Sunday, August 28, 2011

Ka-fez

          "Magkapatid ba kayo ni Marcelito Pomoy?"
         Gasgas nang linya 'yan na lagi kong naririnig.  Hindi naman ako napipikon.  Naaaliw pa nga ako, kasi, aminado naman ako na ang dami ko talagang kamukha.  Saka lang naman ako naiirita pag parang nandidiri 'yung ikinukumpara sa akin at ayaw niyang maging kamukha ko siya.
       Eh, ang grand champion nga sa "Pilipinas Got Talent 2" nga, aware siya na magkamukha kami at natutuwa naman ako, dahil in-approach ako minsan niyan, magpa-picture daw kami.  Kahit ako naman, nagpa-picture din sa kanya, at ginawa ko pa ngang profile pic ko sa twitter account ko  (@ogiediaz).
       Naaalala ko pa nga nu'ng araw, nu'ng kasagsagan ng mga boksingero, 'yun din daw ang mga kamukha ko:  si Rolando Navarette, si Dodie Boy Penalosa at si Onyok Velasco.  Kaya nga sa kakulitan ng mga kaibigan ko,  sabi ko, "Oo na, mukha akong boksingero!"
        Nasabihan na rin akong "ugliest face on tv" ng isang di rin naman kaguwapuhang Ingliserong host, pero hindi ako nasaktan.  Naintindihan ko pa nga kamo.  Kasi nga, pag galit ka talaga sa isang tao, lahat ng masasakit, masasama at pangit na salita, ibabato mo sa kaaway mo.
       Nu'ng nag-away nga sila noon ng isang tv host (na ngayon ay co-host na niya),  juice ko, sinabihan niya naman itong kamukha ni Shrek.  Wala talaga siyang patawad noon.  Ni hindi man lang sinabing 'yung misis nitong si "Fiona" ang kamukha.
        Sinabihan din niya ito noon ng "ugliest face on tv" na dumating pa sa puntong 'yung mga anak ng tv host ay umiiyak na sa sobrang panlalait sa nanay nila ng dj na ito na ikinumpara naman ng babaing tv host sa gasul, dahil bahagya  lang daw ang itinaas ng dj sa gasul.
       Hanggang sa -- mag-fastforward tayo--ako na ngayon ang kaaway ng dj.  Sa mata niya'y ako na ang pinakapangit na nilalang sa balat ng telebisyon.
      Pero hindi ko naman siya mabalikan na "Pangit ka rin!" dahil hindi ko kayang mang-insulto ng itsura, eh.  Pero hindi mo rin naman ako maaasahang magsabi ng, "Ang guwapo mo!" huh? 
     Pero come to think of it, totoong maliit lang ang mundo, 'no? Ngayon, sila na ang magkakampi. Nagkakaisa sila ng disposisyon sa buhay, dahil magkasama nga sila sa kanilang trabaho, kaya intinding-intindi ko 'yon.  
      Kung paanong hindi ko rin naman kayang ikompromiso sa kanila 'yung sarili kong pananaw sa buhay, eh.
       Actually nga, eto, walang halong biro.  Noong hindi pa kami magkaaway ni Gasul, ang daming nagsasabi, magkamukha kami.  Hindi naman ako nainsulto (I'm sure, siya ang nainsulto), dahil lagi kong katwiran, kahit sino naman ang sabihin nilang kamukha ko, never naman akong nagalit.
      Kahit nga sa aso o sa kabayo o sa elepante mo pa ihambing ang mukha ko, wala namang problema. Salita lang naman 'yan, hindi ka naman sinaktan physically. 
      Magkakamukha, oo.  Pero ang ugali, magkakaiba. 
      Hindi para sabihin kong napakabait kong tao, pero kaya kong sabihing hindi ako masamang tao. 
      Kahit nga umupo ka lang diyan sa isang tabi, maaaring hindi ka aware, pero 'yung ibang tumitingin lang sa 'yo, may iniisip nang negatibo tungkol sa 'yo.  Bottomline:  you really cannot please everybody.
       Kung hindi ko sila masakyan, pero kaya ko namang intindihin ang pinanggagalingan ng galit nila sa akin, choice nilang magalit.  Habang ako, choice kong intindihin sila, dahil 'yun ang kailangan sa sitwasyon nila.
      Maliit lang ang mundo.  Isang araw, magkikita-kita pa rin kami.  Maaaring mag-isnaban, magpasaringan.  Pero darating ang araw, pagtatawanan na lang naming lahat ang isyung ito.  
       Basta ang importante, may natutunan kaming lahat dito.  O kung hindi man matuto ang iba at patuloy pa rin ang ngitngit at galit sa dibdib, eh, Lord, Ikaw na po ang bahala.
      
                   
        

Saturday, June 18, 2011

AKIN 'TO, PAG-AARI KO 'TO!

          "Happy Father's Day!"  Batiin ko ba ang sarili ko?  Hahaha!
            Hindi para sabihin ko sa sarili kong napakadakila kong ama sa aking mga anak.  Ang makapagsasabi niyan ay ang mga anak ko.  Kaso, ang babata pa ng mga daughters ko--sina Ten, Eight, Four at Two--para isulat nila sa blog nang mahabaan kung paano nila ide-describe ang kanilang ama.
          Sa 'kin siguro, dahil bata pa sila at mahihiyain, sapat na sa akin ang mga katagang, "I love you, daddy!" kahit wala nang tse-tse buretse.  'Yun na 'yon.  Apat na salitang musika na sa tenga ko.
           'Yung iba siguro--hindi ko maiaalis--nawiwirduhan sa "pinasok" kong bonggang experience na maging isang ama sa kabila ng aking kasarian.  Kasi nga, hindi karaniwan ang tatay nina Ten, Eight, Four at Two, eh.  
          Actually,  kung susumahin ko 'yung  pagtataka ng ibang tao at mga tanong na nae-encounter ko,  parang hindi sila makapaniwalang nagkaroon ako ng biological kids.  
       At apat pa, ha?  
      Kung nagtataka sila, eh siguro nga, it's not my problem anymore. It's their problem anymore, di ba?
          Ordinaryo na lang sa pandinig ko ang mga tanong na, "Totoo, me anak ka?  As in ano...ah...ikaw 'yung umano sa babae?"
         "Baka anak ng boypren mo 'yan?"
         "Nag-ampon ka?"
         Na pag nakikita pa ang mga anak kong kasama ko, "Mga pamangkin mo?"
        Imbes na mainis ako dahil nga lagi na lang gano'n ang naririnig ko, tinatapunan ko na lang ng ngiti.  Ako rin ang talo pag napikon ako o nainsulto ako sa mga pang-uusig ng mga mata nila na parang hindi yata talaga nila maimadyin na "titigasan" ako sa babae.
      Kulang na lang na sabihin kong, "Gusto n'yo ba, mag-sex kami ng misis ko sa harap n'yo para maniwala lang kayo?"
      Pero gusto ko na lang isiping kaya gano'n na lang sila kawalang prenong magsalita eh dahil baka iniisip nilang porke komedyante ako eh dyino-joke ko lang silang may anak ako. 
      Ewan ko ba sa mga 'yon.  As if naman, kung makapang-usig, akala mo, sinusustentuhan nila 'ko monthly.
        Lagi ko ngang sinasabi, "Aanhin ko naman 'tong sandatang ipinagkaloob ni Lord kung hindi ko naman ipapasok sa tamang butas?"  Eh, may nagkagustong babae sa pagmumukhang ito, I can't help it, eh. Chos.  Hahaha!
       But seriously, naniniwala ako-- ito ang guhit ng aking palad.
        "Ba't me anak ka? Di ba, bading ka?"
        "O, eh baket? Ba't naman hindi puwede? Baog ba 'ko?  'Yung iba nga, ni fetus, hindi biniyayaan, choosy pa ba 'ko?"
       Bigla ko tuloy naalala 'yung isang bading na tv host-comedian. Napadaan ako sa dressing room niya noon bitbit ko ang panganay kong anak na 3 years old pa lang no'n, "Anak mo?"
       Proud ko pang sinagot na, "Oo!"
       Na ang next line niya, "Kadiri ka, Ogie! Tomboy ka!"
      Hindi ko na siya binara pa.  Not in front of my kid. Baka hindi nito maintindihan kumba't makikipagtarayan ang tatay niya.  Sa loob-loob ko, "Inggit ka lang, teh!  Gandang-ganda ka sa sarili mo eh di i-maintain mo 'yang ganda mo hanggang ma-realize mo kung ano ang kulang sa ganda mo!"


