Wednesday, April 17, 2013

DANIEL PADILLA, FROM CONDO, LIPAT NA SA BAGONG BAHAY!

          Pagkatapos regaluhan ang sarili ng Dodge Challenger (worth P3M car), lumipat naman sa kanyang bagong bahay ang sikat na young actor-singer na si Daniel Padilla kasama ang mga kapatid sa inang si Karla Estrada. Kung hindi ako nagkakamali, it's a 5-bedroom house na inuupahan nila mula sa isang kaibigan at ginastusan ni Daniel ang interior design para magmukha itong bago. Kaya kung makikita n'yo sa mga pictures, personal ding tumutulong sa pag-aayos ang sikat na aktor.
            Actually, gusto na itong bilhin ni Daniel, kaso, ayaw ng may-ari at gusto'y paupahan lang, kaya hindi pa rin daw nawawalan ng pag-asa si Daniel na someday ay ibenta na ito ng may-ari sa kanila. 
Dating nakatira sa condo si Daniel at ang kanyang mommy at mga kapatid, pero sumisikip na sila.  
 At ang natuklasan ko pa,  mahilig palang kumupkop ng mga kaibigan si Daniel, kaya halos sa kanila na nakatira ang mga barkada nito.  Na ikinatutuwa ng inang aktres, dahil likas daw na napakabait sa kaibigan ni Daniel eversince.
        Dinukot ko sa aking facebook friend at kumare sa tunay na buhay na si Tita Tess Medina ang mga retratong nakikita n'yo ngayon. Si Tita Tess ang interior designer ng bahay ni Daniel na siyempre, I'm proud to say na si Tita Tess din ang interior designer ng bahay ko sa QC, ganu'n din ni Kris Aquino sa condo nito near ABS-CBN, pati sa house din ni Erik Santos, Sam Milby at ito rin ang umayos ng office ng Cornerstone Management ni Ericson Raymundo (manager nina Sam at Erik). 
      Kaya din siguro si Tita Tess ang kinukuha, dahil hindi "taga" maningil at napakaganda ng resulta ng kanyang trabaho na eleganteng-elegante ang dating.
Di ba naman at lahat ng blessings, umaayon sa dreams ni Daniel? Kaya ano pa nga ba ang masasabi ko ke Daniel, kungdi ang inaawit na ng lahat?  
 "Nasa 'yo na ang lahat!"   









                                                           Si Tita Tess, pa-low profile lang, pero hanep mag-design, kasama siyempre si heartthrob Daniel Padilla



                                                Me collection din ng mga life-size heroes si Daniel.  In fairness, superhero siya sa puso ng kanyang mga fans, family and friends, and most especially kay Kathryn Bernardo

Tuesday, April 10, 2012

Positive

         First time yatang kumuha ng driver's licence ang isang aktres, kaya bilang isang law-abiding citizen, kahit kilala na siya, she still went through the normal process.          
         Siyempre, merong driving test. Pasado siya.          
         Meron ding written exam, pasado rin siya.        
        Pero eto na ang nakakalokahng part, sa drug test na hindi naman nangangailangan ng review ay kumbakit dito pa siya hindi pumasa. 
        Basic lang ang drug testing. Ihi lang ang kailangan. Kaso, positive siya sa drug test. 
        Pero teka, baka nagkamali lang. Nagkaroon uli ng drug test. At eto na, unfortunately, malungkot na balita--positive pa rin ang resulta.       
         Dahil sa kagustuhang makakuha ng lisensiya, hiningi na nito ang tulong ng isang "maimpluwensiyang personalidad" (MP) sa gobyerno.    
       Tumalak pa nga nang slight si MP at sinabi sa aktres na sana tinawagan na lang siya  nito nung una para non-appearance na lang ang drama niya at para hindi na rin siya nagka-record na nag-positive siya sa droga.          
         Pero dahil kaibigan ni MP si Aktres,  tinawagan nito ang isang "malakas" sa LTO at pinaisyuhan ng lisensiya ang aktres na dalawang beses nang bumagsak sa drug test.        
         Kung anumang uri ng droga ang nagpahamak sa resulta ng drug test ng magandang aktres ay hindi namin alam, pero noon pa ay kung anu-ano na ang nababalitang tine-take nito: pampakalma, pampatulog, pampa-active.         
         Disclaimer:   Ito'y  ikinwento lang sa amin at hindi nangangahulugan na pinaniniwalaan na namin. Sana nga ay hindi ito totoo. Pero paano kung ito ay totoo?          
         Sa una ay iisipin mong mabuting kaibigan si MP, dahil sinalo nito sa kahihiyan ang kaibigang aktres na for sure, ikina-touch nang husto ni Aktres.          
         Ngayong may lisensiya na si Aktres,  makakapagmaneho na ito. Fine.  Pero paano kung naka-droga ito at sa pagmamaneho'y maaksidente? 
         Dalawang bagay yan: pwedeng mabuhay pa rin dahil nasugatan lang, pero posible ring ikamatay ng Aktres.         
        Oo,  nasa huli ang pagsisisi, pero ngayong hindi pa nangyayari ang kinatatakuan natin, sana ay ngayon pa lang, magsisi na ang magsisi.         
       Pero in the first place, sino nga ba ang dapat sisihin?         
        Hay nako....Pakikamot nga ang likod ko.






