showbiz. busy lang ang lola n'yo, hehehe.

    ReplyDelete
  20. you did a nice story again ☺☻♥ may comedy ulit which is different from other blog site.

    ReplyDelete
  21. Hi Ogie. I like your "paninindigan" during your fight with Mo. Please if you have time, please visit my blog www.arki-torture.blogspot.com. I'm new to blogging so bear with me. Para sa mga arki students at arki n by profession. Tnx :)

    ReplyDelete
  22. Ang galing naman Mama Ogz! E di sobrang happy ka nung makasama ka sa May Minamahal dahil fan ka pala ni Aga M. Excited na ako mabasa ang next entry mo. :)

    ReplyDelete
  23. Ang galing galing mo gumawa nang blog ogz, ang sarap basahin kahit Mahaba nakakabitin pa din... Keep it up!

    ReplyDelete
  24. nakakatawa naman! ang galing mo naman magkuwento! sana meron pang batang haggard na series :D

    ReplyDelete
  25. Mama Ogz, i can relate I was an avid fan of Gabby and up to now an avid fan of Aga Muhlach. Baliw din ako sa kanila. I can see myself in you, sayang nga lang di ako kasing daring mo talaga, pero kasing crazy ☺ And mind you ha, 1987 grad din ako. Imagine magkapitbahay lang pala tayo before ☺ I love reading your blogs. Thank you.

    ReplyDelete
  26. mama ogs,

    nalerky ako sa patak ng tubig na pinilit abutin ng dila at sabay lunok. nakakatuwa ka talaga. alala ko nga dati ay uso pa talaga na nagcacamp-out ang mga fans sa tapat ng bahay ng mga artista ano? paano kaya kung ngayon gawin yun? may gumagawa pa ba nun mama ogs? or bawal na?

    kakatuwa ang mga adventures mo. at todo ang lakaran talaga, makarating ka lang sa gustong puntahan. at nakadating ka naman, mama ogs. tignan mo ang blessings mo today diba. =)

    good night,

    ca_ptjack

    ReplyDelete
  27. Mama ogz! natatawa ko kapag iniimagine ko ang story ng life mo hehe..swerte mo na ngaun kasi nakakadahupang palad mo na ang mga "inspirasyon" mo. kinikilig ka pa rin ba sa kanila till now?

    ReplyDelete
  28. simula ng mabasa ko un pimple making list mo sinuyod ko na iba mong blogs..napapasaya mo araw ko mama ogs..and nakaka relate ako sa pakikinood mo ng tv sa neighbor mo hahaha experience ko rin yan dati...at saka yun lakad ng lakad kase ala pamasahe hahaha pero di naman kasing layo ng narating mo hahaha parang ngayon sa buhay mo layo na ng narating mo...God Bless..I love you more!!!

    ReplyDelete