       SA TOTOO LANG NAMAN, eto talaga ang ordinaryong kuwento ng isang bading.
       Na nu'ng bata pa ang bading, hate sa bahay.  Malas daw.  Parang kahihiyan sa pamilya.  Pero nu'ng lumaki na, nagkaisip, nagkatrabaho at umasenso, deadma na ang laos na paniniwala ng mga kapamilya.
      Ay, hindi pala malas.  Suwerte nga, dahil tumutulong at kung minsan ay siya pa ang breadwinner ng pamilya.  Buti nga at naging bading, dahil kung naging tunay na barako, matutulad sa ibang kapatid na mag-aasawa at hihiwalay din sa magulang. 
     Eh, ang bading, ang daling makalimot niyan ng mapait na karanasan nila nu'ng bata pa sila, eh.  Ginagawa nilang inspirasyon at motivation 'yan para lumaban at magtagumpay sa buhay.  Noon, sila daw 'yung malas, pero biglang nabaligtad. Sila pala itong umaasensong madalas at hindi iniiwan ang mga magulang.
       Kalokah, di ba?
       Karaniwan na ring kuwento 'yung madalas inaaway ng mga kapatid ang bading nu'ng bata pa, pero kalaunan, bading rin pala ang tutulong sa kapatid at sa mga anak nitong hindi mapagtapos ng pag-aaral ng mga magulang.
       Alam kong hindi makaka-relate 'yung ibang bading sa kuwentong ito, dahil hindi ganito ang naging takbo ng kabataan nila nu'ng araw.  Puwedeng mas malala pa rito o kabaligtaran. Puwedeng "prinsesa" ang naging trato sa kanya nu'ng araw ng pamilya niya. 
        Ako naman, sa totoo lang, nu'ng wala pa 'kong sariling pamilya, super tulong ako sa nanay ko, sa mga kapatid ko at sa mga anak nila.  Ginawa kong obligasyon 'yon, kaya kayod-marino ako. Na kahit barya basta galing sa marangal, papatulan ko para lang pag nangailangan sila, meron akong madudukot para sa kanila.
      Pero feeling ko, hindi natatapos ang obligasyon ko, eh.  Nag-aaral pa 'yung ibang pamangkin mo, magkakapamangkin ka na naman.  Pag ganito nang ganito, feeling ko, this is another job for Superman na naman ang drama ko.
       Kaya nu'ng mga beinte anyos ako (1990), in-entertain ko talaga ang idea na, ah, kailangan, pagtuntong ko ng treinta, may anak na 'ko.  Anak talaga.  Produkto ng semilya ko. Hindi anak ng kapatid ko na ituturing ko lang na anak-anakan, pero hindi ko pa rin pag-aari.
        Ni hindi ko rin in-entertain ang idea na mag-ampon, dahil ang dami ko ngang pamangkin, ba't ako mag-a-adopt?  Eh, di sila na lang din ang "ampunin" ko.
        Puwera na lang siguro kung cinematic ang pag-aampon ko ng di-kaanu-ano like pagbukas ko ng gate ng bahay ko, me batang nasa basket o nasa bayong at uha nang uha.  'Yun ang exciting para sa akin.
       Pero sabi ko nga, ang mga pamangkin ko, kahit tulungan kong makatapos ng pag-aaral hanggang sa makapagtrabaho,  matutuwa ako definitely.  Pero ayokong dumating ang time na dahil nag-iisa na ako sa buhay ay hindi man lang ako mabantayan ng pamangkin ko sa aking pag-iisa at kalungkutan, dahil meron na rin silang sariling buhay at pamilya.
       Ayokong ma-experience 'yong nae-experience ng ibang kaibigan kong bading na umiiyak na lang. 'Yung isa, naghirap. Humihingi ng tulong sa pinag-aral na kapatid, pero tinanggihan siya. 
      'Yung isa nama'y makikituloy lang sa bahay ng pamangking pinagtapos niya ng pag-aaral, pero hindi naipaglaban sa misis nito ang sandaling panunuluyan ng tiyuhing bading.
      Ini-imagine ko pa lang, ang sakit na.  What more kung sa akin pa 'to mangyari?  Baka ikamatay ko pa.  Ba't ko pa hihintayin ang eksenang 'yon? Eh, di gawa ako ng akin.  
      At sa edad treinta'y uno, isa na akong ganap na ama. 
      At ngayon, ang apat kong anak at ang kanilang ina.  Sila.  Sila 'yung matatawag kong akin. Pag-aari ko na hindi puwedeng angkinin ng iba, dahil akin. 
      Ang mga anak ko ang mga itinuturing kong "buhay na monumento ko" pag ako'y nabura na sa mundo.  Sila 'yung magpapaalala sa mga tao na, "Anak po ako ni Ogie Diaz." (Pero 'wag Mo muna akong kunin, Lord, ha?  Sampol lang po ito.)
      Matagal na akong "nagtatanim" sa mga kaibigan ng mabuting pakikisama at pakikipagkapwa-tao, dahil hindi ko man "anihin" 'yan ngayon, darating ang panahong mga anak ko ang aani ng lahat ng itinanim ko.
      Tandang-tanda ko noon si Kuya Boy Abunda, kausap ko.  Bilib na bilib ako sa ganda ng takbo ng career niya. Sabi ko, "Juice ko, ang yaman-yaman mo na, Kuya Boy.  Ang bait mo rin kasi, kaya you're so blessed! Naiinggit ako sa 'yo!"
      Sagot ni Kuya Boy, "'Mas nakakainggit ka, Ogs.  You're more blessed.  You have kids! Hindi ko kaya 'yan!"
      And that's the bottomline.
        
        

Saturday, May 7, 2011

Si Aling Mameng

         Daming nagre-request.  Since Mother's Day naman, ba't hindi ko raw gawan ng blog ang tungkol sa nanay ko? 
    Sa loob-loob ko, sino naman ang magiging interesado sa kuwento tungkol sa nanay ko eh iba-iba naman ang pakikipagsapalaran sa buhay ng nanay para sa kanyang anak?
    Pero na-realize ko, ba't nga ba hindi ko gawan ng tribute ang nanay ko eh unang-una, hindi naman lahat ng anak, nakakagawa ng blog tungkol sa nanay nila, di ba?
    Palasak na kung ikukuwento ko pa kung paano kaming itinaguyod na walong magkakapatid ng nanay ko.  Natural, nagpakahirap si Madir.  Halos isusubo na lang niya ay ibibigay pa niya sa kanyang umiiyak na anak.
    Mga kuwentong walang hindi kayang gawin ang ina para sa kanyang anak na lahat naman halos ng ina, ibubuwis ang buhay para sa kanilang (mga) anak.
    Kaya naisip ko, dadamputin ko na lang mula sa napakaraming alaala ng nanay ko ang ilang "prinsipyo" niyang hanggang ngayon, bitbit ko sa pakikipagsapalaran sa buhay.
    Kaya eto na. Gusto kong ipakilala sa inyo ang nanay ko, si Aling Mameng.  75 years old na ang madir.  November 27, 1986, nabiyuda at hanggang ngayon, nananatiling "single."
    Sa akin, okay lang kung makahanap siya ng bagong partner in life, kasi, gusto ko rin naman siyang maging maligaya.
    Pero lagi niyang sinasabi sa akin, "Mag-aasawa lang ako pag wala na kayong lahat."
    Juice ko naman, 'Nay, walo kaming anak mo. At kailangan talaga, matigok kami para lang makapag-asawa ka?  Okay lang kayo?
    Actually, that's one way of saying kahit sa kabilang buhay, makakatingin siya nang diretso sa tatay ko at kaya niyang sabihin ditong, "O, wala akong ipinalit sa 'yo, ha?  Sana naman, ikaw din."
    Naalala ko 'yung eksena nu'ng Grade 4 (10 years old, 1980) ako sa Pio del Pilar Elementary School sa Pureza.  Malapit kasi du'n 'yung garahehan ng taxi kung saan pumapasada ang tatay ko.
   Ala singko pa lang nang umaga, ginising na 'ko ni nanay para maligo na agad at pagkatapos, puntahan ko na raw sa garahe si tatay at isama ko na raw pauwi para siguradong uuwi nga, bukod pa sa katotohanang kailangan ng pera, pamalengke.
    Pinuntahan ko sa garahe, wala si tatay.  Du'n sa tabing tindahan nito, tinanong ko rin, ang sabi, umalis na, "Nakita ko, papunta du'n ang tatay mo kanina, eh!"
    Sinunod ko lang ang direksiyon ng kamay ni Aling Amalia.  Mabilis ang lakad ko, kasi, baka ma-late ako sa iskul.  Pang-umaga pa naman ako.  7 o'clock ang unang klase ko.
    Binaybay ko 'yung Ramon Magsaysay patungo sa amin sa Loreto para kung hindi ko talaga makita si tatay eh naisip ko na ring baka nandu'n na rin siguro ito sa bahay, nagkasalisi lang kami.
    Pero sa paglalakad ko sa Ramon Magsaysay Boulevard, napalingon ako sa kanan ko. Teka, sino 'yung nakaupo sa harap ng mesa na tila nag-iisang kostumer na lang sa  Salaginto Disco Pub?
   Parang kilala ko yata 'yung lalaking nakatalikod at tsina-charot-charot ng tatlong babaing nakapekpek shorts (with matching black boots na abot hanggang ilalim ng tuhod) sa table, ah?
    Sabi ko na nga ba, eh.  Tama ang kutob ko. Jusko, 'Day, anong oras na?  Mag-a-ala sais na nang umaga, imbes na umuwi na, nakikipagharutan pa sa mga ago-go dancer ang tatay ko!
    "'Tay! 'Tay!"
    Napalingon ang fadir, "O, baket nandito ka? Me pasok ka, ah? Sa'n ka galing?"
    "Eh, kanina pa kayo hinihintay ni nanay sa bahay, eh.  Hindi kami makakapasok ng mga kuya, wala pa kayo. Wala kaming baon!"