PAKIUSAP:  'Wag na po tayong mag-mention ng pangalan dito.  Kung puwedeng ang sagot nyo ay pa-blind item din, mas mainam.  After all, hindi n'yo kailangang magpa-impress.  
       Sinulat namin ito nang may kasamang pagmamalasakit.  Kung itatanong n'yo kumbakit hindi ko na lang diretsuhin ang mga taong concerned, in the first place, hindi kami close at aaminin ba naman nila?
      At higit sa lahat, sinulat namin ito para hindi na sa inyo mangyari, dahil kahit kailan ay "negative" ang maging "positive" sa bawal na droga.

Sunday, April 1, 2012

"Buti hindi ka dumami, 'no?"

       Totoo 'yung sinasabi nila na kahit anong ingat mo, kahit anong iwas mo, me makakasalubong at makakasalubong kang mga nilalang na akala mo sa una ay mabait o nakakaawa, pero pag nag-umpisa nang magsalita o magpakita agad ng negang ugali, nate-turn off ka na.
     Sabagay, kung okey ba silang magsalita at nagpakita agad ng kabaitan, mate-turn on ka ba?  Agad-agad?  Hindi naman siguro.
       Tulad na lang nu'ng Palm Sunday na isa ring April Fool's Day nu'ng April 1 ay nagsimba ako.  And at the same time, gusto ko ring pabasbasan ke Father ang binili kong palaspas.
      Pagkatapos ng misa ay nag-announce na ang pari na lumapit ang may mga bitbit na palaspas para kanya nang basbasan.  So isa-isa nang naglapitan. 
     Kinaway-kaway namin ang nakataas na palaspas para madiligan ng holy water at siyempre, normal lang na pati ikaw na may hawak ng palaspas ay mawisikan na rin ng holy water na nandu'n ang feeling na, mabe-bless din tayo ng Panginoon ng kanyang banal na tubig.  
      Pagkatapos ay naghiwa-hiwalay na at nagsiuwian na.  
      'Yung isang kasabay kong mama na nasa kuwarenta mahigit na ang edad ay nginitian ako at nilapitan ako habang naglalakaran na palayo ng simbahan.
       Walang kaabog-abog at walang kabakel-bakel niyang sinabi nang nakangisi, "Buti hindi ka dumami, 'no?"
        Sa loob-loob ko, alin?  Ako, dadami?  Nu'ng?  Ah, nu'ng nagwisik ng holy water si Father, 'yun ba 'yong moment na 'yon?  Teka muna, kilala ba kita? Ni hindi nga tayo close, mukhang prenteng-prente ka kung maka-joke diyan, ah? Okay ka lang?
        Kung idadaan ko naman 'tong mamang 'to sa ngiti, sabay deadma, baka isipin niya, close na kami at tinanggap ko agad-agad ang biro niya, di ba?  Kung ikokorek ko naman ang lolo mo eh baka magtalo pa kami at sabihin niya, "Ikaw naman, hindi ka na mabiro."
      Na ano naman ang isasagot ko? "'Wag mo 'kong bibiruin, hindi tayo close."  Mukha namang mataray ang dating ko no'n.  Miss Friendship pa naman ako sa ganyan. Hahaha!
       Kaya sinagot ko na lang ang kanyang, "Buti, hindi ka dumami, 'no?" ng, "Sana nga ho, dumami na lang ako eh 'no?  Kesa naman tulad n'yo ang dumami, 'no, manong?" nang nakangiti pa rin, but with sarcasm.
       Kung minsan, tine-test talaga tayo ni Lord kung gaano kahaba ang pasensiyang puwede mong ilaan para sa ibibigay Niyang sitwasyon.
       Pag gusto mong magalit agad, 'wag muna.  Hunos-dili ka muna.  I-compose ang sarili, 'wag padadala sa init ng ulo. Hingang malalim.  Kung kaya pa, count 1 to 100--pambaba lang ng hypertension.
       Kung puwedeng pag-isipang maigi ang irereak.  Kung puwedeng umalis ka muna para magpalamig para hindi na lumala pa, gawin mo.
      Pero kung agarang reaksiyon ang kailangan, eh tingala ka muna at sambitin mo sa sarili, "Lord, bahala Ka na po sa akin at sa taong kausap ko ngayon, ha? Alis na po ako!"
    Pero pasensiya ka na, Lord, ha?  Hindi ko nagawa ang gusto Mo po at sinagot ko 'yung mamang 'yon.
    Pero sana naman, Lord, pang-Ms. U na ang naging sagot ko, ha?  
      Hahahaha!
    Ayan, nakakatawa na 'ko.

