Wednesday, March 30, 2011

'Yan si Rico...

      Nu'ng isang araw, nagkalkal ako ng mga album ko ng mga birthday parties ko sa pag-asang meron akong makukuhang picture kasama si Rico Yan.
     Eto na nga, nakakuha rin.  At ginamit ko ring twitter profile pic ko (na nahihirapan akong i-upload, kalokah!)
    Tinulungan na rin siguro ako ni Rico mismo makahanap agad para hindi na 'ko mahirapan.  Kasi nga, gagawa ako ng entry tungkol sa kanya, eh.
     Sabi niya siguro,  "Ogs, eto na.  Talagang magkaibigan tayo, dahil magkakulay pa tayo ng shirt."
      Juice ko, aminan na 'to, crush ko si Rico Yan noon pang una ko siyang makita bilang si 1/4 German, 1/4 Ilonggo bilang Eskinol Master commercial model.
     Sobrang kilig ako nu'ng i-guest siya sa Martin After Dark at interbyuhin ni Martin Nievera.  Nanganak ang paghanga ko nu'ng maramdaman kong bukod sa gandang lalake, matalino rin si Rico. May sense kausap.
     Reporter na 'ko no'n, eh.  Tinutuklas ko talaga kung sino ang manager.  Isang talent agency ang mayhawak sa kanya no'n.  Sa loob-loob ko, baka hindi ko ma-achieve maging friend si Rico.
     Hanggang sa si Biboy Arboleda na ang mayhawak, 'yun na ang aming tulay para magkakilala at magkatsikahan hanggang sa maging close.
     First fans day ni Rico, pinakiusapan ako ng manager niyang si Biboy na mag-emcee.  Sabi ko, sure! Love ko 'yan, 'no!  Go!  At nu'ng nag-host ako, du'n ako lalong minahal ni Rico.  Abot-abot ang pasasalamat niya.  Para na ngang sirang plaka sa kapapasalamat.  Ganu'n siya ka-appreciative.
      Pero bago ang lahat, ha? Baka 'yung iba, nagtataas ng kilay.  At sasabihin, ganu'n talaga.  Pag patay na, du'n na nagkakaroon ng tribute.  Pinakamabait na sa lahat ng mababait kung ituring, dahil patay na nga.
     Pero may mga kakilala rin naman akong namamatay, hindi ko sinasabing mabait kung alam ko namang hindi talaga mabait. Patay na, paplastikin ko pa ba?
    Love ko lang talaga si Rico.
     Minsan, kumakain ako sa canteen ng ABS-CBN. Nakita niya 'ko.  Sabi niya, "Sino kasama mo?"  Sabi ko, wala. "Sige, samahan kita."  Na-Charo Santos Conscious tuloy ako that time.