    "O, sige, sige. Eto, o!" kinuha ko naman ang iniabot na lukot-lukot na 100 pesos.  "Sige na, susunod na 'ko 'kamo. Dalian n'yo na at mahuhuli pa kayo sa klase!"
    Naglalakad na 'ko pauwi, iniisip ko kung isusumbong ko ba 'to kay nanay o deadma na lang para hindi na sila mag-away? Pero deadma na, isusumbong ko pa din sa nanay ko ang nakita kong pakikipaglampungan ni tatay sa mga harot.
   Bahala na kung giyera-patani 'to pag-uwi ni tatay.  Tutal, hindi ko na 'yon maabutan, dahil nasa iskul na 'ko by that time. Katwiran ko, kung hindi ko sasabihin, parang pareho na naming niloko ng tatay ko ang nanay ko.
   Eto na. Pagdating ko sa bahay, ikinuwento ko nga sa nanay ko ang nasaksihan ko. Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga eksaktong linya ng nanay ko na sa akin niya mismo sinabi.
    "Hayaan mo na ang tatay mo.  Kahit mambabae 'yan, dito pa rin 'yan uuwi. Nasa'n na?  Pinadala ba sa 'yo ang pera?"
    Natigalgal ako du'n. Otomatik nang dinukot ko ang pera sa bulsa at iniabot sa nanay ko habang tulaley pa rin ako dahil sa katwiran ng nanay kong hindi ko alam kung tama o mali.
    "O, sige, pabaryahan mo na at kunin n'yo na ang baon n'yong magkakapatid. Dalian mo't male-late na kayo!"
     Ako pa tuloy ang nagtaka pagkatapos.  Sa loob-loob ko, gano'n lang 'yon, 'Nay?  Hindi man lang kayo nagselos o naghuramentado?
    Pero sa totoo lang, madalas naman talagang mag-away ang nanay at tatay ko, eh.  Lagi kong naririnig sa nanay ko pag nag-aaway sila 'yung panunumbat lang niya ke tatay na, "Wala akong pakialam kung mambabae ka. Problema mo 'yon, hindi ko problema 'yon. Basta 'wag mong kakalimutan ang obligasyon mo sa pamilya mo!"
     Mula noon, hindi ko na nakikita ang tatay ko na pumupunta sa Salaginto. Behaved na ang fadir.
    Sa bahay, pag nakainom ang tatay ko, maharot.  Nandiyang hinaharot ang mga kumare ng nanay ko na nangangapitbahay sa amin. 
    Madalas pagtripang harutin ni tatay sina Aling Letty o kaya si Aling Naty o kaya si Aling Azon Taba.
    Buti kamo, sanay na ang mga ito sa tatay ko pag lasing. Sa harap ng nanay ko, itatayo ni tatay sa upuan si kumareng katsismisan ng nanay ko at kahit walang music, isasayaw sila ng tatay ko, yayakapin ni fadir at maya-maya, natatawang nagsusumbong na si Aling Naty ng, "Mareng Mameng, si Mang Poldo, nanghihipo ng suso!"
    Lagi kong naririnig ang nanay ko, "Hayaan mo na, mare...para suso lang. Hindi naman nabawasan, okay lang 'yan!"
    Naaaliw ako, dahil nanghihipo talaga ang tatay ko nang pasimple, pero kahit may mga asawang tao ang mga kapitbahay namin eh alam nilang ganu'n lang kaharot ang tatay ko.  Sanay na sila sa tatay ko.
    Kahit ang mga mister nila, kabisado ang tatay kong gano'n lang talaga ito kaharot, pero pag hindi nakainom, behaved naman at seryoso kung makipag-usap.
    Pero sa mga ganu'ng pagkakataon, ang labis na kumuha ng atensiyon ko talaga eh ang nanay ko.  Ang nanay kong wala man lang kaselos-selos sa katawan.  Naaaliw pa sa panghaharot ng asawa niya!
    Kaya nga si fadir, napagod na rin sa pagpapaselos sa nanay ko, dahil hindi man lang naiparamdam ng nanay ko sa kanya na guwapo siya at mahaba ang "bird" niya.  
    Minsan, tinanong ko ang nanay ko kumba't hindi siya marunong magselos. "Ba't ako magseselos eh ako naman ang pinakasalan ng tatay mo?  Bihira na lang kaming mag-away ng tatay mo.  Kung pati pagseselos, gagawin ko pa, madadalas ang pag-aaway namin."
     Laging ipinagmamalaki ng nanay ko, "Walo kayong anak ko, kinaya ko kayong lahat.  Wala akong yaya, dahil ayokong ipagkatiwala kayo sa ibang tao.
    "Gusto kong patunayan sa tatay n'yo na hindi siya nagkamali na ako ang napangasawa niya. Mambabae na siya kung gusto niya, kunsensiya niya na 'yon. 'Wag lang ako ang manlalake, dahil isang lalake lang ang minahal ko!"
    Me ganyang mga linya ang nanay ko na paulit-ulit everytime mag-e-emote siya sa mga anak niya, dahil hindi pa dumarating si tatay at wala pa siyang pamalengke para sa tanghalian namin.
    Oo naman, nalilipasan din kami ng gutom nu'ng araw.  Kaya usong-uso sa nanay ko ang mangutang sa tindahan at kahit sa palengke, umuutang 'yan, lalo na pag maliit lang ang kinita ng tatay ko o kaya ay naholdap siya habang pumapasada.
    Kaya nu'ng aalis na kami sa Loreto, Sampaloc nu'ng April 1993 (dahil may nabili akong bahay sa San Pedro, Laguna, movie reporter pa lang ako noon), nanghingi sa akin ng pera ang nanay ko. Mga dalawang libo. Basta sabi lang niya, pupunta siya ng palengke.
    Kaya nu'ng dumating sa bahay, sabi ko, "Ba't 'yan lang ang napamili n'yo? 'Kala ko, marami kayong bibilhin?"
    "Hindi. Pinuntahan ko 'yung mga inuutangan ko sa palengke, inisa-isa ko.  Nagbayad ako ng utang sa kanila at nagpaalam na rin sa kanila, nag-iyakan pa nga sila, eh!"
    Noon pa, laging kabilin-bilinan ng nanay ko, "Kung marunong kang umutang, marunong ka rin dapat magbayad. Pag marunong kang magbayad, hindi ka mahihiyang umutang uli. Kung wala ka pang ibabayad, imbes na mangutang uli, puntahan mo sila at humingi ka ng dispensa at humingi ka na rin ng palugit."
    Alam ko, para sa iba, weird ang prinsipyo ng nanay ko sa buhay niya, lalo na sa trato niya sa asawa niya.  Pero nanay ko naman 'yan, eh.  Hindi mo naman nanay, kaya 'wag ka nang maapektuhan, okay?
     But seriously, ilan lang ito sa katangian ng nanay ko na ike-claim kong minana ko sa kanya.   Na walang ipinagkaiba ang pagbabayad ng utang sa pagharap sa anumang responsibilidad sa buhay.
     Pag inutang mo, bayaran mo.  Pag ginawa mo, panindigan mo.  Kung hindi mo kayang panindigan,'wag mong gawin.
     Na ang pagseselos ay isang pag-amin ng iyong pagkukulang, ng iyong inggit sa kapwa, ng kakapusan ng kumpiyansa sa sarili at higit sa lahat, ang pagseselos ay maliwanag na problema sa relasyon o pagsasama.
     Anyway, alam nating lahat na karamihan sa ugali natin, namana natin sa mga magulang natin, lalo na sa nanay natin.
     Kahit naman ako, namana ko 'yung mukha ng nanay ko, dahil magkamukha raw kami, eh.  Namana ko 'yung ilang ugali niya.
    At dahil ipinagpapasalamat ko na si Aling Mameng ang naging nanay ko eh gusto ko na ring kunin ang pagkakataong ito na pasalamatan ang dakilang ina ng apat kong anak.
    Hindi para isingit lang siya sa kuwento ng nanay ko.  She deserves another entry, 'ika nga.
    Alam ko, nahihiya tayong magsabi ng, "I love you!" sa ating mga ina.  Nababaduyan tayong magbigay ng bulaklak sa kanila.
    Ano ka ba?Tanggalin mo na ang hiya.  Nanay mo naman 'yan, eh.
    'Wag kang makornihan du'n. Oo, alam kong mas kaya mong sabihin 'yon sa text o sa facebook o sa twitter.  Pero wala nang hihigit pa kung personal mong iparirinig sa kanya. Kung puwede, araw-araw habang makakasagot pa siya ng, "I love you, too, anak!" 
    Hindi niya puwedeng idikta sa 'yo 'yon, dahil gusto niyang maramdaman ang sinseridad mo, personal man o sa telepono. 
    Narinig niya na nu'ng araw 'yon kung kani-kanino, pero alam mong mas kikiligin si mommy kung sa 'yo niya mismo maririnig 'yon.
    Wala nang kasing-sweet ang "I love you, 'nay!" na maririnig niya mula sa anak ang mga katagang kinababaduyan mo.
    Sabihin mo sa harap niya habang humihinga pa siya, habang nakadilat pa ang kanyang mga mata, habang alam mong makikita mo ang pagngiti niya pag narinig niya ang mga katagang 'yon mula sa iyo.
    Pag nahiya ka, ano? Saka mo kakapalan ang mukha mong sabihing "I love you, 'nay, mommy, mama" pag hindi na siya humihinga? Nakahiga na't akapikit na ang mga mata niya at hindi ka na niya naririnig at nararamdaman kahit kelan?
    Gusto mo bang magsabi ka ng, "I love you, nay! Salamat sa lahat, 'Nay!" nang nakangiti sincerely o lumuluha, dahil nagi-guilty?
     Alam mo kung paano pangitiin at pakiligin ang nanay o ang mama o ang mommy mo. Gawin mo na ngayon, 'wag mo nang ipagpabukas.      
    Gagah ka, 'wag ka nang mahiyang mag-i love you sa nanay mo.  Mas nakakahiya ka kung nagagawa mo 'to sa girlfriend o boyfriend mo, pero hindi sa nanay mo.
    Oo, sila ang nagpapasaya ng puso mo, pero hindi sila ang nagbigay ng buhay mo. 
       