        

Sunday, August 28, 2011

Ka-fez

          "Magkapatid ba kayo ni Marcelito Pomoy?"
         Gasgas nang linya 'yan na lagi kong naririnig.  Hindi naman ako napipikon.  Naaaliw pa nga ako, kasi, aminado naman ako na ang dami ko talagang kamukha.  Saka lang naman ako naiirita pag parang nandidiri 'yung ikinukumpara sa akin at ayaw niyang maging kamukha ko siya.
       Eh, ang grand champion nga sa "Pilipinas Got Talent 2" nga, aware siya na magkamukha kami at natutuwa naman ako, dahil in-approach ako minsan niyan, magpa-picture daw kami.  Kahit ako naman, nagpa-picture din sa kanya, at ginawa ko pa ngang profile pic ko sa twitter account ko  (@ogiediaz).
       Naaalala ko pa nga nu'ng araw, nu'ng kasagsagan ng mga boksingero, 'yun din daw ang mga kamukha ko:  si Rolando Navarette, si Dodie Boy Penalosa at si Onyok Velasco.  Kaya nga sa kakulitan ng mga kaibigan ko,  sabi ko, "Oo na, mukha akong boksingero!"
        Nasabihan na rin akong "ugliest face on tv" ng isang di rin naman kaguwapuhang Ingliserong host, pero hindi ako nasaktan.  Naintindihan ko pa nga kamo.  Kasi nga, pag galit ka talaga sa isang tao, lahat ng masasakit, masasama at pangit na salita, ibabato mo sa kaaway mo.
       Nu'ng nag-away nga sila noon ng isang tv host (na ngayon ay co-host na niya),  juice ko, sinabihan niya naman itong kamukha ni Shrek.  Wala talaga siyang patawad noon.  Ni hindi man lang sinabing 'yung misis nitong si "Fiona" ang kamukha.
        Sinabihan din niya ito noon ng "ugliest face on tv" na dumating pa sa puntong 'yung mga anak ng tv host ay umiiyak na sa sobrang panlalait sa nanay nila ng dj na ito na ikinumpara naman ng babaing tv host sa gasul, dahil bahagya  lang daw ang itinaas ng dj sa gasul.
       Hanggang sa -- mag-fastforward tayo--ako na ngayon ang kaaway ng dj.  Sa mata niya'y ako na ang pinakapangit na nilalang sa balat ng telebisyon.
      Pero hindi ko naman siya mabalikan na "Pangit ka rin!" dahil hindi ko kayang mang-insulto ng itsura, eh.  Pero hindi mo rin naman ako maaasahang magsabi ng, "Ang guwapo mo!" huh? 
     Pero come to think of it, totoong maliit lang ang mundo, 'no? Ngayon, sila na ang magkakampi. Nagkakaisa sila ng disposisyon sa buhay, dahil magkasama nga sila sa kanilang trabaho, kaya intinding-intindi ko 'yon.  
      Kung paanong hindi ko rin naman kayang ikompromiso sa kanila 'yung sarili kong pananaw sa buhay, eh.
       Actually nga, eto, walang halong biro.  Noong hindi pa kami magkaaway ni Gasul, ang daming nagsasabi, magkamukha kami.  Hindi naman ako nainsulto (I'm sure, siya ang nainsulto), dahil lagi kong katwiran, kahit sino naman ang sabihin nilang kamukha ko, never naman akong nagalit.
      Kahit nga sa aso o sa kabayo o sa elepante mo pa ihambing ang mukha ko, wala namang problema. Salita lang naman 'yan, hindi ka naman sinaktan physically. 
      Magkakamukha, oo.  Pero ang ugali, magkakaiba. 
      Hindi para sabihin kong napakabait kong tao, pero kaya kong sabihing hindi ako masamang tao. 
      Kahit nga umupo ka lang diyan sa isang tabi, maaaring hindi ka aware, pero 'yung ibang tumitingin lang sa 'yo, may iniisip nang negatibo tungkol sa 'yo.  Bottomline:  you really cannot please everybody.
       Kung hindi ko sila masakyan, pero kaya ko namang intindihin ang pinanggagalingan ng galit nila sa akin, choice nilang magalit.  Habang ako, choice kong intindihin sila, dahil 'yun ang kailangan sa sitwasyon nila.
      Maliit lang ang mundo.  Isang araw, magkikita-kita pa rin kami.  Maaaring mag-isnaban, magpasaringan.  Pero darating ang araw, pagtatawanan na lang naming lahat ang isyung ito.  
       Basta ang importante, may natutunan kaming lahat dito.  O kung hindi man matuto ang iba at patuloy pa rin ang ngitngit at galit sa dibdib, eh, Lord, Ikaw na po ang bahala.
      