     Imbes na ipahinga na ni Rico 'yung oras na 'yon, dahil galing ng school at galing daw siyang rehearsal, sinamahan niya 'kong kumain kahit nanonood lang siya sa pagkain ko.  Niyaya kong kumain, ang sagot:  "Makita lang kitang kumain, busog na 'ko." Sabi ko sa sarili ko, okay makisama 'to. 
     Kuwentuhan kami.  Sabi ko sa kanya,  ituloy lang niya ang Rico Yan Foundation niya, dahil ang ganda ng objective:  ito ang tutustos sa edukasyon ng mga less-privileged students pero deserving naman.
     "Magiging presidente ka ng Pilipinas, Corricks!"
     "Hahaha!  Gutom lang 'yan, Ogs.  Sige lang, kain ka lang!"
     Bihira sa mga artista 'yung pag nakikipagkumustahan, kukumustahin niya 'ko, ang nanay ko, ang buhay ko, lalo't higit kung may problema daw ba ako na puwede siyang makatulong?
     Madalas kasing nangyayari, kaming mga reporter ang kukumusta sa artista. Pero si Rico, ikaw ang kukumustahin niya.
     'Yung gano'n lang, sobrang ang laking bagay sa akin, kaya love ko 'yang si Rico, sobra talaga.  Para na tuloy akong sirang plaka, paulit-ulit. 
      Hindi ko rin magawang magkaroon ng "pagnanasa" kay Rico kahit "yummy" at "papalicious" ang aktor. Siguro nga, dahil sa respetong siya rin ang nagtanim sa puso ko.
     Ang galing ding makipagbiruan.  Hindi KJ.  Sabi ko sa kanya, iniilusyon ka ng mga bading, ha?  "Ilusyon mo lang 'yon, hahaha! Pero friends natin 'yan."
     Ganyan siya.  Minsan nga, may nanggulat sa akin sa isang dressing room sa ABS-CBN. Nakabukas ang pinto kasi, ako lang mag-isa.
    Nagbabasa ako ng script nang nakatayo para sa sitcom na kinabibilangan ko noon, 'yung Pwedeng-puwede.
     Eh, nakabukas 'yung pinto ng dressing room.  Nalokah na lang ako nu'ng bigla na lang me yumakap sa akin sa likuran at nagdayalog ng parang kontrabida ang boses, "Eto naman ang gusto mo, di ba?  Okay ba, ha? Okay ba?"
     Paglingon ko, nagulat ako! "Nakakalokah ka, hindi ka nagsasabi. Nakapag-prepare sana ako! Hahaha!" Otomatik na, yakapan na kami.  'Yan si Rico.
     "Naramdaman" ko siya sa likod ko. Ramdam na ramdam.  At ipinagmamalaki ko nga 'yon sa mga bading kong friends, eh. Hindi lahat ng bading, bibiruin ng gano'n ni Rico, di ba?
     Eh, gano'n si Rico, eh. Kahit isang La Sallista, kaya niyang makibagay sa kahit kaninong tao. Kahit bading ka pa.  Ibig sabihin, secure sa seksuwalidad niya si Rico.
     And I remember, talagang tinapos niya ang kolehiyo niya, dahil gusto niyang maging isang magandang halimbawa sa mga kabataan, lalo na sa mga bagets na artista.
    Meron din siyang ugali na kapag kaibigan ka niya, ine-expect nya na pag may problema ka sa kanya, didiretsuhin mo siya.  Hindi mo isusulat o sasabihin kahit kanino, kungdi sa kanya lang, dahil siya ang concerned.
      Kaya pag nagkikita kami, lagi siyang nagpapaalala na pag may problema daw kami, sabihin lang sa kanya.  Ganu'n siya.   At na-appreciate ko 'yong effort niyang 'yon. 
     Ang dami pa naming "good memories" ni Rico na 'yung iba na ipinagkatiwala sa amin ni Rico, nasa "baul ng alaala" na namin.
      March 29, 2002, Biyernes Santo no'n, hinding-hindi ko makakalimutan. Katatapos lang ng annual Pabasa naming magkababata sa Loreto, Sampaloc.  Ang init-init na nga nu'ng time na 'yon, nakakapaso.
     Bigla akong parang binuhusan ng malamig na tubig nang matanggap ko ang balita thru text brigade na patay na si Rico.
      Hindi ko pa alam kung ano'ng irereak ko.  Kung maniniwala ba 'ko o gusto kong murahin 'yung nag-text brigade.  Pero sunud-sunod ang dating ng message, eh.  Lahat ba sila, mumurahin ko sa text?
      Eh, that time, naalala kong malungkot na si Rico bago pa siya mag-Holy Week sa Dos Palmas, Palawan, dahil nga nag-split sila ni Claudine Barretto at nabalitaan na lang ni Corricks na sina Claude at Raymart Santiago na pala.
      Sa Dos Palmas si Rico that time, kasama niya ang magdyowa dating sina Janna Victoria at Dominic Ochoa kasama ang ibang friends.  Nakainom daw si Rico at nu'ng makatulog, hindi na nagising.  Bangungot daw ang ikinamatay.
      Sabi ko nga sa sarili ko no'n, ke bangungot 'yan o anupamang cause, ang bottomline: patay pa rin si Rico.
      Kahit off-air ang lahat ng tv networks noon, dahil nga Biyernes Santo, nagbukas ang Channel 7 at Channel 2 para ihatid ang mga huling balita sa pagkamatay ni Rico.
    Si Karen Davila ang naalala kong masigasig na nagre-report kung saan 'yung helicopter ng ABS-CBN ang siyang kumuha sa mga labi ni Rico kasama ang ama at kuya nitong si Bobby Yan.
        Kaya pagdating dito ng bangkay ni Rico from Palawan, nu'ng naiburol na sa La Salle, papunta pa lang ako du'n, umiiyak na 'ko sa kotse.
      Pahinto-hinto ako para umiyak, tapos, maya-maya, tutunganga.   Nu'ng 'andu'n na 'ko sa La Salle,  hindi ko alam kung ubos na ba ang luha ko o kinakaya ko lang maging matapang o in denial lang ako at 'andu'n pa rin ang ilusyon kong buhay pa rin si Rico at nananaginip lang talaga ako.  Nang gising.
       Alam n'yo, namangha ako, dahil sobrang haba ng pila ng mga taong gustong magbigay ng huling respeto kay Rico.  Du'n ako mangiyak-ngiyak na natutuwa. Well-loved si Rico talaga.
      Ganu'n yata talaga.  Pag nagtanim ka nang maganda sa kapwa at nagbuo ka ng magandang imahe sa mata ng publiko, kahit hindi ka nila kaanu-ano, may nakalaan silang totoong luha at pagdamay anuman ang mangyari sa 'yo. 'Yan si Rico Yan.