Friday, April 22, 2011

Pimple Making List...

       "Put---ina naman, o!  Kahit kailan, hindi kita kailangan, baket sulpot ka nang sulpot?! Nakakasira ka ng araw. Nakakasira ka ng diskarte.  Mako-conscious na naman ako niyan, dahil nandiyan ka na naman, bwiset ka!"
       Kung may buhay lang ang "taghiyawat" at nakakapagsalita rin, siguro, sinagot ka na niyan ng, "Gago ka? Pinagpuyatan mo 'ko, tapos, ieetsa-puwera mo lang ako? Okay ka lang?!"
      Sino ba'ng gusto ng pimples? 
      Sa mga sanay nang tubuan nito, normal na lang ang dayalog na, "Ah, okay. Andiyan ka na naman. Favorite mo talaga ang mukha ko! Mawawala ka rin!" na pag nawawala nga, kaagad-agad, may kapalit na naman ito hanggang hindi mo namamalayan, wala ka na palang pimples. Na puwedeng mapaglagyan pa sa mukha mo.
      Siguro, kung may mga paa lang ang pimples, palalagyan mo rin ng pinto ang mukha mo para hindi makapasok at pamahayan ng peste. 
      Kahit kelan ay hindi mo puwedeng sabihing weather-weather lang ang pagtubo ng pimples sa mukha mo.  Kung minsan nga, hindi ka naman nagpupuyat, kumbakit paggising mo, andiyan na naman siya.
     Na ang katwiran naman ng  iba, "Tumutubo 'yan kasi isip ka nang isip, balisa ka, nagwo-worry ka, hindi ka mapakali!"
     May mga nagkaka-pimples namang girls pag "meron."  'Yung isang kaibigan ko ngang girl, nabubuwisit, kasi nga, mga anim na pimples ang tutubo sa mukha niya pag "meron" siya.
     Sey niya, "Juice ko, sana, kung saan na lang ako dinugo, du'n na lang tumubo ang pimples.  Hindi pa kita."
       Ako, nu'ng bagets pa ako--walang exaj, ha?--juice ko po, araw-araw, ang lulusog ng mga pimples na tumutubo sa mukha ko.  Mapipintog at mabibilog.  Na otomatik na 'yan, ipiprik ko talaga siya to death na magiging sugat, tapos, hahayaang mag-heal hanggang sa maging scar na.
     Tapos, same procedure pag bumalik uli ang hayup na pimples.
     Charo Santos-Conscious talaga kasi ako sa pimples, eh.  Lalo na nu'ng araw na kung ano-ano na lang ang kapaniwalaan kong kayang sumugpo sa pimples ko. 
     Siyempre, kung ano-ano iisipin mo, lalo na't Poorita Mirasol lang kami nu'ng araw (wow, mayaman ka na, Ogie, gano'n?).  
      Nandiyang para akong gago na mamimitas ng dahon ng bayabas, ilalaga ko siya at 'yung pinakuluang sabaw no'n ang siyang ihihilamos ko. 
     Everytime ginagawa ko 'yon sa umaga, 'tang*na, feeling ko, parang "tit*ng bagong tule 'yung mukha ko na nilalanggas ko sa sabaw ng dahon ng bayabas. 
     Na pucha, baka mawala nga ang pimples ko, nangamatis naman ang mukha ko nito. Hahaha!
     Pero honest? Kung me nangyari? Hehehe. Meron. Hindi naman nagbubuntis ang pimples, di ba? Pero nanganak siyang lalo, kalokah. So tanggal na sa listahan ko ang dahon ng bayabas.
      Ang ginawa ko, dasal na lang ke St. Therese. Kilala n'yo ba si St. Therese?  No, 'yung iniisip n'yo, Santo 'yon.  Si St. Therese na kilala ko, 'yan 'yung ginagawa ko na lang sa pimples ko nu'ng araw, dahil walang pampagamot--Therese nang Therese.
      Kaya nu'ng pumasok na 'ko sa showbiz, sabi ko sa sarili ko, kailangan, bongga na ang fez ko. Although mukha pa rin akong adik sa kapayatan nu'ng mga early 90s, keri lang.
     Basta kahit chaka (read: pangit) ang face ko, ang importante, humupa lang ang tsunami ng pimples sa mukha ko.
      Kung sino-sinong mga OPM (Oh, Promise Me!) na dermatologists na ang nakipagpambuno sa pimples ko, kung ano-anong gamot ang binili ko mismo sa clinic nila, 'yung iba, nagreseta pa at sa botika ko pa binili, wa pa rin talab.
      Minsan nga, naisip ko, sa dami ng resetang nasa akin, ano kaya kung 'yung reseta na lang ang ipahid ko sa mukha ko, magkahimala kaya?  Ganyan ako kadesperado noon.
      Hanggang sa ma-meet ko si Dra. Vicki Belo na noon ay madalas mag-guest sa morning show kung saan kasama akong naglo-Locomotion. Alam ni Doc Belo, tinatakpan lang ng concealer ang mga bakas ng pimples sa mukha ko at minemeyk-apan.
     Kaya nakakatuwa, isang araw, sabi niya sa akin, "You go to my clinic and I will do everything to get rid of that pimple scars!"
     "Nako, baka mahal, Doc, hindi ko kaya."
     "No, don't pay!  Ako'ng bahala!"
     Face ko ang kawawa, gano'n?
     'Yun eh sa loob-loob ko lang, dahil sobrang gusto ko nang sumuko talaga.  Iniisip ko na nga lang, good luck sa 'yo, Doc Belo.  Hindi na 'ko masa-shock kung susuko ka rin.
     So, the rest is history na.  Alam kong hindi pa rin ako maganda, pero ang importante, humupa na ang salot sa mukha ko mula nang mapasakamay ako ng Belo Medical Group. 
     Ang nakakatuwa pa, ilang beses na 'kong nawalan ng tv show, pero si Doc Belo, walang pakialam kung wala akong show.  "It's okay, Ogs.  You've been loyal to us naman."  Kaya lagi, pag me pagkakataon, pinasasalamatan ko si Dra. Belo at ang kanyang clinic pag may tv show ako.  Kasi, alam ko, doon lang ako puwedeng bumawi.
      Teka, baka isipin mo, kaya ko sinulat ang blog na ito para lang i-promote si Dra. Belo, ha?  Hindi.  Noon pa, lagi ko na siyang pinasasalamatan pag may pagkakataon, kasi siya at ang clinic niya ang himalang dumating sa buhay ko, lalo na at napatunayan ko kung paano makipagkaibigan si Doc. Kaya sobrang love ko 'yan.
      Pero uulitin ko, ha?  Hindi ko ineendorso si Dra. Belo sa iyo. Ikinukuwento ko lang ang history ng pimples ko. 
      Pero na-realize ko, alam mo.  Eto, ha? Hindi naman ako doktor.  Isa lang akong nilalang na punumpuno ng karanasan, este, ng pimples nu'ng araw.   Bibigyan kita ng tips kung paano maiiwasang magka-pimples.
     Alam kong depende pa rin sa type ng skin mo, sa habit o sa routine mo, sa mga kung anik-anik na inilalagay mo sa mukha mo o sa sabong gamit mo kaya ka nagkaka-pimples.
      Pero base sa aking "pimple journey," eh ang dami kong na-realize.
      Una, pag makinis na ang mukha mo o hindi ka tinutubuan ng pimples,  kung ano 'yung routine mo sa mukha mo o sa life mo, 'yun ang i-maintain mo. 
     'Wag ka nang maging vain.  'Wag mo nang balaking magkutis-artista na gusto mong ma-achieve ang rosy cheeks.  Baka mag-react lang ang skin mo sa ipapahid mong astringent o ointment o sa pinaiinom sa 'yong tabletas o capsules.
      In short, 'wag kang umarte porke me panggastos ka. Lalo kang gagastos pag hindi mo na-achieve ang pangarap mong rosy cheeks.
      Pangalawa, pag tinubuan ng isang pimple ang alinmang parte ng mukha mo, deadmahin mo.  Wag mong papansinin. May isip ang pimples.  Nang-iinis ang mga gagong 'yan.
      Pag 'yung kaisa-isa ay tiniris mo, natural, magre-react 'yan.  "Ah, gano'n, tiniris mo 'ko?  Puwes, humanda ka, isusumbong kita sa mga kasamahan ko para lalo kang pamugaran ng aming angkan! Bwahahaha!"
       Pero pag dinedma mo, mararamdaman ng pimple na 'yan na, "Ba't hindi mo 'ko tiniris? Pa'no ko manganganak nang marami, ayaw mong pisain? Ayaw mo 'kong pansinin?"
      Alam n'yo naman ang mga pimples, para siyang multi-level marketing o 'yung tinatawag na "networking."  Pag hindi gumana ang "upline," hindi siya makakakuha ng mga "downline."
     Pangatlo, pag hindi ka makatiis at kating-kati ka nang tirisin ang unang pimple na tumubo sa mukha mo, hugasan mong maigi ang mga kamay mo bago mo ito tirisin. Tapos, kuha ka ng yelo ('wag 'yung nakadikit sa wall ng freezer, ha?).  Idikit mo 'to sa apektadong area of responsibility for how many minutes.
     Pang-apat, pag may tumubong pimple sa tungki o tuktok ng ilong mo, nako, please, 'wag na 'wag mong pakikialaman. 
     Juice ko, pimpolin ka na sa ibang bahagi, 'wag lang sa ilong, dahil sentro ang ilong, kahit anong kinis ng mukha mo, pag meron kang isang bonggang pimple sa tungki ng ilong o pimple scar (ang masaklap nito kung umaalsa ang scar o nagiging keloid), mapapansin pa rin 'yan ng mga fans mo (kung meron, ha?). 
    Ipagdasal mong sana, next time, sa loob na lang ng ilong tumubo kahit ang sakit.
      Panglima, pag sa noo tinubuan ka, baka natutusok ng mga dulo ng bangs mo, kaya i-brush up mo o awatin mo ng headband o ng hairclips.    
      Pang-anim, 'wag kang conscious na harap ka nang harap sa salamin para silipin kung may pimple kang nag-"guest of honor." 
      Pag inisip mong baka tinubuan ka na kaya ka tumitingin sa salamin, baka sorpresahin ka ng pimples sa ibang araw, sige ka.
      Pangpito, kung nandiyan na 'yan at nataymingan naman na mag-aaplay ka ng trabaho.  Baka puwedeng ipasa mo muna ang resume mo na produkto na ng photoshop ang retrato mo.  Du'n man lang sa litrato mo, kuminis ang mukha mo.
     Pangwalo, kung bago mo nabasa ito eh huli na at marami ka nang pimples,  i-sey mo na lang sa mga makakapansin, busy ka kamo at puyat palagi, kaya "bepimpled" ka. Para hindi na masyadong masakit sa damdamin.
      Pero come to think of it, panlabas na anyo lang 'yan.  Mas importante pa rin ang ugali mo sa iyong kapwa at sa sarili.
     Hindi kailanman tinitighiyawat ang pagkatao ng isang tao. Kung hahayaan mong madungisan ang iyong pagkatao, saka mo ituring na taghiyawat 'yon. 
     Papaapekto ka ba sa pimples kung marami namang nagmamahal sa 'yo resulta ng pagiging isang mabuting tao mo?
      Tandaan mo...
      Balewala ang pimple kung marami namang natutuwa sa 'yong pipol.
    

TANGGAP MO NA BA?

        "Anak, 'wag kang masyadong yuyuko pag sinasabi mo ang comments mo sa mga contestants, ha?  I know you're just reading your notes para hindi mo makalimutan, pero puro ulo mo ang nakikita sa kamera, 'nak.
       "But you make sense, anak.  In fairness, may point ka naman sa mga sinasabi mo sa contestants and I admire you kasi inaangat mo pa ang moral nila!"
      'Yan ang mga huling sinabi ko sa huling pagkikita namin. Inakyat ko pa siya sa kinalalagyan nilang mga hurado sa "Showtime" para bigyan siya ng moral support.
       'Yun na pala ang huli naming pagkikita at pag-uusap ng aking anak-anakan at kumpareng si AJ Perez.
       Ang daming tanong sa utak ko na naghahagilap ng mga gusto kong sagot na gusto kong 'yun lang ang marinig kong sagot.
      Una, ba't siya?  Ang bata-bata pa ni AJ.  Ang bait na bata, ang dami namang patapon ang buhay diyan, ba't siya pa? 
      Sige, payag na 'kong nabangga ang sinasakyan niya, ba't wala man lang second chance to live? Meron namang gano'n, di ba? 'Yung himalang nakaligtas? 
      Obviously, kahit naman pigain ko pa ang utak ko at pagsama-samahin pa ang mga utak nating lahat para lang masagot ang mga tanong ko ay iisa pa rin ang bottomline:  wala na si AJ.  Hindi na siya mabubuhay.
      Nandu'n lang kasi ako sa stage na in denial ako, eh  Na kahit nakikita ko siyang parang natutulog lang sa kanyang huling higaan ay nandu'n pa rin ang "ilusyon" kong babangon siya't sasabihin niya sa lahat, "Pinabalik ako ng Diyos.  Hindi ko pa raw time, dahil naintindihan daw Niyang hindi pa handa ang lahat ng mga nagmamahal sa akin na mawala ako.
     "Ipinagdasal n'yo, kaya eto ako ngayon, nagpapasalamat sa inyo, dahil ngayon ko napatunayang ang dami ko palang na-touch na buhay in my 18 years, kaya eto ang regalo Niya sa akin--second life."
      Juice ko, kung parang pelikula lang siguro ang lahat ng ito, puwedeng i-revise ang script at gawing happy ang ending, 'no?
     O, kung ang pagbuhay ng patay ang ipinanalong talent siguro sa "Pilipinas Got Talent" ni Alakim, close kami niyan, baka mapakiusapan ko siya't tatanawin kong utang na loob kung mabubuhay niya si AJ.
      Hirap masyado sa kalooban itong moment na 'to.  Kasi, mahal ko 'tong batang 'to, eh.  Lahat ng okasyon sa buhay ko at pamilya ko, lagi silang present ni Daddy Gerry, eh. Higit sa lahat, ambait!
     Lalo akong nalulungkot pag nababasa ko 'yung mga tweets, messages sa facebook at sa mga diyaryo na kahit hindi nila kaanu-ano si AJ, nagtataka sila kumba't ang lungkot nila, umiiyak sila at hindi pa rin sila maka-get over.
    Honest? Itong mga pagtataka natin, pagtatanong sa Panginoon kumbakit ganito, itong pagkagulat natin sa pangyayari, pagkaapekto natin--isa lang ang ibig sabihin nito--hindi pa natin tanggap na wala na si AJ.
      Pero kung kilala ko ang batang napakabusilak ng puso, ayaw niya na siya ang dahilan kumbakit malungkot ang mga nagmamahal sa kanya.  Mahimbing na siyang natutulog forever, habang tayo ay nangungulila pa rin forever?
     Kaya feeling ko, gusto ni AJ, tanggapin na nating wala na siya.  Na kapiling na siya ni Lord para ganap na ang kanyang kaligayahan sa Itaas.
    Naisip ko, oo nga.  Pag hindi ko pa rin 'to tinanggap, ako rin ang maapektuhan.   Magkakaroon lang ako ng kasalanan sa sarili ko.
    Madali lang namang sabihing oo, tinanggap ko na.  Pero kaya ko bang dayain ang totoong nararamdaman ng puso ko?  Hindi naman, di ba?
    Pero pag hindi ko nga 'to tinanggap, ang daming apektado.  Trabaho ko, pamilya ko, performance ko, at ang dami pa sa tuwing maaalala kong wala na pala siya. 
    Alam ko, hindi lang ako ang may ganitong feeling.  Lahat tayo, nakaka-relate sa isa't isa. Pero kung lahat tayo, down, lungkot, lugmok, patuloy na umiiyak at nangungulila, sino pa'ng babangon para tulungan kayong matanggap ang "bangungot" na ito?
    At higit sa lahat, sinasaktan lang natin ang ating sarili.
    Lalo lang ding malulungkot 'yung tao.  Wala na nga siya, tapos, ganito pa tayo?
     'Wag n'yo namang ma-misinterpret na minamadali ko kayo na makapag-move on, ha?  Alam ko, hindi gano'n kadali. Pero naniniwala ako na nakapaghihilom ang panahon.
     Gusto ko na lang isipin ngayon, tama, kulang ng isang anghel si Lord, kaya siya ang pinili.  Pangalawa, time na talaga ni AJ, dahil tapos na ang kanyang misyon sa lupa.  Bitin, pero makahulugan.
    Imagine, ha?  Si Pilar Pilapil na nagtamo ng pitong saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan, naka-survive.  Ibig sabihin, hindi pa time ni Tita Pilar.  Meron pa itong mission to be accomplished, 'ika nga.
     Si AJ, akala lang natin, nabitin tayo sa kanya.  Kasi nga, bata pa lang, papasulong pa lang ang career.   Ang dami pang gustong pasayahin.
    Pero hindi naman tayo Diyos para sabihing hindi pa niya time, di ba?  Pakiramdam lang natin 'to, kasi, physically, nakakasama natin at napapanood si AJ.
    Na sa kanya natin naramdaman ang isang batang punumpuno ng pag-asang sumikat nang walang tinatapakan, hindi naiinsekyur sa kanyang kapwa at larawan ng isang anghel ang mukha sa kabaitan.
    Na isang role model ng mga kabataang kahit nag-aartista ay nagpupursige pa ring makatuntong ng Kolehiyo para makatapos at tuparin ang sariling pangarap.
    Marunong makipagkapwa-tao, ang mukhang laging nakangiti at nagsasabing masayang mabuhay at hindi nagtatanim ng galit at sama ng loob sa kapwa.
    Me nagsabi nga sa akin, "Sana, me pagkasalbahe rin si AJ, para hindi agad siya kinuha ni Lord!"
    Sagot ko, "Hindi na si AJ 'yon. At hindi rin tayo ganito ngayon." 
    Pahinga ka na, anak.  Alam kong nag-aalala ka sa aming mga naiwan mo.  Makaka-move on din kami, promise.  
        