                   
        

Saturday, June 18, 2011

AKIN 'TO, PAG-AARI KO 'TO!

          "Happy Father's Day!"  Batiin ko ba ang sarili ko?  Hahaha!
            Hindi para sabihin ko sa sarili kong napakadakila kong ama sa aking mga anak.  Ang makapagsasabi niyan ay ang mga anak ko.  Kaso, ang babata pa ng mga daughters ko--sina Ten, Eight, Four at Two--para isulat nila sa blog nang mahabaan kung paano nila ide-describe ang kanilang ama.
          Sa 'kin siguro, dahil bata pa sila at mahihiyain, sapat na sa akin ang mga katagang, "I love you, daddy!" kahit wala nang tse-tse buretse.  'Yun na 'yon.  Apat na salitang musika na sa tenga ko.
           'Yung iba siguro--hindi ko maiaalis--nawiwirduhan sa "pinasok" kong bonggang experience na maging isang ama sa kabila ng aking kasarian.  Kasi nga, hindi karaniwan ang tatay nina Ten, Eight, Four at Two, eh.  
          Actually,  kung susumahin ko 'yung  pagtataka ng ibang tao at mga tanong na nae-encounter ko,  parang hindi sila makapaniwalang nagkaroon ako ng biological kids.  
       At apat pa, ha?  
      Kung nagtataka sila, eh siguro nga, it's not my problem anymore. It's their problem anymore, di ba?
          Ordinaryo na lang sa pandinig ko ang mga tanong na, "Totoo, me anak ka?  As in ano...ah...ikaw 'yung umano sa babae?"
         "Baka anak ng boypren mo 'yan?"
         "Nag-ampon ka?"
         Na pag nakikita pa ang mga anak kong kasama ko, "Mga pamangkin mo?"
        Imbes na mainis ako dahil nga lagi na lang gano'n ang naririnig ko, tinatapunan ko na lang ng ngiti.  Ako rin ang talo pag napikon ako o nainsulto ako sa mga pang-uusig ng mga mata nila na parang hindi yata talaga nila maimadyin na "titigasan" ako sa babae.
      Kulang na lang na sabihin kong, "Gusto n'yo ba, mag-sex kami ng misis ko sa harap n'yo para maniwala lang kayo?"
      Pero gusto ko na lang isiping kaya gano'n na lang sila kawalang prenong magsalita eh dahil baka iniisip nilang porke komedyante ako eh dyino-joke ko lang silang may anak ako. 
      Ewan ko ba sa mga 'yon.  As if naman, kung makapang-usig, akala mo, sinusustentuhan nila 'ko monthly.
        Lagi ko ngang sinasabi, "Aanhin ko naman 'tong sandatang ipinagkaloob ni Lord kung hindi ko naman ipapasok sa tamang butas?"  Eh, may nagkagustong babae sa pagmumukhang ito, I can't help it, eh. Chos.  Hahaha!
       But seriously, naniniwala ako-- ito ang guhit ng aking palad.
        "Ba't me anak ka? Di ba, bading ka?"
        "O, eh baket? Ba't naman hindi puwede? Baog ba 'ko?  'Yung iba nga, ni fetus, hindi biniyayaan, choosy pa ba 'ko?"
       Bigla ko tuloy naalala 'yung isang bading na tv host-comedian. Napadaan ako sa dressing room niya noon bitbit ko ang panganay kong anak na 3 years old pa lang no'n, "Anak mo?"
       Proud ko pang sinagot na, "Oo!"
       Na ang next line niya, "Kadiri ka, Ogie! Tomboy ka!"
      Hindi ko na siya binara pa.  Not in front of my kid. Baka hindi nito maintindihan kumba't makikipagtarayan ang tatay niya.  Sa loob-loob ko, "Inggit ka lang, teh!  Gandang-ganda ka sa sarili mo eh di i-maintain mo 'yang ganda mo hanggang ma-realize mo kung ano ang kulang sa ganda mo!"