        Kahit sa  araw ng libing ni Rico, ramdam kong sobrang love ng mga tao si Rico.  Kasi, parang hindi maputol ang chain na ginawa ng mga tao kahit nagkasya na lang silang casket lang ang makita habang patungo sa Manila Memorial Park ang pila-pilang mga sasakyan sa Edsa na gustong makipaglibing.
       Dalawang bagay  kumba't kami lumuluha nu'ng mga sandaling 'yon.  Una, dahil ang hirap-hirap sa kalooban ko na huling araw ko na lang makikita ang kaibigan kong si Rico.
      Tapos, pangalawa, pinababa pa ako ng executive producer  sa coaster kung saan nandu'n lahat ang cast ng noo'y nooontime show na  "Magandang Tanghali, Bayan" na kinabibilangan ni Rico.
     "Ba't nandito ka?  Hindi ka puwede dito, baba ka.  Bumaba ka.  Ipara n'yo diyan para makababa siya."
       Since napahiya ako sa mga nakarinig ng pagpapababa sa akin sa coaster ng naturang EP (sobrang nahiya talaga ako kina Willie Revillame, John Estrada, Randy Santiago, Ai-Ai delas Alas, at kung sino-sino pa na nandudu'n), itinawag agad ni John Estrada sa driver niya na saluhin ako pagbaba at pasakayin sa naka-convoy na sasakyan niya patungo sa sementeryo.
       Galit ako sa EP that time.  Kaso, pag inisip ko siya nang inisip, mapuputol naman ang emote ko sa pagkamatay ni Rico eh ilang sandali na lang, nasa sementeryo na't kukunin na si Rico ng nitso.
        Nu'ng burol, hindi ako nakaiyak.  Pero nu'ng ilibing, du'n na 'ko nagpaka-best actress.  Inilabas ko na ang umaapaw nang luha na inipon ko nang ilang araw.
     Kung magpi-feeling okay lang ako at kaya ko pa, baka naman sumabog na ang dibdib ko at ang ending--ma-comatose ako.
         Meron kasi akong kakilala na hindi umiyak nu'ng mamatay ang isang kaanak.  Hanggang sa mailibing, hindi rin umiyak.  Nagtibay-tibayan.  Kaya ang ending, bumigat ang dibdib, ayun, na-comatose hanggang sa hindi na talaga magising.  Natulog na forever.
         Anyway, mga ilang linggo rin bago ako naka-recover at natanggap sa sariling wala na talaga si Rico Yan.  Nag-aabang ako ng kaluluwa ni Rico na magpaparamdam sa akin, kaso, wala, eh.
      'Yung sinasabi nilang lamig ng hangin na hahampas sa katawan ko para ibintang kong si Rico 'yon?  Wala din, eh.
          Alam ko, kahit hindi sinasabi ni Rico, baka batukan ako no'n kung hindi pa rin ako nakaka-move on.  Baka sabihin no'n, ang OA ko na sa kae-emote sa pagkawala niya, kaya dapat ko pa ring ituloy ang buhay.
         'Yung EP, matagal kong hindi nakabatian.  Kaisnaban ko everytime magkikita kami sa loob ng ABS-CBN.  Pero eventually, sakto rin 'yung tsikang time heals all wounds.
     Me ganu'ng factor talaga, kaya one time, walang pride-pride sa amin ng EP, bigla na lang kaming nagkayakapan at nagkumustahan.
       Hindi pinag-usapan 'yung dating eksena namin. Naisip ko nga bigla si Rico nu'ng time na 'yon, eh.  Eto ang gusto ni Rico. Reconciliation.  All's well that ends well ang drama. Tuloy ang buhay.
      Kumbakit kahit sabihin kong move on na at tuloy pa rin dapat ang buhay, hindi ko makalimut-kalimutan talaga si Rico, dahil sa "Magandang Umaga, Bayan" na naging "Magandang Umaga, Pilipinas," nakatrabaho ko ang kuya niya, si Bobby.
     Sobrang close kami ni Bobby.  Mabait ang potah, pero at times, bumabalik sa pagkabata ang attitude.
       Tulad na lang nu'ng minsang nasa ere ako.  Nagbibigay ako ng blind item.  So 'yung ending lagi, magbibigay ako ng clue.  Sabi ko sa harap ng kamera, "Hulaan n'yo na.  Ang pangalan niya ay parang nasa kalendaryo lang."
         Nalokah ako, dahil biglang me narinig akong, "April!!!" na ubod nang lakas at dinig na dinig sa tv.  Ako naman, hindi nagpahalatang nairita sa narinig kong ibinubuko kung sino 'yung nasa blind item ko.
       Ang ginawa ko, pagkarinig ko ng, "April!"  dinugtungan ko agad 'yon ng, "May, June, July, August, September, October, November, December?" para hindi mahalatang 'yung "April" ang sagot.
       Nu'ng sinabi ko nang, "Sa pagbabalik ng 'Magandang Umaga, Bayan!"--commercial gap na.  Umagang-umaga, uminit talaga ang ulo ko.  Alam ko kung sino ang may-ari ng boses na sumigaw ng "April!" eh.
       Kaya sabi ko talaga sa kanya, "Ba't nakikialam ka?!  Hindi ko hinihinging sagutin mo at isigaw mo ang sagot! Ba't hindi ka manahimik?  Ipapahamak mo pa 'ko!"
       "Sorry, Ogs... sorry, sorry!  Na-excite lang ako.  Ang saya kasi ng portion mo, eh. Sorry na!"
         Ang init talaga ng ulo ko no'n, kaya sa galit ko, nakapagdayalog ako kay Bobby ng isang "bonggang pasabog" na ikina-shock naming pareho.
     Kaya naman, nu'ng mahimasmasan ako, nag-usap na kami ni Bobby at okay na ang lahat.  Nagkapatawaran at naging mas close pa kami.
          'Wag n'yo nang alamin kung ano 'yung nasabi ko kay Bobby, ha? Basta naikuwento ko lang sa inyo.  At alam ko, ayaw na rin ni Rico na banggitin ko pa 'yong dayalog kong 'yon sa kuya niya. Basta okay na okay kami ni Bob.
          Hay....ba't gano'n?  Ang dami nang nagsulputang artista, hindi ko pa rin makita ang "replica" ng isang Rico Yan?
         Pasensiya na, Rico, alam ko, ayaw mo ng gano'n at alam nating may kani-kanyang personalidad at karakter ang bawat artista at hindi ko dapat ikaw hanapin sa kanila.
       Alam ko naman, naka-move on na 'ko, eh. In denial nga lang.
       Huh?  Naka-move on na, pero in denial pa rin? Hahaha! Ang gulo ba?
      O, basta. Kung anuman ang interpretasyon n'yo, kayo na ang bahala.   Basta ang isang sigurado ko ngayon at habang nabubuhay ako, mahal ko si Rico Yan. 
 