      

Monday, April 18, 2011

Paalam, AJ Perez...

     Pag oras mo na, oras mo na.  Sino ba naman ang mag-aakalang ang kadidisiotso anyos pa lang na young actor na si AJ Perez ay pumanaw na nu'ng April 17, Palm Sunday?
     Sa mga hindi nakakaalam, galing ng Bangus Festival sa Dagupan, Pangasinan si AJ kasama sina Matt Evans at Zaijian Jaranilla para sa Kapamilya Caravan.
     Bago lumuwas pa-Maynila ang grupo ay nagkaroon pa ng presscon with the local press, ayon kay Mommy Marivic.  

     Before 12mn, nag-tweet pa si AJ ng, "On the way home already from Dagupan.Long drive ahead.. Thanks to everybody who watched, thanks to zui for the gifts.And hi again to jarred!"
     After an hour, may nag-tweet nang pa-blind item na may isang Kapamilya young actor na namatay sa isang vehicular accident, na-curious kami, tinawagan namin ang isang taga-ABS-CBN, "Si AJ Perez daw!"
     Napamura kami.  Agad naming tinawagan ang celfone number ni AJ Perez, dahil hindi magandang biro 'yan.  Sinagot agad.  
     Si Daddy Gerry, umiiyak, "Ogs, wala na ang alaga natin. 'Andito kami ngayon sa Rayos Hospital sa Tarlac.
    "Hindi ko alam, Ogs, kung ano'ng nangyari, dahil tulog kami lahat sa van.  Si AJ lang ang nawala, the rest, nasugatan lang. Ogs, sana, panaginip lang 'to, Ogs.
    "Hindi puwede 'to, Ogs. Si AJ at ang younger brother niya ang buhay namin ng mommy niya.
    "Wala na, Ogs.  Pagdampot ko sa anak ko, last two deep breath, bumigay na siya, pero dinala ko pa rin dito, pero Ogs, wala na si AJ, Ogs.
    "Hindi ko alam, Ogs, basta du'n sa likod si AJ, du'n sa side niya bumangga 'yung bus. Ewan ko, hindi ko na alam ang nangyari talaga. Ang bata pa niya, Ogs.
    "Hindi rin siya sakit ng ulo. Mabuting bata ang anak ko, alam mo 'yan, friendly si AJ, very professional na artista, ba't siya pa, Ogs, sana, ako na lang!"  Iyak nang iyak si Daddy Gerry.
    Gusto naming yakapin si Daddy Gerry that time para damayan at makidalamhati rin. Wala kaming magawa, kungdi makinig lang sa kanya at i-console siya na 'wag siyang bibigay.
                          --oOo--
     Huling pagkikita namin ni AJ ay nu'ng mag-judge ito sa "Showtime."  Huling text namin ni AJ ay nu'ng itanong namin sa kanya ang number ni Xian Lim.
      Favorite number ni AJ ang "17," kaya may jersey siyang green nito. Kaya ang kanyang twitter username ay @ajperez17.  At sa favorite number din niya natapat ang kanyang pagkamatay--April 17.
      Si AJ ay hinuhulaan sanang magiging Rico Yan someday, dahil parehong La Sallista, parehong may di-matatawarang breeding, mahusay makipagkapwa-tao, friendly, palangiti, very thoughtful at may mataas na pangarap sa buhay, dahil napakaimportante ng edukasyon sa kanila.
      Nagpakuha pa si AJ noon sa harap ng picture ni Rico na naka-display sa hallway ng ABS-CBN.
      Lahat ng pagkukumpara kina Rico at AJ ay "sinuma" na ng mga nagmamahal sa kanila bukod sa kanilang katangian na parehong-pareho.
      Bangungot ang ikinamatay ni Rico.  Tulog din si AJ nu'ng mangyari ang aksidente.
      Parehong Holy Week namatay ang dalawa. Biyernes Santo namatay si Rico (sa Dos Palmas Resort sa Palawan), si AJ naman ay Palm Sunday.
     Si AJ ay namatay ng April 17, si Rico naman ay namatay at the age of 27. Pareho silang Kapamilya. At ipinagmamalaki ng kani-kanilang pamilya at ng mga nagmamahal sa kanila.
                             --oOo--
      Katatapos lang gawin ni AJ ang teleseryeng "Sabel" kung saan karibal niya kay Jessie Mendiola si Joseph Marco. 
      I heard gagawa rin sana sila ng movie ni Kathryn Bernardo ng "Mara Clara." 
     Sa kanyang twitter account ay tinanong pa niya sa followers niya kung naipalabas na ba ang trailer ng "MMK" na ginawa niya bilang taong grasa na sa April 30 ipalalabas.
     "Nu'ng pinapanood ko 'yon, Ogie, ewan ko ba, bigla na lang akong naiyak nang hindi ko alam kung bakit, kaya tumawag agad ako kay Daddy kung nasaan na sila, dahil 11 pm na eh.
     "Sabi ng asawa ko, on the way na sila.  Pero balisa pa rin ako."
      Kuwento pa ni Mommy Marivic, "Nagpaalam nga 'yang si AJ nu'ng first week of April kung puwede siyang mag-Boracay with his friends.
      "Kahit ayaw namin, pinayagan ko rin, basta mag-iingat sila 'kako.  Tapos, eto, kasama pa 'yung daddy niya sa biyahe sa Dagupan, naaksidente pa.
     "Kaya hindi mo talaga masasabi pag aksidente talaga, Ogie," umiiyak pang kuwento ni Mommy Marivic sa amin.
      "Ba't naman ang anak ko, ang bata-bata pa?"  
      Hindi ko alam kung ano'ng isasagot ko kay mommy.  Pupuwedeng aluin ko lang ang kalooban niya, pero mas gusto kong ibigay sa kanya ang pagkakataong mamighati, magtanong, mag-usisa, magtaka at higit sa lahat, itanong sa Diyos, "Anong kasalanan po ng anak ko, ng pamilya ko?"
      Alam ko, kaya n'yong sagutin ito, pero ang pamilya Perez ang nagdadalamhati habang tayo'y nakikidalamhati lamang, kaya maiintindihan natin ang pamilya sa kanilang pangungulila, lalo na't isang napakabait na bata ang "binawi" sa kanila.
                         --oOo--
       Magpapakapersonal na kami at this point. Very close sa amin ang mag-amang Gerry at AJ Perez.  Lahat ng okasyon sa buhay namin, laging present ang mag-ama.  Kumpare namin sa aming 3-year old daughter si AJ.
     Kami rin ang tinatawagan ni Daddy Gerry para kami ang mag-explain kay AJ nang mas malinaw kapag nalalabuan ang bata sa mga kaganapan sa showbiz, lalo na pagdating sa akting at dapat na maging look sa tv since ito nga ang hinuhulma bilang matinee idol.
      Matatagalan pa bago matanggap ng Pamilya Perez at ng mga nagmamahal na fans, kaibigan at katrabaho ang nangyari kay AJ Perez.
     Ang agang kinuha ni Lord, sana man lang, napatikim kay AJ ang bunga ng pinaghirapan ng bata, lalo na't super dedicated sa kanyang trabaho at pursigido ang batang maging isang malaking artista someday.
     AJ, alam namin, masaya ka na sa kinalalagyan mo ngayon.  Siguro, sana, tulungan mo na lang na matanggap ng mga naiwan mong nagmamahal sa 'yo ang nangyari, maka-recover at maka-move on.
      Sa ngayon, gusto kong magpasalamat sa napakabuti mong kalooban at genuine friendship na ipinaramdam mo sa akin, sa pamilya ko, sa inaanak mo, sa mga okasyon ng buhay ko na nandiyan ka palagi, na kahit sa maikling panahon, pinatunayan mo.
     "Naalala ko pa, Ogie, sabi ni AJ, 'Ma, nahihiya ako, hindi ako nakapunta sa birthday ng inaanak ko.  Can you buy a gift for my inaanak, ma?
     "Kabilin-bilinan niya 'yon, Ogs, kasi, sobrang nahihiya siya sa 'yo, dahil hindi siya nag-a-absent sa lahat ng imbitasyon mo sa kanya."
     Bigla kong naalala, nu'ng ako'y tumakbong Konsehal sa Quezon City, sina Daddy Gerry at AJ ang nagsabi sa akin, "Ogs, we're here because you are our dear friend.  We will support you!"
    Ba't ba nasabi ito ng mag-ama sa akin?  Kasi, si AJ lang po sa mga bagets ng Star Magic talents ang pumunta sa kampanya ko, dahil nahihiya akong mag-imbita pa sa iba.
    Kaya naiiyak ako sa tuwing naaalala ko ang kabaitan ng batang ito at ng kanyang ama, "Ogs, kahit walang bayad, basta sa kaibigan, we are willing to help.  Mahal ka ng anak ko, dahil lagi kang nandiyan palagi for us."
     Aj, anak, maraming-maraming salamat.  Walang katapusang pasasalamat. Sana, makatagpo pa rin ako ng ganyan kabait na batang artistang kaibigan.
     Kaya, anak, hindi mo man naririnig, pero alam kong nararamdaman mo, sasambitin ko ngayon, huli man at magaling, naihahabol pa rin...
     Mahal na mahal kita, anak...     
     'Wag kang mag-alala, 'nak, your Kuya Rico will take care of you...
    