       SA TOTOO LANG NAMAN, eto talaga ang ordinaryong kuwento ng isang bading.
       Na nu'ng bata pa ang bading, hate sa bahay.  Malas daw.  Parang kahihiyan sa pamilya.  Pero nu'ng lumaki na, nagkaisip, nagkatrabaho at umasenso, deadma na ang laos na paniniwala ng mga kapamilya.
      Ay, hindi pala malas.  Suwerte nga, dahil tumutulong at kung minsan ay siya pa ang breadwinner ng pamilya.  Buti nga at naging bading, dahil kung naging tunay na barako, matutulad sa ibang kapatid na mag-aasawa at hihiwalay din sa magulang. 
     Eh, ang bading, ang daling makalimot niyan ng mapait na karanasan nila nu'ng bata pa sila, eh.  Ginagawa nilang inspirasyon at motivation 'yan para lumaban at magtagumpay sa buhay.  Noon, sila daw 'yung malas, pero biglang nabaligtad. Sila pala itong umaasensong madalas at hindi iniiwan ang mga magulang.
       Kalokah, di ba?
       Karaniwan na ring kuwento 'yung madalas inaaway ng mga kapatid ang bading nu'ng bata pa, pero kalaunan, bading rin pala ang tutulong sa kapatid at sa mga anak nitong hindi mapagtapos ng pag-aaral ng mga magulang.
       Alam kong hindi makaka-relate 'yung ibang bading sa kuwentong ito, dahil hindi ganito ang naging takbo ng kabataan nila nu'ng araw.  Puwedeng mas malala pa rito o kabaligtaran. Puwedeng "prinsesa" ang naging trato sa kanya nu'ng araw ng pamilya niya. 
        Ako naman, sa totoo lang, nu'ng wala pa 'kong sariling pamilya, super tulong ako sa nanay ko, sa mga kapatid ko at sa mga anak nila.  Ginawa kong obligasyon 'yon, kaya kayod-marino ako. Na kahit barya basta galing sa marangal, papatulan ko para lang pag nangailangan sila, meron akong madudukot para sa kanila.
      Pero feeling ko, hindi natatapos ang obligasyon ko, eh.  Nag-aaral pa 'yung ibang pamangkin mo, magkakapamangkin ka na naman.  Pag ganito nang ganito, feeling ko, this is another job for Superman na naman ang drama ko.
       Kaya nu'ng mga beinte anyos ako (1990), in-entertain ko talaga ang idea na, ah, kailangan, pagtuntong ko ng treinta, may anak na 'ko.  Anak talaga.  Produkto ng semilya ko. Hindi anak ng kapatid ko na ituturing ko lang na anak-anakan, pero hindi ko pa rin pag-aari.
        Ni hindi ko rin in-entertain ang idea na mag-ampon, dahil ang dami ko ngang pamangkin, ba't ako mag-a-adopt?  Eh, di sila na lang din ang "ampunin" ko.
        Puwera na lang siguro kung cinematic ang pag-aampon ko ng di-kaanu-ano like pagbukas ko ng gate ng bahay ko, me batang nasa basket o nasa bayong at uha nang uha.  'Yun ang exciting para sa akin.
       Pero sabi ko nga, ang mga pamangkin ko, kahit tulungan kong makatapos ng pag-aaral hanggang sa makapagtrabaho,  matutuwa ako definitely.  Pero ayokong dumating ang time na dahil nag-iisa na ako sa buhay ay hindi man lang ako mabantayan ng pamangkin ko sa aking pag-iisa at kalungkutan, dahil meron na rin silang sariling buhay at pamilya.
       Ayokong ma-experience 'yong nae-experience ng ibang kaibigan kong bading na umiiyak na lang. 'Yung isa, naghirap. Humihingi ng tulong sa pinag-aral na kapatid, pero tinanggihan siya. 
      'Yung isa nama'y makikituloy lang sa bahay ng pamangking pinagtapos niya ng pag-aaral, pero hindi naipaglaban sa misis nito ang sandaling panunuluyan ng tiyuhing bading.
      Ini-imagine ko pa lang, ang sakit na.  What more kung sa akin pa 'to mangyari?  Baka ikamatay ko pa.  Ba't ko pa hihintayin ang eksenang 'yon? Eh, di gawa ako ng akin.  
      At sa edad treinta'y uno, isa na akong ganap na ama. 
      At ngayon, ang apat kong anak at ang kanilang ina.  Sila.  Sila 'yung matatawag kong akin. Pag-aari ko na hindi puwedeng angkinin ng iba, dahil akin. 
      Ang mga anak ko ang mga itinuturing kong "buhay na monumento ko" pag ako'y nabura na sa mundo.  Sila 'yung magpapaalala sa mga tao na, "Anak po ako ni Ogie Diaz." (Pero 'wag Mo muna akong kunin, Lord, ha?  Sampol lang po ito.)
      Matagal na akong "nagtatanim" sa mga kaibigan ng mabuting pakikisama at pakikipagkapwa-tao, dahil hindi ko man "anihin" 'yan ngayon, darating ang panahong mga anak ko ang aani ng lahat ng itinanim ko.
      Tandang-tanda ko noon si Kuya Boy Abunda, kausap ko.  Bilib na bilib ako sa ganda ng takbo ng career niya. Sabi ko, "Juice ko, ang yaman-yaman mo na, Kuya Boy.  Ang bait mo rin kasi, kaya you're so blessed! Naiinggit ako sa 'yo!"
      Sagot ni Kuya Boy, "'Mas nakakainggit ka, Ogs.  You're more blessed.  You have kids! Hindi ko kaya 'yan!"
      And that's the bottomline.
        