            
http://www.facebook.com/profile.php?id=100001261472036#!/photo.php?fbid=175697629148952&set=a.169217549796960.51928.100001261472036&theater

Sunday, March 27, 2011

"BATANG HAGGARD 3"

         Oo, aaminin ko, super fan ako nina Julie Vega, Aga Muhlach at Gabby Concepcion nu'ng 80s.  Pero sobrang bihira rin akong makapanood ng pelikula nila sa sine, dahil kesa inood, ipanglalaman  ko na lang ng sikmura ko. 
      Ang ginagawa ko na lang, dahil mahirap nga ang buhay namin sa Loreto, Sampaloc, Manila eh abang na lang ako sa tv, dahil ipapalabas din naman 'yan after a year.  Keri na 'yon.
         Pero pag in-announce na sa GMA-Supershow na may theater tour, kinaumagahan, titingnan ko na sa diyaryo 'yung iskedyul kung ano'ng oras dadaan sa kahabaan ng Recto para maplano ko na ang pagka-cutting classes (sa V. Mapa High School, Batch '87 pala ako). Mula Mendiola patungong Recto, malapit nang lakarin.
       Si Julie Vega, siya ang Soap Opera Queen noon, dahil sa hit na hit na Annaliza nu'ng 1979.  Awang-awa ako sa pang-aapi sa kanya ng mga malditang sina Leni Santos at Digna Kiocho , kaya nagustuhan ko siya. Nakuha niya 'ko du'n.
        Natatandaan ko pa, nakikinood lang ako noon sa kapitbahay na 'yung ugali ng kapitbahay, para hindi na kami makabalik para makinood uli, itinatago 'yung isang paa ng tsinelas ko. 
      O, kaya pag akmang magpapaalam na kami ng mga kuya ko sa kapitbahay na makikinood, pinapatay na nila ang tv para mag-alisan na kami't hindi na makapasok. 
       Madalas din, sa bintana namin ako nakikinood, dahil katapat ng bintana ng bahay namin sa eskinitang 'yon 'yung kapitbahay na may tv.
      Alam n'yo, salbahe 'yung anak ng may-ari, ibinababa 'yung kurtina para hindi ako makasilip man lang.  At pag hindi ako umalis, dahil nagtitiyaga akong aninagin ang Annaliza sa manipis na kurtina, isasara naman ang bintana para hindi na siya mainis.
       Ang karibal pala ni Julie noon, si Janice de Belen na may Flordeluna naman sa Channel 9.  At nu'ng magkaroon sila ng pelikulang Mga Basang Sisiw nu'ng 1981 (grade 4 lang ako nito), inabangan ko talaga sa Recto ang theater tour ng buong cast.
      Dumating sila sa Manila Cinema sa Recto at bumaba pa kamo sina Julie, Janice, Che-Che (anak ni Sylvia La Torre) at Sheryl Cruz para personal na makipagkamay sa mga fans. 
     Hindi ngumingiti si Julie noon.  Pero dahil fan niya nga ako, binibigyan ko ng katwiran kumba't ganu'n siya nu'ng time na 'yon.
      Siguro, meron siya that time o masama ang pakiramdam niya.  Pero kahit hindi niya 'ko pinansin noon at si Janice pa ang nakipagkamay sa akin, idol ko pa rin siya.
       Pero alam n'yo, nu'ng namatay si Julie sa edad na 16 nu'ng May 7, 1985 sa sakit na broncho pneumonia, sobrang araw-araw, iyak ako nang iyak.  Hindi ko naman 'to kaanu-ano, ba't gano'n?  Para 'kong namatayan ng kapatid?
       Kahit ayaw ng nanay ko, ang tigas ang ulo ko. Kahit walang pamasahe, nilakad ko mula Ramon Magsaysay hanggang tapat ng Broadway Centrum (dalawang kilometro yata 'yon) kung saan nasa Mt. Carmel Church ang burol ng idol ko, makita ko man lang sa huling sandali si Julie.
        Juice ko po,  hindi pa 'ko nakakarating ng simbahan, nakikita ko, ang kapal na ng tao sa labas na lahat halos, nag-iiyakan.  Gustong masilip si Julie. Mga sampung libo yata ang tao ang nakapila sa pagpasok sa rehas ng simbahan na isinara muna, dahil sa pagkakagulo.  Pero ako, bahala na, nakipila rin ako sa pag-asang masilip man lang si Idol.
        Ang kaso mo, parang alon na 'yung mga tao na nagtutumbahan, dahil sa ugaling Pinoy na ayaw masingitan sa pila.
       Kaya ayun, ang byuti ko, hindi na nga nakita ang idol, napaso pa 'ko ng yosi ng nasa harapan kong mamang napahiga sa dibdib ko.  May paso na ang ilalim ng kanang mata ko, nawala pa 'yung tsinelas ko. Kaya umuwi akong luhaan at "paahan."
         Gusto ko na lang isipin that time na buhay sa alaala ko si Julie Vega.  
       DAHIL BADING ang lola n'yo, siyempre, idol na idol si Gabby Concepcion.  Hindi kasi nakakasawa ang mukha ni Gabby, eh.  Ang pula ng lips.  At ang ngipin, susme, ang puti-puti.
      Natatandaan ko, 'yung pelikula niyang The Graduates nu'ng 1986, nabalitaan kong may theater tour sa UE Recto, cutting classes ang bading.
     Hinintay ko talagang dumaan ang sinasakyan nilang coaster sa tapat ng Ever Gotesco malapit sa UE.    
     Eeeeeeee! Put--ina! Ang guwapo ni Gabby! Sobrang mestiso! At ang kinis-kinis!  
         Wala akong pakialam noon kina Maricel Soriano, Snooky Serna, William Martinez, Lani Mercado at Dina Bonnevie na kasama that time sa theater tour.  Basta ang concentration ko, kailangang makamayan ko ang idol ko. At kung mahahalikan si Gabby, ita-try kong karirin.
      Nagpaka-fan talaga ako. Nakikipag-agawan ako ng poster na hinahagis ng mga artista.  At sobrang kilig ako nu'ng buksan ni Gabby 'yung bintana ng coaster at ine-extend niya 'yung kamay niya sa lahat ng mga tumitiling fans na karamihan, mga estudyante.
      Juice ko, ang hindi ko talaga makalimutan eh nu'ng tinapunan niya 'ko ng ngiti. Imbes na ihagis niya 'yung kaisa-isang poster sa kamay niya, iniabot na lang niya sa akin na nasiko pa 'ko sa mata  ng isang baklang fan na tulad ko ring oily ang face, kaya pag-uwi ng bahay, gifted ako ng "blackeye."
      Gusto kong puntahan noon si Gabby sa bahay nila sa P. Guevarra, kaso, wala naman sa mga kaklase ko at mga kapitbahay ko ang fanatic ni Gabby.  Eh, kung idi-discover ko pa kung saan 'yung P. Guevarra sa San Juan, baka maligaw-ligaw pa 'ko, mahirap na.
       Baklang gala nga ako, pero me takot pa rin akong mawala, mapagtripan ng mga adik at higit sa lahat, mag-alala ang nanay ko kumbakit gabi na ay wala pa 'ko sa bahay. Bonggang palo ang katumbas ng pag-aalala ni madir. Ayoko.
       SI AGA MUHLACH naman, sobrang diehard din ako.  Pinag-ipunan ko talaga ang pampanood ng launching movie niya nu'ng 1984, 'yung "Campus Beat" kung saan ginagaya-gaya  niya du'n ang moves ng idol niyang si Michael Jackson.
      'Yang si Aga, alam ko ang bahay niyan. Pag wala akong pamasahe pa-Cubao, nilalakad ko na lang mula Ramon Magsaysay patungong Sta. Mesa hanggang Aurora Blvd hanggang makarating sa Broadway Centrum, pa-Gilmore Avenue hanggang Hemady at pag nakita ko na ang Magnolia at Pepsi Bottling Company, malapit na 'kong makarating no'n sa Arcega's Royal (dating sinehan) hanggang sa makarating ako sa Seattle St., kakaliwa doon hanggang sa makarating sa dulo, simbahan na 'yon ng Immaculate Concepcion, kakanan, tapos, diretsong lakad. Konti na lang at bahay na nina Aga sa New York 'yon.
          Kahit wala namang fans day, lagi akong nasa New York, Cubao at nag-aabang kasama ang iba pang fans. Baka kasi dumungaw sa terrace si Aga. Inaabot pa nga kaming mga fans nang gabi sa labas sa kahihintay lang na dumating si Aga o sumilip man lang sa terrace.
      Minsan nang lumabas sa house nila si Aga, pero hanggang loob lang ng gate.  Kinakausap niya kaming mga fans niya, nagte-thank you siya, pero nakatakip ng tuwalya ang mukha niya, kasi daw, meron siyang isang malaking pimple na tumubo sa pisngi niya.
        At nu'ng minsan naman sa katatambay ko sa labas ng bahay nina Aga kasama ang ibang fans, juice ko po, nagtilian na naman, dahil si Aga, dumungaw sa terrace, nakahubad-baro, bagong ligo!  Nag-hi! siya sa aming lahat, tilian ang mga fans.
       Ako naman, hindi ako tiliera, eh.  Pero deep inside, tumitili ang puso ko, dahil nakita ko na naman ang baby faced na si Aga!  At eto, ha?  Walang kaechosan.
      Nu'ng bagong ligo si Morning at sumilip sa terrace, juice ko, 'yung basa ng hair niya,  nawisikan kaming mga fans niyang nakatingala sa kanya, kaya 'yung patak ng tubig galing sa hair niya, lumagapak sa sulok ng bibig ko--natatawa 'ko pag naaalala ko 'to-- na pilit kong inabot talaga ng dila ko para lang malasahan 'yung droplet sabay lunok.
      Hahaha! Ang cheap-cheap ko, grabe! Pero magkaaminan na tayo. Aga Muhlach 'yan, teh.  Kahit pawis niyan, hihimurin ko.  'Yan 'yung takbo ng utak ko noon, ha?   Hindi na siguro ngayon. Siyempre, maasim ang pawis, teh.
        Pero kung hihilingin pa rin ni Aga, why not?  (Mag-ilusyon pa ba? Hehehe!)
        'Yan 'yung mga katsipan ko nu'ng araw. Ganyan kababaw ang kaligayahan ko. Pero at least, kahit wala akong kapera-pera that time eh nagawa ko 'yung gusto ko.  'Yung ikaliligaya ng puso ko.
        Jologs man o baduy man ang naging paraan para maging masaya ako, ang importante, wala akong tinapakang kapwa ko.  Sarili ko lang ang inabala at pinerhuwisyo ko. At higit sa lahat, ang katsipang karanasan 'yon ng isang fan ang nagtulak sa akin sa mundong gusto ko. Kahit pa magulo.
       Naging kaibigan ko pa ang mga idol ko. 
       At kung tatanungin sina Gabby at Aga ngayon, sigurado, nakalimutan na nilang naging avid fan pala nila si Ogie Diaz.
       