                       

Thursday, April 14, 2011

"Handa Na Ba Ako?"

            Bagets ka pa ba? 
        Kung oo, meron lang akong sasabihin sa 'yo.  At itatanong na rin.
        Pag ikaw, gusto mong mabuntis o mambuntis...
        Pag ikaw, naramdaman mong gusto mong makipag-live-in o magpakasal na....
        Itanong mo muna sa sarili mo kung, "Handa na ba 'ko?" Kung hindi mo pa ginagawa,  itanong mo sa sarili mo, "Itutuloy ko ba 'to o aatras na lang ako?"
       Pero kung nagawa mo na, tapos, saka ka aatras, duwag ka kung hindi mo kayang panindigan at harapin ang ginawa mo.  Ang pag-aasawa ay hindi parang kaning isusubo mo na iluluwa pag napaso.  
        Anyway, ipagpalagay nating pinag-iisipan mo kung desidido ka nang maging ina o maging ama. Teka, ha?  Umayos ka muna.  Mag-isip ka nang tatlong libong beses (meron talagang eksaktong bilang?) kung iiwan mo na talaga ang pagiging "bagets" mo at magle-level up ka na.
        Kung ako sa 'yo at hindi pa 'to nangyayari, 'wag.  I-enjoy mo muna ang iyong kabataan.  Sagarin mo ang pag-e-enjoy habang ikaw ay responsable. Totoo. Promise.
       Baka sabihin n'yo, "Eto namang si Ogie, kung magsalita, parang siya tatay ko!"  Pero sasabihin ko lang sa 'yo, ha? Kung nag-aaral ka pa, ituloy mo lang 'yan hanggang sa matapos ka at magka-diploma.
        Iba pa rin 'yung may tinapos. Ikakatwiran mo, ayaw mo nang mag-aral?  Na ganu'ndin, pag nakatapos, maghahanap din ng trabaho?
      Aba'y mas mahirap makahanap ng trabaho ang walang tinapos, unless, ikaw ay madiskarte o maabilidad. O meron kang kakambal na suwerte na nakakadilihensiya ka parati.
        Pero kung ako sa 'yo, ha?  Sagarin mo ang kabataan mo bago ka bumuhat ng mas mabigat na responsibilidad sa buhay.  Pag inumpisahan mo kasi ang responsibilidad dahil gusto mo nang maging nanay o tatay na agad sa murang edad, mas bonggang sipag ang dapat mong ipamalas. At ito'y wala nang atrasan.
      O, kung hindi pa handa ang kalooban mo, hirap sa pananalapi habang may responsibilidad, maagang tatanda ang itsura mo o mapapabayaan mo ang katawan mo.
       Pero sabi ko nga, kung hindi pa naman dumarating 'yan, eh enjoy-enjoy ka muna.  Kung babae ka at gusto mong magka-boyfriend, hayaan mong ang lalaki ang manuyo sa 'yo.  'Wag 'yong ikaw na babae ang manliligaw.  Baka mapaikot ka ng lalake.
      Oo, sa umpisa, mararamdaman mong, "Syet, love din niya 'ko!"  Nako, mas madalas na mangyayaring ito 'yung sobrang taas ng level ng love mo sa kanya na ang ending, siya namang lagapak ng pagguho ng pag-ibig mo, dahil niloko ka na pala ng lalake. O, vice versa.
     Ganyan naman sa umpisa, di ba?  Lalake ang nanunuyo, pero pag naisuko mo na--hindi ko nilalahat--mas madalas na nangyayaring nararamdaman na ng babae na siya na pala ang humahabol sa lalake.  Kasi nga, nakuha na ng lalake ang gusto nito.
     Uulitin ko, hindi ko nilalahat, pero madalas akong nakakarinig na ganito ang kuwento.  Suwerte na lang kung childhood sweethearts kayo, tapos, naging best of friends, tapos, naging kayo eventually.  Ibig sabihin, alam n'yo na ang likaw ng bituka ng isa't isa.
     Kung talagang mahal ng lalake ang babae, hindi ito dapat mangulit ng "dyug" sa babae. Maghihintay ito kung kelan handang ipagkaloob ng babae ang sarili sa lalake.  Pag hindi nakatiis ang lalake at gumawa ng dahilan para isplitan ang babae....
     O, kaya ay away kayo nang away na may kasamang selosan, kuwentahan at sumbatan na ang ending split na tayo,  'wag n'yong iyakan ito.  Bagkus ipagpasalamat ito ke Lord, dahil sa maagang panahon, nakilala n'yo ang isa't isa na hindi pala kayo para sa isa't isa.
     O kung gusto n'yong iyakan, iyakan n'yo, dahil hindi nagtagal ang relasyon n'yo, pero 'yung iyak n'yo, samahan n'yo na rin ng ngiti, dahil hindi ipinahintulot ni Lord na kasal na kayo o nagsasama na kayo, saka ito nangyari.
    Pag nagkataon, baka lumuha ka ng dugo. Na ang malala, baka maisip mo pang magpakamatay.
      Kaya sa mga kabataan, sabihin n'yo nang masyado akong conservative, okay lang. Sabihin n'yo nang kung umasta 'ko, parang nanay at tatay n'yo, okay lang. 
    Pero at the end of the day, sana, maramdaman n'yong concerned lang ako kahit hindi tayo magkakamag-anak.
       Babae, kung hindi mo pa naisusuko, makabubuting 'wag na muna. 
       Pero kung ikamamatay mo 'yung wala kang "dyug,"  me magagawa ba 'ko eh "keps" mo 'yan? Mag-iingat ka na lang. At maging responsable palagi sa lahat ng iyong ginagawa.  
       'Wag n'yo nang itanong kung pabor ako o hindi ako pabor sa RH Bill, dahil balewala ito kung likas kang uto-uto, marupok o tanga. 
       Pero wait lang, ha? Baka iniisip ng mga barako, masyado kong kinakampihan ang mga babae, ha?  Puro na lang pabor sa mga babae ang pananaw ko pagdating sa isyu ng lovelife. Pa'no naman silang mga barako?
      'Wag kayong mag-alala, mga anak, para din sa inyo ito.
       Dahil kung wala kang kapatid na babae, alam ko, meron kang ina na mahal na mahal mo.
     
     