        

Saturday, May 7, 2011

Si Aling Mameng

         Daming nagre-request.  Since Mother's Day naman, ba't hindi ko raw gawan ng blog ang tungkol sa nanay ko? 
    Sa loob-loob ko, sino naman ang magiging interesado sa kuwento tungkol sa nanay ko eh iba-iba naman ang pakikipagsapalaran sa buhay ng nanay para sa kanyang anak?
    Pero na-realize ko, ba't nga ba hindi ko gawan ng tribute ang nanay ko eh unang-una, hindi naman lahat ng anak, nakakagawa ng blog tungkol sa nanay nila, di ba?
    Palasak na kung ikukuwento ko pa kung paano kaming itinaguyod na walong magkakapatid ng nanay ko.  Natural, nagpakahirap si Madir.  Halos isusubo na lang niya ay ibibigay pa niya sa kanyang umiiyak na anak.
    Mga kuwentong walang hindi kayang gawin ang ina para sa kanyang anak na lahat naman halos ng ina, ibubuwis ang buhay para sa kanilang (mga) anak.
    Kaya naisip ko, dadamputin ko na lang mula sa napakaraming alaala ng nanay ko ang ilang "prinsipyo" niyang hanggang ngayon, bitbit ko sa pakikipagsapalaran sa buhay.
    Kaya eto na. Gusto kong ipakilala sa inyo ang nanay ko, si Aling Mameng.  75 years old na ang madir.  November 27, 1986, nabiyuda at hanggang ngayon, nananatiling "single."
    Sa akin, okay lang kung makahanap siya ng bagong partner in life, kasi, gusto ko rin naman siyang maging maligaya.
    Pero lagi niyang sinasabi sa akin, "Mag-aasawa lang ako pag wala na kayong lahat."
    Juice ko naman, 'Nay, walo kaming anak mo. At kailangan talaga, matigok kami para lang makapag-asawa ka?  Okay lang kayo?
    Actually, that's one way of saying kahit sa kabilang buhay, makakatingin siya nang diretso sa tatay ko at kaya niyang sabihin ditong, "O, wala akong ipinalit sa 'yo, ha?  Sana naman, ikaw din."
    Naalala ko 'yung eksena nu'ng Grade 4 (10 years old, 1980) ako sa Pio del Pilar Elementary School sa Pureza.  Malapit kasi du'n 'yung garahehan ng taxi kung saan pumapasada ang tatay ko.
   Ala singko pa lang nang umaga, ginising na 'ko ni nanay para maligo na agad at pagkatapos, puntahan ko na raw sa garahe si tatay at isama ko na raw pauwi para siguradong uuwi nga, bukod pa sa katotohanang kailangan ng pera, pamalengke.
    Pinuntahan ko sa garahe, wala si tatay.  Du'n sa tabing tindahan nito, tinanong ko rin, ang sabi, umalis na, "Nakita ko, papunta du'n ang tatay mo kanina, eh!"
    Sinunod ko lang ang direksiyon ng kamay ni Aling Amalia.  Mabilis ang lakad ko, kasi, baka ma-late ako sa iskul.  Pang-umaga pa naman ako.  7 o'clock ang unang klase ko.
    Binaybay ko 'yung Ramon Magsaysay patungo sa amin sa Loreto para kung hindi ko talaga makita si tatay eh naisip ko na ring baka nandu'n na rin siguro ito sa bahay, nagkasalisi lang kami.
    Pero sa paglalakad ko sa Ramon Magsaysay Boulevard, napalingon ako sa kanan ko. Teka, sino 'yung nakaupo sa harap ng mesa na tila nag-iisang kostumer na lang sa  Salaginto Disco Pub?
   Parang kilala ko yata 'yung lalaking nakatalikod at tsina-charot-charot ng tatlong babaing nakapekpek shorts (with matching black boots na abot hanggang ilalim ng tuhod) sa table, ah?
    Sabi ko na nga ba, eh.  Tama ang kutob ko. Jusko, 'Day, anong oras na?  Mag-a-ala sais na nang umaga, imbes na umuwi na, nakikipagharutan pa sa mga ago-go dancer ang tatay ko!
    "'Tay! 'Tay!"
    Napalingon ang fadir, "O, baket nandito ka? Me pasok ka, ah? Sa'n ka galing?"
    "Eh, kanina pa kayo hinihintay ni nanay sa bahay, eh.  Hindi kami makakapasok ng mga kuya, wala pa kayo. Wala kaming baon!"
    "O, sige, sige. Eto, o!" kinuha ko naman ang iniabot na lukot-lukot na 100 pesos.  "Sige na, susunod na 'ko 'kamo. Dalian n'yo na at mahuhuli pa kayo sa klase!"
    Naglalakad na 'ko pauwi, iniisip ko kung isusumbong ko ba 'to kay nanay o deadma na lang para hindi na sila mag-away? Pero deadma na, isusumbong ko pa din sa nanay ko ang nakita kong pakikipaglampungan ni tatay sa mga harot.