   

Thursday, March 24, 2011

Batang Haggard 2

                Siguro, pinagtatakhan n'yo ngayon kung paano 'ko "naka-penetrate" sa showbiz, 'no?  
        Bigla ko tuloy naalala 'yung pag-eekstra ko (nu'ng 15-16 years old ako, 1985-86 pa 'to) sa mga pelikula ng Regal Films.  Ang uso nu'ng 80s, puro movies at soap opera pa ang tawag noon sa teleserye.
        Ang hirap maging extra sa pelikula, grabe.  Pupuntahan ka ng "caretaker" sa bahay ng kapitbahay mong si Nanay Bito.  Aalukin ka kung puwede kang mag-extra as one of the high school graduates sa "Nasaan Ka Nang Kailangan Kita?" starring Janice de Belen, Snooky Serna, Susan Roces under Regal Films. Sa Ramon Magsaysay High School (Cubao) ginawa ang shooting.
        'Andu'n ka ng 7 am, pero ang nakakalokah, alas tres na nang hapon kinunan ang eksenang graduation.  Excited pa nga 'ko, sabi ko, mapapanood ko na ang sarili ko sa sine, sa wakas.
        Nu'ng showing na, ang aga ko sa sine only to find out that I was in the state of finding out, hahaha! Dahil hindi ko ma-find out ang sarili ko sa pelikula kahit mahagingan man lang ng kamera.
        Nu'ng kinuha uli ako ni Nanay Bito sa shooting, sa Pateros naman.  Para naman daw ito sa "Send In The Clown" nina Tito, Vic at Joey kasama ang dating child star na si Rose Ann Gonzales.  
       Ka-join ko ang iba pang extra (ang tawag na ngayon, talent), dinala kami ng arkiladong dyip ni Nanay Bito.  8am na kami nakarating, pero wala pa ang mga bida.  
     Nakakalokah, one of the audience na nga lang ang papel, ni-rehearse pa kami nang todo ng crowd director kung paano magwe-wave at itataas ang kamay pag papalakpak sa panonooring eksena mamaya nina Tito, Vic & Joey sa peryahan. 
     Kung minsan, kahit anong excitement mo, nawawala kapag kumakalam na ang sikmura mo, dahil walang libreng paalmusal ang mga ekstra, kalokah.
      Pagkatapos ng rehearsal blocking ng audience, ang nakakalokah, 'yung talim ng araw nang 11am, sobrang nakakapaso sa init.  Buti nga kamo, nu'ng lunch time na, kala ko, hindi na naman kami makakakain, eh.
     Pila din sa food.  Siguro, mga 150 talents 'yon, para kaming mga preso na kung ano lang ang nakalaang food, 'yun lang, walang ekstra rice at ekstra ulam. At bahala ka sa puwesto ng kakainan mo.
       Tapos, mga 2pm na dumating ang buong cast, dahil galing pang "Eat Bulaga."  Inunang kunan ang entablado, kaya nakanganga pa kami.
       Hanggang sa kunan na kami sa audience nang bandang 4pm na. Nandiyang tumili ako nang tumili.  Umarte nang bongga ang mukha na kunwari, naa-amaze sa pinanonood sa stage.
     Nu'ng pinanood ko na naman sa sine, putik, waley na naman.
     Sa loob-loob ko, pucha, alas otso nang umaga kami dumating, kami rin ang huling umalis. Tapos, wala ni anino sa big screen? Hahaha!      
     Eto pa, ganu'ndin ang eksena, hindi ko rin nakita ang sarili ko bilang isa sa napakaraming estudyante sa "When I Fall In Love" nina Maricel Soriano, Snooky, Albert Martinez, Manilyn, Sheryl, Tina, and others na kinunan sa Dept. Of Agriculture.
    Buti na lang, nu'ng shooting, nakita ko lahat ang artista. Gusto kong kunan ng picture, eh kahit kelan naman nu'ng araw, hindi kami nagkaroon ng kodak sa bahay.
    Kaya nagkasya na lang ako sa ballpen at papel at nagpa-autograph na lang ako sa kanilang lahat na ang usong message noon ng mga artista bago pumirma:  "Love lots" at "take care and God bless!"
     Alam n'yo ba kung magkano ang bayad bilang ekstra noon sa akin nu'ng 1986?  
     70 pesos per day! Nakakalokah, pahirapan pang maningil.  Ang kapitbahay kong si Nanay Bito, kinaltasan pa nang P1.50 'yung kita ko kasi hindi raw ako pumayag magpakandong sa dyip nang back and forth. Hahaha!
     Pero hindi naman ako nagalit kay Nanay Bito no'n.  Eh, negosyo niya 'yon, eh.  Nagpasalamat pa rin ako, dahil at least, na-experience kong umekstra kahit hindi nakita sa big screen.
     Naranasan kong umarte kahit napakarami naming ekstrang iisa lang ang arte.  Naranasan kong mabilad sa araw alang-alang sa munting pangarap at kakarampot na kikitain.
    Pero di bale. Hindi ko pinagsisihan ang pag-eekstra nu'ng araw, bagkus 'yan pa nga ang naging stepping stone ko para matupad ko ang pangarap kong makita sa pelikula at tv.
     Kahit hindi kasikatan. Basta hindi na ekstra.
       