Tuesday, April 5, 2011

BATANG HAGGARD 4

          Ang hirap palang i-sustain ang "Batang Haggard" series, 'no?  Kalokah.  Ako rin ang gumawa ng sarili kong problema, kaya ako mismo, naha-haggard na sa kababalik-tanaw ng mga katsipan at paghihirap ko sa buhay nu'ng araw.
       Hindi naman ako nagrereklamo.  Wala lang.  Kanino ko pa ba sasabihing napapagod din ako sa kasusulat? Siyempre, sa inyo din, dahil kayo 'tong bumabasa, eh.
        Alam ko naman napapagod din kayo sa kababasa, dahil nahahabaan kayo sa blog ko. Pero this time, promise, pipilitin kong iklian lang ang aking kuwento, lalo na't muntik nang umikli ang buhay ko.
       Totoo. Tatlong beses na 'kong muntik mamatay, alam n'yo ba?  Oo, 'Day, nakakalokah!
        Una, sa kahahabol ko ng delivery truck ng Pepsi.  No, hindi naman ako nasagaan ng truck nu'ng mga 12 years old ako (mga 1982). 
       Hinahabol ko kasi ang truck, dahil ipapapalit ko 'yung dalawang tansan na hawak ko na may "Free Mountain Dew." Hindi ko na namalayan ang mga sumunod na pangyayari, dahil nawalan na 'ko ng malay.
     Ang natatandaan ko lang, nu'ng tumakbo ako patawid sa kabilang hi-way, nasagasaan ako ng rumaragasang taxi.  Naikuwento na lang sa akin ng isang kumare ng nanay ko na naka-witness sa eksena ko, para daw akong bola na pagulong-gulong, kaya ang dami kong "free" galos sa katawan at may mga bukol din ako sa upper head. 
     Buti na lang external lang lahat ang tama ko at buti din 'yung mamang driver, hindi ako tinakbuhan.
      Itinakbo niya ako sa ospital at ipinagamot ako.  Inihatid pa 'ko sa bahay namin.  Nandu'n pa nga ang tatay ko na day-off nu'ng araw na 'yon na imbes na magalit o maghuramentado, nagpasalamat pa siya sa taxi driver, dahil hindi ako tinakbuhan nito. Nagkuwentuhan pa sila, huh!
     Saka ko naalala na oo nga pala, taxi driver din kasi ang fadir, kaya naintindihan niya ang kapwa niya taxi driver.
    Habang ako naman, ang eksena ko, tulala sa may bintana.  Iniisip ko kung sa'n na napunta 'yung dalawang tansan sa bulsa ko.  
    Inisip ko na lang, pag magaling na 'ko, maglilibot uli ako sa mga suking tindahan.  
      Pangalawang eksena: August 1987 coup attempt.
    (http://en.wikipedia.org/wiki/1986%E2%80%931987_Philippine_coup_attempts#August_1987_coup_attempt)  
     Ito 'yung ang tawag namin, Manila Massacre.  Kasi, alas dos na nang madaling-araw no'n. 
     Dahil nga walang tatalo sa pagkatsismosa ko ng araw, kasama ang kuya kong si Oca, nakiusyoso ako kung ano 'yung itinatakbo ng mga kapitbahay namin patungong kanto ng Ramon Magsaysay malapit sa Nagtahan Bridge.
      'Yun pala, merong parang mga trak na puno ng sundalo na susugod sa Malacanang na malapit lang sa amin.  
      Eh, si Tita Cory pa ang Presidente nu'ng time na 'yon.  At usap-usapan nga nu'ng madaling-araw na 'yon na si Gringo Honassan daw 'yung namumuno sa pagsugod sa Malacanang kasama ang mga rebeldeng sundalo na ang sabi, tawag sa mga ito, RAM.
       Mga limang metro lang ang layo sa tapat naming mga usyusero ang dalawang trak ng sundalong tila paatras na't hindi na yata susugod sa Malacanang.  
      Ang mga gagong adik sa Loreto, Sampaloc na nakikiusyoso, sila talaga 'yung nagsimula na asarin ang mga sundalo eh umaatras na nga, kaya "Boooo!" sila nang "Boooo!" sa mga  sundalong sakay ng military truck ba 'yon.
      Eh, naki-"Booo!" na rin ako, hanggang sa lalong lumakas ang "Booo!" ng mga usi.  Nako, eto na.  Napikon yata 'yung mga sundalo.  
      Ang ginawa ng mga ito, kitang-kita ko, itinutok sa aming mga usisero ang kanilang mga baril at walang kaabog-abog na nagpaputok. 
      Ratatatatatatat!
       Juice ko po, naloko na!  Kanya-kanyang takbo kami.  Takbo ang bakla!  Hindi na 'ko makatago sa tindahang sarado na that time, dahil naunahan na 'ko ng ibang nagtatago rin.  
     Papasok ako sa isang bahay du'n, pinalabas naman ako. Napagkamalan siguro akong magnanakaw.
     Juice ko po, sunud-sunod ang ratatatatatat!   Me nakita ako, kariton ng potpot ('yung parang popcorn), nagtago talaga ako sa gilid nito. Nakadapa ako.
     Nararamdaman kong habang nagpuputukan, 'yung mga tama ng bala sa semento, tumatalsik 'yung pulbo ng semento sa braso ko, sa tenga ko, sa batok ko.
     Sa loob-loob ko, Juice ko po, Lord, 'wag naman po. Baka me tama na 'ko. Juice ko po, 'wag naman po!  Ang dami-dami ko pa pong pangarap sa buhay.  
    Juice ko, papaluin po ako ng nanay ko pag namatay ako.  'Wag naman po ngayon.  Tama na po ang putok, please?! Baka tamaan na talaga 'ko!
      Abot-abot talaga ang dasal ko, sobra.  Hanggang sa hindi ko na marinig ang putok.  "Ceasefire" na yata.  Kaya ako naman, karipas ng takbo papalayo sa trak ng sundalo.  
     Na nalokah ako, dahil noon ko lang na-realize, ang dami na palang nakatimbuwang sa kalye. Wala nang buhay.  Nakatapak pa 'ko ng ulo.
     Oh, my goodness!  Ang daming nabaril at namatay.  Kung hindi ako nagkakamali, labing-anim.  Thank you, Lord! ako nang thank you, Lord! talaga.
     Juice ko, kinabukasan nagmukhang punerarya sa dami ng patay ang Loreto, Sampaloc. Dahil ilang bahay 'yung mailaw at maraming nagsasakla sa labas.
     Hindi ko makakalimutan 'yung laging nakukunsumi ang nanay ko sa kapatid kong si Oca na ginawa nang tubig ang pag-inom ng alak, kaya laging lasing.
    Kaya everytime naha-high blood ang nanay ko sa kapatid kong 'yan, ang lagi nitong dayalog, "Kung papatayin mo rin lang ako sa kunsumisyon, sana, nauna ka na lang nu'ng araw!"
     March 18, 1996, natatandaan n'yo 'tong date na 'to? 26 years old na 'ko niyan.  Bale 8 years na 'ko niyan sa showbiz.
      Naiinis ako kasi, na-delay 'yung flight namin ng friend ko pa-Manila galing Hong Kong. Imbes na mga 6pm ang flight namin, na-delay ng mga 2 hours.  
    Naiinis talaga ako that time,. Juice ko, me kamiting akong guy noon. Magkikita kami sa isang disco sa Quezon City.
     Kaso, na-late nga ang flight.  Kaya pagdating sa Manila, dali-dali na 'kaming nag-taxi, dahil baka naiinip na 'yung boylet na kamiting ko sa disco.  
    Pagdating  ng taksi sa tapat ng inuupahan kong bahay (pero room for rent lang ako), pina-standby ko na 'yung taxi, hintayin lang 'kako ako at ibababa ko lang ang mga gamit at aalis din kami 'kako at go na kami sa disco.
      Nakakalokah, pagdating ko sa disco, inilalabas na 'yung mga bangkay.  Mga 160 plus 'yung sinawimpalad sa Ozone Disco. Ano'ng nangyari?  Ba't gano'n ang nangyari?  
     Kaya that time, naubos ang kuko ko sa kangangatngat sa sobrang tensyon. Hindi ko alam kung malulungkot ako, dahil me mga kaibigan akong nasawi sa loob.
     O matutuwa ako, dahil hindi ako nakasama sa mga nasunog na karamihan ay mga newly graduates ng high school at college.
      Kaya ngayon, pag nade-delay ang flight ng kahit anong trip ko, lagi kong iniisip, sine-save lang ako ni Lord sa tiyak na kapahamakan. 
      Sabi nila, pag ilambeses ka nang tsina-challenge ng tadhana, may sa-pusa ang buhay mo.  Pag ayaw ka pang kunin ni Lord, meron ka pang "mission to be accomplished."
      Siguro nga, kung noon pa 'ko kinuha ni Lord, baka hindi ko naranasan man lang ang maging mister, ang maging ama ng apat na bata, ang ma-enjoy kung ano meron ang buhay.
      Ang maiahon sa hirap ang nanay ko; ang matulungan ang mga kapatid ko't pamangkin ko; ang makatulong sa ibang tao; ang ma-experience ang napakagandang regalo ng Diyos--ang buhay. 
     Na araw-araw ay lagi kong ipinagpapasalamat sa Kanya at ihinihingi sa Kanya ng extension hangga't hindi ako nagkakaapo sa tuhod.  
      At ma-imagine n'yo kung sa isa sa tatlong pagkakataong 'yon ay minalas-malas ako at natigok ako? 
     Multo siguro ang gumawa ng blog na 'to.






                                                               

Wednesday, March 30, 2011

'Yan si Rico...

      Nu'ng isang araw, nagkalkal ako ng mga album ko ng mga birthday parties ko sa pag-asang meron akong makukuhang picture kasama si Rico Yan.
     Eto na nga, nakakuha rin.  At ginamit ko ring twitter profile pic ko (na nahihirapan akong i-upload, kalokah!)
    Tinulungan na rin siguro ako ni Rico mismo makahanap agad para hindi na 'ko mahirapan.  Kasi nga, gagawa ako ng entry tungkol sa kanya, eh.
     Sabi niya siguro,  "Ogs, eto na.  Talagang magkaibigan tayo, dahil magkakulay pa tayo ng shirt."
      Juice ko, aminan na 'to, crush ko si Rico Yan noon pang una ko siyang makita bilang si 1/4 German, 1/4 Ilonggo bilang Eskinol Master commercial model.
     Sobrang kilig ako nu'ng i-guest siya sa Martin After Dark at interbyuhin ni Martin Nievera.  Nanganak ang paghanga ko nu'ng maramdaman kong bukod sa gandang lalake, matalino rin si Rico. May sense kausap.
     Reporter na 'ko no'n, eh.  Tinutuklas ko talaga kung sino ang manager.  Isang talent agency ang mayhawak sa kanya no'n.  Sa loob-loob ko, baka hindi ko ma-achieve maging friend si Rico.
     Hanggang sa si Biboy Arboleda na ang mayhawak, 'yun na ang aming tulay para magkakilala at magkatsikahan hanggang sa maging close.
     First fans day ni Rico, pinakiusapan ako ng manager niyang si Biboy na mag-emcee.  Sabi ko, sure! Love ko 'yan, 'no!  Go!  At nu'ng nag-host ako, du'n ako lalong minahal ni Rico.  Abot-abot ang pasasalamat niya.  Para na ngang sirang plaka sa kapapasalamat.  Ganu'n siya ka-appreciative.
      Pero bago ang lahat, ha? Baka 'yung iba, nagtataas ng kilay.  At sasabihin, ganu'n talaga.  Pag patay na, du'n na nagkakaroon ng tribute.  Pinakamabait na sa lahat ng mababait kung ituring, dahil patay na nga.
     Pero may mga kakilala rin naman akong namamatay, hindi ko sinasabing mabait kung alam ko namang hindi talaga mabait. Patay na, paplastikin ko pa ba?
    Love ko lang talaga si Rico.
     Minsan, kumakain ako sa canteen ng ABS-CBN. Nakita niya 'ko.  Sabi niya, "Sino kasama mo?"  Sabi ko, wala. "Sige, samahan kita."  Na-Charo Santos Conscious tuloy ako that time.