   Bahala na kung giyera-patani 'to pag-uwi ni tatay.  Tutal, hindi ko na 'yon maabutan, dahil nasa iskul na 'ko by that time. Katwiran ko, kung hindi ko sasabihin, parang pareho na naming niloko ng tatay ko ang nanay ko.
   Eto na. Pagdating ko sa bahay, ikinuwento ko nga sa nanay ko ang nasaksihan ko. Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga eksaktong linya ng nanay ko na sa akin niya mismo sinabi.
    "Hayaan mo na ang tatay mo.  Kahit mambabae 'yan, dito pa rin 'yan uuwi. Nasa'n na?  Pinadala ba sa 'yo ang pera?"
    Natigalgal ako du'n. Otomatik nang dinukot ko ang pera sa bulsa at iniabot sa nanay ko habang tulaley pa rin ako dahil sa katwiran ng nanay kong hindi ko alam kung tama o mali.
    "O, sige, pabaryahan mo na at kunin n'yo na ang baon n'yong magkakapatid. Dalian mo't male-late na kayo!"
     Ako pa tuloy ang nagtaka pagkatapos.  Sa loob-loob ko, gano'n lang 'yon, 'Nay?  Hindi man lang kayo nagselos o naghuramentado?
    Pero sa totoo lang, madalas naman talagang mag-away ang nanay at tatay ko, eh.  Lagi kong naririnig sa nanay ko pag nag-aaway sila 'yung panunumbat lang niya ke tatay na, "Wala akong pakialam kung mambabae ka. Problema mo 'yon, hindi ko problema 'yon. Basta 'wag mong kakalimutan ang obligasyon mo sa pamilya mo!"
     Mula noon, hindi ko na nakikita ang tatay ko na pumupunta sa Salaginto. Behaved na ang fadir.
    Sa bahay, pag nakainom ang tatay ko, maharot.  Nandiyang hinaharot ang mga kumare ng nanay ko na nangangapitbahay sa amin. 
    Madalas pagtripang harutin ni tatay sina Aling Letty o kaya si Aling Naty o kaya si Aling Azon Taba.
    Buti kamo, sanay na ang mga ito sa tatay ko pag lasing. Sa harap ng nanay ko, itatayo ni tatay sa upuan si kumareng katsismisan ng nanay ko at kahit walang music, isasayaw sila ng tatay ko, yayakapin ni fadir at maya-maya, natatawang nagsusumbong na si Aling Naty ng, "Mareng Mameng, si Mang Poldo, nanghihipo ng suso!"
    Lagi kong naririnig ang nanay ko, "Hayaan mo na, mare...para suso lang. Hindi naman nabawasan, okay lang 'yan!"
    Naaaliw ako, dahil nanghihipo talaga ang tatay ko nang pasimple, pero kahit may mga asawang tao ang mga kapitbahay namin eh alam nilang ganu'n lang kaharot ang tatay ko.  Sanay na sila sa tatay ko.
    Kahit ang mga mister nila, kabisado ang tatay kong gano'n lang talaga ito kaharot, pero pag hindi nakainom, behaved naman at seryoso kung makipag-usap.
    Pero sa mga ganu'ng pagkakataon, ang labis na kumuha ng atensiyon ko talaga eh ang nanay ko.  Ang nanay kong wala man lang kaselos-selos sa katawan.  Naaaliw pa sa panghaharot ng asawa niya!
    Kaya nga si fadir, napagod na rin sa pagpapaselos sa nanay ko, dahil hindi man lang naiparamdam ng nanay ko sa kanya na guwapo siya at mahaba ang "bird" niya.  
    Minsan, tinanong ko ang nanay ko kumba't hindi siya marunong magselos. "Ba't ako magseselos eh ako naman ang pinakasalan ng tatay mo?  Bihira na lang kaming mag-away ng tatay mo.  Kung pati pagseselos, gagawin ko pa, madadalas ang pag-aaway namin."
     Laging ipinagmamalaki ng nanay ko, "Walo kayong anak ko, kinaya ko kayong lahat.  Wala akong yaya, dahil ayokong ipagkatiwala kayo sa ibang tao.
    "Gusto kong patunayan sa tatay n'yo na hindi siya nagkamali na ako ang napangasawa niya. Mambabae na siya kung gusto niya, kunsensiya niya na 'yon. 'Wag lang ako ang manlalake, dahil isang lalake lang ang minahal ko!"
    Me ganyang mga linya ang nanay ko na paulit-ulit everytime mag-e-emote siya sa mga anak niya, dahil hindi pa dumarating si tatay at wala pa siyang pamalengke para sa tanghalian namin.
    Oo naman, nalilipasan din kami ng gutom nu'ng araw.  Kaya usong-uso sa nanay ko ang mangutang sa tindahan at kahit sa palengke, umuutang 'yan, lalo na pag maliit lang ang kinita ng tatay ko o kaya ay naholdap siya habang pumapasada.