Wednesday, March 23, 2011

Batang Haggard

           Ang agang nabanat ang mga bones ko sa trabaho, alam n'yo ba 'yon? 
          Juice ko, kung alam n'yo lang ang pinagdaanan ko nu'ng araw.  Baklang, este, batang paslit pa lang ako, exposed na 'ko sa kalye.  Explorer ako, eh.  Pero wala akong bangs noon tulad ni Dora. 
         Ang realization ko na bading ako--pero itinago ko--7 years old ako.  Ang aga kong na-haggard, teh.
        Grade 1 pa lang sa Mababang Paaralan ng Pio del Pilar sa Pureza (sino sa inyo ang ka-batch '83 ko?), isa na akong gala.  Naglalakad lang nang wala namang direksiyon na ang tanging alam ko lang, may direksiyon ang pangangarap ko nang gising.
       Mula Ramon Magsaysay Boulevard hanggang sa Altura, Sta. Mesa, nilalakad ko 'yan.  Mga dalawang kilometro yata ang layo niyan sa bahay namin sa Loreto, Sampaloc, tantiya ko. Juice ko, ang bahay namin doon, sinlaki lang ng CR ng isang milyonaryo na may second floor.  54 square meters lang ang floor area, pero sampu kaming nakatira.
        Pag matagal akong wala pa sa bahay, hindi naman ako hinahanap ng nanay ko, si Aling Mameng.  Basta walang nagsusumbong na kapitbahay sa kanya na may inaway ang anak niya, panatag  ang loob ng madir.
       Sabi ko nga, gala ako nang gala, wala naman akong nahihita.  Kaya naisip ko, ba't kaya hindi ako magtinda ng bibingka?  Ang bibingka noon, hindi 'yung niluto sa uling at uling din ang nasa ibabaw, ha?
      Hindi rin 'to keps.  Ibang bibingka 'to.  'Yung malagkit na bigas, na ito muna ang ipa-flat sa tray, tapos, bababawan ng matamis na latik ba 'yon?
       P54.00 ang puhunan. Tapos, pag naubos, merong 6 pesos na tubo.  Keri na.  Sisigaw lang ang bakla ng, "Aaaaay, biiiiibiiiingkaaaa!!!" nang powerful, maglalabasan na ang mga utaw para bumili.
       Pero ngayon nga, wala nang halaga ang diyes sentimos.  Nakakalungkot, kasi, sinisipa na lang sa kalye 'yan hanggang piso, dahil parang wala na ngang halaga.  Ay, nako, ako nga, pinupulot ko talaga 'yan, 'no!  Sabi nga, hindi mabubuo ang piso kung walang diyes o singko.
        Naranasan ko na nga rin na manguha ng kanimbaboy, eh.  Makakuha ako ng dalawang galon (ng basyo ng pintura) ng kanimbaboy sa mga kapitbahay, irarasyon ko kay Aling Ligaya, meron na 'kong piso, eh.
        Naggagala rin ako noon para maghanap ng kanal na ang puwesto ay sa harap ng tindahan.  Hinahalukay ko 'yung kanal, dahil dito, siguradong hindi ako mabobokya.  Pag nakakuha ako ng mga coins sa pangangapa sa kanal, maghahanap naman ako ng lupa.
       Kukuskusin ko ng sakong ko sa lupa ang nangitim nang coins na galing kanal para bumalik sa dating kulay na silver o bronze ('yung singkong bulaklak).  Nakakadalawang piso rin ako ng kapa sa kanal.  Kaso, kung minsan, me regalong sugat sa daliri mula sa basag na boteng nakapa.
       Kaya 'yung nanay ko, pag me dala akong pasalubong na pandesal sa kanya sa hapon, nag-iisip na 'yan na baka nanghingi ako o nagnakaw ako, kaya nakabili ako ng tinapay.  Ang sinasabi ko lang sa kanya na tumubo ako, 'yung sa pagtitinda ko ng bibingka, hindi 'yung pangangapa sa kanal.
       Nu'ng nakaipon nga ako ng pera, ang ginawa ko, nagtinda ako ng mga manggang hilaw, singkamas at pinya sa harap ng inuupahan naming bahay (na P550/month).   Pero may istorya 'yon.
     Sa sobrang pagtitipid ko, mula Ramon Magsaysay hanggang Divisoria, nilalakad ko 'yan kasama ang "kasosyo" ko sa pagtitinda, si Nenek (si Veronica). Hindi naman ako naiinip, dahil gusto ko ngang gumala, di ba?
       Umpisa ng lakad sa Legarda, papuntang Bustillos, tapos, Gastambide, tapos, sa Recto. Pag nakita ko na 'yung karatula ng Odeon Theater sa Avenida Rizal, senyales 'yon na konting lakad na lang at malapit na ang Divisoria.
      Juice ko, kaya kung minsan, ayoko nang  may kasama sa pamimili, eh.  Bising-busy ako sa pagka-canvass, tapos, 'yung kasama mo, hapong-hapo na sa kalalakad at magdadayalog ng, "'Gie, sakay na tayo ng dyip pag-uwi, ha? Pagod na 'ko, eh!"
       Kaya nasisira 'yung unang plano na maglalakad pa rin pabalik, dahil pati budget, nasisira, dahil wala sa plano ang sumakay pauwi.
       Nakakatawa nga, eh.  Pagsakay namin ng dyip ni Nenek, otomatik na ang drama namin: nagkakandungan na kami kahit kami pa lang ang unang pasahero ng dyip ng byaheng Divisoria-Cubao.
         Nu'ng 11 years old ako, namasukan naman akong yaya sa  dalawang apo ni Aling Goring.  Pumapasok kasi sa office 'yung madir, pero walang yayabels, kaya nagprisinta ako.  Piso kada araw, libre ang kain. Pumayag ang nanay ko, kasi, ang katwiran niya, at least, alam niya kung nasaan ang anak niya.
         Nakaipon din ako noon. Bakasyon kasi 'yon, eh.  Pero nu'ng pasukan na, wa na, 'no!  OA na. Masyadong pampelikula na kung galing school, tapos, mag-aalaga uli ng dalawang bata?  Hello!
         Ang ginawa ko na lang, nagtinda ako ng banana cue sa Conpinco Marketing along Ramon Magsaysay Boulevard lang.  Appliance Center ito na ngayon ay Save More na, 'yung katapat ng Mercury Drug. Dito sa Conpinco nagtrabaho bilang accounting clerk ang panganay sa walong magkakapatid, si Kuya Edgar.
         75 cents kada stick (dalawang saging 'yon) ang puhunan ko.  Ibebenta ko ng piso, me beinte singko sentimos akong tubo.  Konti lang ang empleyado sa Conpinco, eh, kaya 20 sticks lang ang hinahango ko ke Aling Perla. Hindi na masama. Meron akong tubong 5 pesos.
         Hanggang high school 'yon.  Pag-uwi ng bahay sa tanghali galing Mataas Na Paaralan Ng V. Mapa sa Mendiola, idlip sandali, dahil 2pm ko hahanguin 'yung banana cue kay Aling Perla.  Weekdays, 'yun na ang routine ko, kaya hindi na rin ako nanghihingi ng baon sa nanay ko.
        Nagtinda rin ako ng diyaryo sa kahabaan ng E. dela Fuente Avenue sa umaga, tapos, sa hapon,  magtitinda ako ng yosi sa traffic. Naranasan ko nang masagasaan ng taxi, mahulog sa 8-wheeler truck, dahil mali ang talon ko.  
         Pero eventually, kahit gaano kabilis 'yung mga sinasampahan kong dyip, nakakatalon ako nang bongga.  Basta 'wag sabay ang bagsak ng paa mo para pangkalso mo 'yung huling paang babagsak para bumalanse ka.
         Ilan lang 'yan sa mga naging trabaho ko nu'ng bata ako.  Ayaw ng nanay ko na magtrabaho ako, pero matigas ang ulo ko, eh.  Pag meron akong naisip na alam kong makakatulong at alam kong kaya kong gawin, kailangan, gawin ko, dahil sayang ang panahon.
         Juice ko, hindi naman kami mayaman.  Ang tatay ko (si Mang Poldo), taxi driver na P100/day lang ang kita.  Ang nanay ko, tatlong putahe lang ang  kayang itinda sa maliit niyang karinderya sa may bintana lang namin.  Ang panganay na si Kuya Edgar, accountant.  Ang pangalawang si Ate Edna, factory worker sa Mattel Philippines. 
        Si Ate Emily, deaf siya, pero masipag sa bahay; si Junior naman, nangungubra lang sa Jai-Alai na pag napuputukan, eh apektado kaming lahat, dahil aabonohan niya ang tumamang taya sa kanya; si Oca naman, blackship ng taon--mas umiinom ng alak kesa tubig (sana naman, walang tama sa atay ang potah ngayon).
        Tapos, pang-anim ako at 'yung sumunod na dalawa, mga toddler pa lang. Kaya ako ang pang-anim at ako ang "in demand" bilang utusan ng pamilya.
         Hay, nako, napapahaba na.  Pero isusunod ko agad ang part 2. Marami pa akong "karanasang" gustong i-share sa inyo. Marami pa akong trabahong pinasukan. Marami akong trabahong alam.
         Hindi ako natatakot bumalik sa hirap, kasi, galing ako doon.  Pero naging inspirasyon ko 'yon, naging motivation ko 'yon para mag-ipon ako, dahil ayoko nang bumalik ang pamilya ko sa hirap. 
          Kaya kung sasagutin ko 'yung tanong sa tv commercial ng isang brand ng kape?  "Ikaw, para kanino ka bumabangon?"
         Ang sagot ko: "Para sa pamilya ko."
      