     Imbes na ipahinga na ni Rico 'yung oras na 'yon, dahil galing ng school at galing daw siyang rehearsal, sinamahan niya 'kong kumain kahit nanonood lang siya sa pagkain ko.  Niyaya kong kumain, ang sagot:  "Makita lang kitang kumain, busog na 'ko." Sabi ko sa sarili ko, okay makisama 'to. 
     Kuwentuhan kami.  Sabi ko sa kanya,  ituloy lang niya ang Rico Yan Foundation niya, dahil ang ganda ng objective:  ito ang tutustos sa edukasyon ng mga less-privileged students pero deserving naman.
     "Magiging presidente ka ng Pilipinas, Corricks!"
     "Hahaha!  Gutom lang 'yan, Ogs.  Sige lang, kain ka lang!"
     Bihira sa mga artista 'yung pag nakikipagkumustahan, kukumustahin niya 'ko, ang nanay ko, ang buhay ko, lalo't higit kung may problema daw ba ako na puwede siyang makatulong?
     Madalas kasing nangyayari, kaming mga reporter ang kukumusta sa artista. Pero si Rico, ikaw ang kukumustahin niya.
     'Yung gano'n lang, sobrang ang laking bagay sa akin, kaya love ko 'yang si Rico, sobra talaga.  Para na tuloy akong sirang plaka, paulit-ulit. 
      Hindi ko rin magawang magkaroon ng "pagnanasa" kay Rico kahit "yummy" at "papalicious" ang aktor. Siguro nga, dahil sa respetong siya rin ang nagtanim sa puso ko.
     Ang galing ding makipagbiruan.  Hindi KJ.  Sabi ko sa kanya, iniilusyon ka ng mga bading, ha?  "Ilusyon mo lang 'yon, hahaha! Pero friends natin 'yan."
     Ganyan siya.  Minsan nga, may nanggulat sa akin sa isang dressing room sa ABS-CBN. Nakabukas ang pinto kasi, ako lang mag-isa.
    Nagbabasa ako ng script nang nakatayo para sa sitcom na kinabibilangan ko noon, 'yung Pwedeng-puwede.
     Eh, nakabukas 'yung pinto ng dressing room.  Nalokah na lang ako nu'ng bigla na lang me yumakap sa akin sa likuran at nagdayalog ng parang kontrabida ang boses, "Eto naman ang gusto mo, di ba?  Okay ba, ha? Okay ba?"
     Paglingon ko, nagulat ako! "Nakakalokah ka, hindi ka nagsasabi. Nakapag-prepare sana ako! Hahaha!" Otomatik na, yakapan na kami.  'Yan si Rico.
     "Naramdaman" ko siya sa likod ko. Ramdam na ramdam.  At ipinagmamalaki ko nga 'yon sa mga bading kong friends, eh. Hindi lahat ng bading, bibiruin ng gano'n ni Rico, di ba?
     Eh, gano'n si Rico, eh. Kahit isang La Sallista, kaya niyang makibagay sa kahit kaninong tao. Kahit bading ka pa.  Ibig sabihin, secure sa seksuwalidad niya si Rico.
     And I remember, talagang tinapos niya ang kolehiyo niya, dahil gusto niyang maging isang magandang halimbawa sa mga kabataan, lalo na sa mga bagets na artista.
    Meron din siyang ugali na kapag kaibigan ka niya, ine-expect nya na pag may problema ka sa kanya, didiretsuhin mo siya.  Hindi mo isusulat o sasabihin kahit kanino, kungdi sa kanya lang, dahil siya ang concerned.
      Kaya pag nagkikita kami, lagi siyang nagpapaalala na pag may problema daw kami, sabihin lang sa kanya.  Ganu'n siya.   At na-appreciate ko 'yong effort niyang 'yon. 
     Ang dami pa naming "good memories" ni Rico na 'yung iba na ipinagkatiwala sa amin ni Rico, nasa "baul ng alaala" na namin.
      March 29, 2002, Biyernes Santo no'n, hinding-hindi ko makakalimutan. Katatapos lang ng annual Pabasa naming magkababata sa Loreto, Sampaloc.  Ang init-init na nga nu'ng time na 'yon, nakakapaso.
     Bigla akong parang binuhusan ng malamig na tubig nang matanggap ko ang balita thru text brigade na patay na si Rico.
      Hindi ko pa alam kung ano'ng irereak ko.  Kung maniniwala ba 'ko o gusto kong murahin 'yung nag-text brigade.  Pero sunud-sunod ang dating ng message, eh.  Lahat ba sila, mumurahin ko sa text?
      Eh, that time, naalala kong malungkot na si Rico bago pa siya mag-Holy Week sa Dos Palmas, Palawan, dahil nga nag-split sila ni Claudine Barretto at nabalitaan na lang ni Corricks na sina Claude at Raymart Santiago na pala.
      Sa Dos Palmas si Rico that time, kasama niya ang magdyowa dating sina Janna Victoria at Dominic Ochoa kasama ang ibang friends.  Nakainom daw si Rico at nu'ng makatulog, hindi na nagising.  Bangungot daw ang ikinamatay.
      Sabi ko nga sa sarili ko no'n, ke bangungot 'yan o anupamang cause, ang bottomline: patay pa rin si Rico.
      Kahit off-air ang lahat ng tv networks noon, dahil nga Biyernes Santo, nagbukas ang Channel 7 at Channel 2 para ihatid ang mga huling balita sa pagkamatay ni Rico.
    Si Karen Davila ang naalala kong masigasig na nagre-report kung saan 'yung helicopter ng ABS-CBN ang siyang kumuha sa mga labi ni Rico kasama ang ama at kuya nitong si Bobby Yan.
        Kaya pagdating dito ng bangkay ni Rico from Palawan, nu'ng naiburol na sa La Salle, papunta pa lang ako du'n, umiiyak na 'ko sa kotse.
      Pahinto-hinto ako para umiyak, tapos, maya-maya, tutunganga.   Nu'ng 'andu'n na 'ko sa La Salle,  hindi ko alam kung ubos na ba ang luha ko o kinakaya ko lang maging matapang o in denial lang ako at 'andu'n pa rin ang ilusyon kong buhay pa rin si Rico at nananaginip lang talaga ako.  Nang gising.
       Alam n'yo, namangha ako, dahil sobrang haba ng pila ng mga taong gustong magbigay ng huling respeto kay Rico.  Du'n ako mangiyak-ngiyak na natutuwa. Well-loved si Rico talaga.
      Ganu'n yata talaga.  Pag nagtanim ka nang maganda sa kapwa at nagbuo ka ng magandang imahe sa mata ng publiko, kahit hindi ka nila kaanu-ano, may nakalaan silang totoong luha at pagdamay anuman ang mangyari sa 'yo. 'Yan si Rico Yan.
        Kahit sa  araw ng libing ni Rico, ramdam kong sobrang love ng mga tao si Rico.  Kasi, parang hindi maputol ang chain na ginawa ng mga tao kahit nagkasya na lang silang casket lang ang makita habang patungo sa Manila Memorial Park ang pila-pilang mga sasakyan sa Edsa na gustong makipaglibing.
       Dalawang bagay  kumba't kami lumuluha nu'ng mga sandaling 'yon.  Una, dahil ang hirap-hirap sa kalooban ko na huling araw ko na lang makikita ang kaibigan kong si Rico.
      Tapos, pangalawa, pinababa pa ako ng executive producer  sa coaster kung saan nandu'n lahat ang cast ng noo'y nooontime show na  "Magandang Tanghali, Bayan" na kinabibilangan ni Rico.
     "Ba't nandito ka?  Hindi ka puwede dito, baba ka.  Bumaba ka.  Ipara n'yo diyan para makababa siya."
       Since napahiya ako sa mga nakarinig ng pagpapababa sa akin sa coaster ng naturang EP (sobrang nahiya talaga ako kina Willie Revillame, John Estrada, Randy Santiago, Ai-Ai delas Alas, at kung sino-sino pa na nandudu'n), itinawag agad ni John Estrada sa driver niya na saluhin ako pagbaba at pasakayin sa naka-convoy na sasakyan niya patungo sa sementeryo.
       Galit ako sa EP that time.  Kaso, pag inisip ko siya nang inisip, mapuputol naman ang emote ko sa pagkamatay ni Rico eh ilang sandali na lang, nasa sementeryo na't kukunin na si Rico ng nitso.
        Nu'ng burol, hindi ako nakaiyak.  Pero nu'ng ilibing, du'n na 'ko nagpaka-best actress.  Inilabas ko na ang umaapaw nang luha na inipon ko nang ilang araw.
     Kung magpi-feeling okay lang ako at kaya ko pa, baka naman sumabog na ang dibdib ko at ang ending--ma-comatose ako.
         Meron kasi akong kakilala na hindi umiyak nu'ng mamatay ang isang kaanak.  Hanggang sa mailibing, hindi rin umiyak.  Nagtibay-tibayan.  Kaya ang ending, bumigat ang dibdib, ayun, na-comatose hanggang sa hindi na talaga magising.  Natulog na forever.
         Anyway, mga ilang linggo rin bago ako naka-recover at natanggap sa sariling wala na talaga si Rico Yan.  Nag-aabang ako ng kaluluwa ni Rico na magpaparamdam sa akin, kaso, wala, eh.
      'Yung sinasabi nilang lamig ng hangin na hahampas sa katawan ko para ibintang kong si Rico 'yon?  Wala din, eh.
          Alam ko, kahit hindi sinasabi ni Rico, baka batukan ako no'n kung hindi pa rin ako nakaka-move on.  Baka sabihin no'n, ang OA ko na sa kae-emote sa pagkawala niya, kaya dapat ko pa ring ituloy ang buhay.
         'Yung EP, matagal kong hindi nakabatian.  Kaisnaban ko everytime magkikita kami sa loob ng ABS-CBN.  Pero eventually, sakto rin 'yung tsikang time heals all wounds.
     Me ganu'ng factor talaga, kaya one time, walang pride-pride sa amin ng EP, bigla na lang kaming nagkayakapan at nagkumustahan.
       Hindi pinag-usapan 'yung dating eksena namin. Naisip ko nga bigla si Rico nu'ng time na 'yon, eh.  Eto ang gusto ni Rico. Reconciliation.  All's well that ends well ang drama. Tuloy ang buhay.
      Kumbakit kahit sabihin kong move on na at tuloy pa rin dapat ang buhay, hindi ko makalimut-kalimutan talaga si Rico, dahil sa "Magandang Umaga, Bayan" na naging "Magandang Umaga, Pilipinas," nakatrabaho ko ang kuya niya, si Bobby.
     Sobrang close kami ni Bobby.  Mabait ang potah, pero at times, bumabalik sa pagkabata ang attitude.
       Tulad na lang nu'ng minsang nasa ere ako.  Nagbibigay ako ng blind item.  So 'yung ending lagi, magbibigay ako ng clue.  Sabi ko sa harap ng kamera, "Hulaan n'yo na.  Ang pangalan niya ay parang nasa kalendaryo lang."
         Nalokah ako, dahil biglang me narinig akong, "April!!!" na ubod nang lakas at dinig na dinig sa tv.  Ako naman, hindi nagpahalatang nairita sa narinig kong ibinubuko kung sino 'yung nasa blind item ko.
       Ang ginawa ko, pagkarinig ko ng, "April!"  dinugtungan ko agad 'yon ng, "May, June, July, August, September, October, November, December?" para hindi mahalatang 'yung "April" ang sagot.
       Nu'ng sinabi ko nang, "Sa pagbabalik ng 'Magandang Umaga, Bayan!"--commercial gap na.  Umagang-umaga, uminit talaga ang ulo ko.  Alam ko kung sino ang may-ari ng boses na sumigaw ng "April!" eh.
       Kaya sabi ko talaga sa kanya, "Ba't nakikialam ka?!  Hindi ko hinihinging sagutin mo at isigaw mo ang sagot! Ba't hindi ka manahimik?  Ipapahamak mo pa 'ko!"
       "Sorry, Ogs... sorry, sorry!  Na-excite lang ako.  Ang saya kasi ng portion mo, eh. Sorry na!"
         Ang init talaga ng ulo ko no'n, kaya sa galit ko, nakapagdayalog ako kay Bobby ng isang "bonggang pasabog" na ikina-shock naming pareho.
     Kaya naman, nu'ng mahimasmasan ako, nag-usap na kami ni Bobby at okay na ang lahat.  Nagkapatawaran at naging mas close pa kami.
          'Wag n'yo nang alamin kung ano 'yung nasabi ko kay Bobby, ha? Basta naikuwento ko lang sa inyo.  At alam ko, ayaw na rin ni Rico na banggitin ko pa 'yong dayalog kong 'yon sa kuya niya. Basta okay na okay kami ni Bob.
          Hay....ba't gano'n?  Ang dami nang nagsulputang artista, hindi ko pa rin makita ang "replica" ng isang Rico Yan?
         Pasensiya na, Rico, alam ko, ayaw mo ng gano'n at alam nating may kani-kanyang personalidad at karakter ang bawat artista at hindi ko dapat ikaw hanapin sa kanila.
       Alam ko naman, naka-move on na 'ko, eh. In denial nga lang.
       Huh?  Naka-move on na, pero in denial pa rin? Hahaha! Ang gulo ba?
      O, basta. Kung anuman ang interpretasyon n'yo, kayo na ang bahala.   Basta ang isang sigurado ko ngayon at habang nabubuhay ako, mahal ko si Rico Yan. 
 
            
http://www.facebook.com/profile.php?id=100001261472036#!/photo.php?fbid=175697629148952&set=a.169217549796960.51928.100001261472036&theater