        

Tuesday, March 15, 2011

Si Madam Talak...

         "Hoy, waiter!  Halika sandali!"
         "Yes, mam?"
        "'Yung inorder kong mango shake, kanina pa, 'asan na?!"
        "Wait lang po, ma'm. I-follow up ko lang po! Sorry po, ma'm!"
         "Bilisan mo naman, ang bagal ng service n'yo! Ang kupad mong kumilos!"
         Maya-maya....
         "Ma'm, eto na po," sabay lapag ng mango shake sa table, "Sorry po for waiting, ma'm!"
         Imbes na tumango na lang bilang tanda na okay na, umirap pa sa waiter ang dating sexy actress na ngayon ay misis na ng isang pulitiko.
        'Kala mo, nasa karinderya lang?  Wala.  Pero 'yung asta nu'ng babae, pangkarinderya.  Parang nasa palengke lang kung tumalak du'n sa waiter eh super apologetic naman sa kanya 'yung tao. Pahiyang-pahiya 'yung waiter sa ibang guests na napukaw ang atensiyon dahil sa talak ni madam.
        Pero alam mo ba kung saan ito naganap?  Ay, sosyal.  Nasa 5-star hotel lang naman sa Makati.  Pero 'yung inasal ni Madam Talak, hindi pang-hotel, pang-motel lang.  
        Siguro, kung dumating agad ang mga kasama ni Madam Talak that time nu'ng umoorder, baka sinabihan ng mga ito na 'wag ganu'n ang attitude sa waiter.
       May ibang tao talaga na dati namang wala sa buhay, hindi ganu'n ang ugali.  Pero nu'ng nagkaroon, parang gustong ipamukha sa kanilang kapwa na mayaman na sila at kailangang asikasuhin sila, dahil marami silang pera.
       Nakapangasawa lang ng pulitiko, parang gusto na nilang gawing batas ang anumang salitang lalabas sa bibig nila. 
     Pag ang waiter ay hindi naman sumasagot at sinusunod naman ang minamando mo, 'wag ka nang tumalak o magtaray.  Mas maiintindihan ka siguro ng mga taong makakarinig sa paligid mo kung 'yung waiter, alam nilang mali na nga, sumasagot pa nang pabalang-balang.
         Kaya eto ang tip.  O ang tamang approach sa waiter kung feeling n'yo, pinainit ang ulo n'yo ng serbisyo nila o ng waiter mismo o ng palpak na luto nila.   O, kung dadaanin sa hinahon, mas okay.
         Sa pagtawag ng waiter, baka okay lang na pag tinawag mo ang pansin nila kung oorder ka o may reklamo ka,  eh tawagin mo na lang silang kuya o ate.  O kaya, brad, miss, kapatid, 'tol, Ga (short for palangga), mahal, darling, sweetheart, sir, ma'm, anak.
         Bahala ka na sa term of endearment mo.  Okay lang namang tawagin silang "waiter" o "waitress," dahil 'yun naman talaga ang tawag sa kanila at trabaho nila. 
         Pero ano ba naman 'yung konting lambing o karinyo, di ba, lalo na't hindi natin alam kung paano nilang inihahanda ang ating iinumin at kakainin.
         Kaya nga may name plate din sila para kung tatawagin n'yo silang waiter sa malayo, paglapit nila, babasahin n'yo na lang 'yung name sa dibdib nila. 
         Ang pinakamainam, alamin na lang ang name ng waiter at i-approach ito sa pangalan niya para feeling close, hindi nila kayo makalimutan at bongga rin 'yung serbisyong ibibigay sa inyo, kasi nga, binibigyan n'yo ng dignidad ang kanilang trabaho bilang waiter. Lalo na kung may kasamang tapik sa balikat kung naasikaso naman nang matino.
      Kung me reklamo, sabihin nang mahinahon at naka-smile pa rin. *Kaya mo bang pagsabayin 'yung habang nagrereklamo ka, naka-smile ka pa rin?*
      Pero dapat, alam din ng mga waiters at ng managers na customers are always right. Magserbisyo nang matino para bumalik ang mga guests.
        Ngayon, kung hindi kayo makapagpigil at gusto n'yo talagang tumalak sa waiter o sa manager eh siguruhin n'yo lang na hindi na kayo babalik doon kahit kailan para kumain.  
     Hindi katulad ng tinutukoy kong misis ng isang pulitiko.  Nagtaray na, pero aba, bumalik pa sa naturang 5-star Hotel.  
       Eto na.  Umorder uli si Madam Talak ng kanyang favorite  mango shake du'n mismo sa waiter na inorderan niya noon. "One mango shake, please. Bilisan n'yo na, ha?  Baka ang bagal na naman ng service n'yo, ha?!" Talak again? 
      "Ay, sige po, i-prioritize ko na po, ma'm!" sey ng waiter.
      Pagdating sa bar, hindi pa naibibigay ng waiter ang OS (order slip) sa bartender ay nakahanda na ang inorder na mango shake.  Nakangisi sa bartender ang waiter nu'ng kinuha dito ang mango shake.
    "Ma'm, enjoy your mango shake!"
     "Ayan, eh di ang bilis ngayon ng service n'yo, di ba?!"  Talak uli?
      Habang hinihigop ni Madam Talak mula sa straw ang mango shake sa di-kalayuan ay nakangiti naman sa bar ang bartender habang sa tabi nitong kitchen ay nakasilip sa window nito ang dalawang cook at isang assistant.  Impit din sa kahahagikhik ang tatlo habang pinanonood si Madam Talak na enjoy na enjoy sa paghigop sa mango shake na inorder.
       Nu'ng uwian na, sabay-sabay pa  ang waiter, bartender at ng mga kitchen people, dumiretso na sila sa suki nilang beerhouse.  At sa gitna ng kanilang tawanan habang nag-iinuman ay nagdayalog ang waiter ni Madam Talak, "'Tang ina n'yo, 'tol!  Hanep din tayong gumanti, 'no?
       "Si Ma'm, sarap na sarap sa mango shake na pinagsawsawan ng apat na titing pawisan."

Sunday, March 6, 2011

Si Nine...Si Seven...

          Ako, perpektong ama?  Hahaha! Nako, hindi para magbuhat ako ng bangko. Hindi ko naman anak ang sarili ko para sabihin 'yan. Ang apat kong anak ang tanungin n'yo, kaso, wala naman silang celfone para makontak sila.    Nine, seven, three at one year old.  Puro girls?  Oo, hindi ako nakasilat ng baby boy, eh.
    Ang madalas ko pang marinig na tanong mula sa mga friends ko na manghang-mangha pa, "Ha?  Four girls?  Wala kang lalake?"
   Kitam, nambintang pa na me lalake ako.  Wala kaya.
   "Gagah, ang ibig kong sabihin, hindi ka man lang nagkaroon ng anak na lalake?" 
    Ah, ganu'n ba?  Lilinawin kasi para hindi ma-misinterpret. Hahaha!
    Actually, meron pa nga akong ibang kakila na hindi raw nila nabalitaang nag-ampon pala ako. 
    Juice ko, wala namang problema sa pag-a-adopt, pero gusto ko lang ipagmalaki na produkto ng semilya ko at ng misis ko ang naggagandahan kong mga anak.
    Katwiran ko nga, aanhin ko 'to kung hindi ko ipapasok sa tamang butas, di ba?  'Wag n'yo nang itanong kung pa'no akong tinigasan.  Nag-concentrate lang ako. 
   Ayan, sa kako-concentrate ko, nakaapat kami ni misis. Dalawa na lang ang kulang, volleyball team na.
   Siguro, sabi ni Lord, "Eh, nu'ng araw naman, nag-concentrate ka sa mga boys, eh.  Ngayon, gusto ko, sa girls iikot ang mundo mo."
     Sinabi n'yo po ba talaga 'yon, Lord?  O, I just put words into Your mouth?  Hehehe.  Pero somehow, semi-totoo naman.  
   Lagi kong iniisip, kaya siguro ayaw akong bigyan ng baby boy ni Lord, kasi, ita-timing lang Niya na malalaki na ang mga daughters ko para pag nandiyan na si Ogie, Jr., porke puro girls ang kapatid niya at andiyan pa ang madir niya, eh dapat lang na super taas ng respeto niya sa mga girls.
    Iniisip ko rin, pa'no pag nagkaanak kami ng boy tapos paglaki, lambutin din tulad ng ama niya?
    Sa 'kin?  Okay lang.  Walang problema.  At sino naman ako para isumpa ang anak ko kung siya man ay bading?  Aba, ipagmamalaki ko lang na 'yang mga bading ang hindi nang-iiwan ng parents.
     Ang dami ko kayang kilalang "kafatid" na hindi iniiwan ang parents nila.  Ako nga, kahit may sarili nang pamilya, ako pa rin ang breadwinner ng nanay ko, eh.  Habang ang iba kong kapatid na tunay na lalake at tunay na babae, may sari-sarili nang pamilya.
    (Pero sa susunod na blog ko na 'to ikukuwento.  Ang haba, eh!)
     Tinatanong ako ng ilang kaibigan, "Alam na ba ng mga anak mo na ganyan ka? Pa'no mo ipapaliwanag sa kanila?"  Nako, madalas, 'yan ang naririnig kong tanong.
    Ang OA nga ng isang bagong nakilala ko.  Para bang sa buong buhay niya eh ang naging desisyon ko sa buhay ang biggest problem niya.
     Sabi ko sa kanya, "Bilib naman ako sa 'yo.  Pinoproblema mo 'yan eh ako nga, hindi ko pinoproblema 'yan."
     Alam ko namang puwedeng mamaya dumating ang problemang 'yon o bukas o samakalawa o balang araw, pero ako ay naniniwala na as long as physically, lagi ka nilang nakikita, nahahawakan, nakakausap at nararamdaman nilang good provider ka, pinoprotektahan mo sila, binibihisan mo sila, pinag-aaral mo sila, nag-i-spend ka ng quality time sa kanila, ginagabayan mo sila at higit sa lahat, mahal na mahal mo sila,  I don't think ikahihiya ako ng mga anak ko.
     There was one time, nagtatalo sa harap ko si Nine at si Seven nu'ng sila'y Six at Four pa lang. "Sige na, sabihin mo na kay daddy." --"Ayoko, baka magalit si daddy, eh!"
     Siyempre, naalarma ko. "Ano 'yang pinag-aawayan n'yo?"
     Six:  "Eh, kasi, daddy, 'yung kaklase ko, si Jerome, nakita niya 'yung picture natin, tinanong niya 'ko kung daddy daw kita. Sabi ko, oo. 
    "Sabi niya, 'Bading naman 'yang daddy mo, eh!'"
    Na-curious ako, "O, ano'ng sabi mo?"
    "Sabi ko, hindi ka bading.  Boy ka.  Pero okay na daddy, 'wag ka na magalit, pinagalitan siya ng teacher namin!"
    Napabuntong-hininga ako.  Sabi ko, "Next time, anak, ha?  Pag me gumanyan pa sa inyo, pag sinabing ang daddy n'yo, bading...'wag n'yo nang pansinin at 'wag kayong magagalit, ha?
    "Saka kayo magalit pag sinabing ang daddy n'yo, tomboy!"
    Hindi na sila kumibo.  Siguro, 'yung bading lang ang alam nila ang meaning, pero ang tomboy, hindi. Hehehe. 
    Alam ko, balang-araw, magiging problema nila ito, pero ako, honest?  Hindi ko iniisip na problema ito. Sa ngayon, ha? 
    Very loving ang mga anak ko, eh.  Lahat sila, daddy's girl category.
    At itinuturing kong "sukli" ang pagiging "daddy's girl" nila at pagiging malambing sa pagtataguyod ko sa kanila.  Sa kanilang mag-iina.  
     MINSAN, dumalaw ako sa bahay ng isang kumpare kong OFW.  Kauuwi lang niya galing Saudi. Mula pa nu'ng nag-asawa ito, sa pag-a-abroad na nanggagaling ang ikinabubuhay ng misis niya hanggang sa tatlo na ngayon ang anak nila, ganu'n pa rin ang sistema. 
    Nakakalungkot, kasi, hindi gano'n ka-excited 'yung mga anak niya pag umuuwi siya eh 15 days lang ang bakasyon ni kumpare a year.
    Siguro nga, nakagisnan na nila, nasanay na silang nasa abroad palagi ang ama nila. 
    Pag-uwi ng ama galing abroad, hindi nila alam kung magiging malambing ba sila sa daddy nila o nandu'n pa ang mga anak sa stage na tinatantiya pa nila kung paano nilang haharapin ang tatay nilang kilala lang nilang tatay nila at bumubuhay sa kanila, period. Pero "absent" naman palagi sa pang-araw-araw na buhay nila.
    Kaya sabi ko nga kay Kumare, sana, maliliit pa lang nu'n ang mga anak nila, pinalibutan na niya ng picture ng ama nila ang buong paligid ng bahay nila para kahit sa isip lang ng mga bata ay kaya nilang i-drawing ang mukha ng ama nila.
   Sabi ko rin kay mare, sana, siya na ang naging tulay o extension ng mister niya para ma-appreciate ng mga bata ang kanilang ama kung gaano kasipag at kabuti itong ama sa kanila.
   Sa pinakamalalang emote, "Nagkakandakuba na sa katatrabaho sa ibang bansa ang daddy n'yo, mga anak, maibigay lang ang magandang buhay sa inyo."
   Kaya nga ako, one time, tinesting ko sina Nine at Seven, eh.  "Anak, gusto n'yo ba, si daddy, magtrabaho sa ibang bansa, sa abroad, para mas marami kayong damit, laruan?"
   Seryoso si Nine, "Du'n ka titira, daddy?  Matagal ka ba du'n? Hindi ka dito matutulog?" tango lang ako nang tango.
   "Sama mo na lang kami lahat, daddy!"