    Kaya nu'ng aalis na kami sa Loreto, Sampaloc nu'ng April 1993 (dahil may nabili akong bahay sa San Pedro, Laguna, movie reporter pa lang ako noon), nanghingi sa akin ng pera ang nanay ko. Mga dalawang libo. Basta sabi lang niya, pupunta siya ng palengke.
    Kaya nu'ng dumating sa bahay, sabi ko, "Ba't 'yan lang ang napamili n'yo? 'Kala ko, marami kayong bibilhin?"
    "Hindi. Pinuntahan ko 'yung mga inuutangan ko sa palengke, inisa-isa ko.  Nagbayad ako ng utang sa kanila at nagpaalam na rin sa kanila, nag-iyakan pa nga sila, eh!"
    Noon pa, laging kabilin-bilinan ng nanay ko, "Kung marunong kang umutang, marunong ka rin dapat magbayad. Pag marunong kang magbayad, hindi ka mahihiyang umutang uli. Kung wala ka pang ibabayad, imbes na mangutang uli, puntahan mo sila at humingi ka ng dispensa at humingi ka na rin ng palugit."
    Alam ko, para sa iba, weird ang prinsipyo ng nanay ko sa buhay niya, lalo na sa trato niya sa asawa niya.  Pero nanay ko naman 'yan, eh.  Hindi mo naman nanay, kaya 'wag ka nang maapektuhan, okay?
     But seriously, ilan lang ito sa katangian ng nanay ko na ike-claim kong minana ko sa kanya.   Na walang ipinagkaiba ang pagbabayad ng utang sa pagharap sa anumang responsibilidad sa buhay.
     Pag inutang mo, bayaran mo.  Pag ginawa mo, panindigan mo.  Kung hindi mo kayang panindigan,'wag mong gawin.
     Na ang pagseselos ay isang pag-amin ng iyong pagkukulang, ng iyong inggit sa kapwa, ng kakapusan ng kumpiyansa sa sarili at higit sa lahat, ang pagseselos ay maliwanag na problema sa relasyon o pagsasama.
     Anyway, alam nating lahat na karamihan sa ugali natin, namana natin sa mga magulang natin, lalo na sa nanay natin.
     Kahit naman ako, namana ko 'yung mukha ng nanay ko, dahil magkamukha raw kami, eh.  Namana ko 'yung ilang ugali niya.
    At dahil ipinagpapasalamat ko na si Aling Mameng ang naging nanay ko eh gusto ko na ring kunin ang pagkakataong ito na pasalamatan ang dakilang ina ng apat kong anak.
    Hindi para isingit lang siya sa kuwento ng nanay ko.  She deserves another entry, 'ika nga.
    Alam ko, nahihiya tayong magsabi ng, "I love you!" sa ating mga ina.  Nababaduyan tayong magbigay ng bulaklak sa kanila.
    Ano ka ba?Tanggalin mo na ang hiya.  Nanay mo naman 'yan, eh.
    'Wag kang makornihan du'n. Oo, alam kong mas kaya mong sabihin 'yon sa text o sa facebook o sa twitter.  Pero wala nang hihigit pa kung personal mong iparirinig sa kanya. Kung puwede, araw-araw habang makakasagot pa siya ng, "I love you, too, anak!" 
    Hindi niya puwedeng idikta sa 'yo 'yon, dahil gusto niyang maramdaman ang sinseridad mo, personal man o sa telepono. 
    Narinig niya na nu'ng araw 'yon kung kani-kanino, pero alam mong mas kikiligin si mommy kung sa 'yo niya mismo maririnig 'yon.
    Wala nang kasing-sweet ang "I love you, 'nay!" na maririnig niya mula sa anak ang mga katagang kinababaduyan mo.
    Sabihin mo sa harap niya habang humihinga pa siya, habang nakadilat pa ang kanyang mga mata, habang alam mong makikita mo ang pagngiti niya pag narinig niya ang mga katagang 'yon mula sa iyo.
    Pag nahiya ka, ano? Saka mo kakapalan ang mukha mong sabihing "I love you, 'nay, mommy, mama" pag hindi na siya humihinga? Nakahiga na't akapikit na ang mga mata niya at hindi ka na niya naririnig at nararamdaman kahit kelan?
    Gusto mo bang magsabi ka ng, "I love you, nay! Salamat sa lahat, 'Nay!" nang nakangiti sincerely o lumuluha, dahil nagi-guilty?
     Alam mo kung paano pangitiin at pakiligin ang nanay o ang mama o ang mommy mo. Gawin mo na ngayon, 'wag mo nang ipagpabukas.      
    Gagah ka, 'wag ka nang mahiyang mag-i love you sa nanay mo.  Mas nakakahiya ka kung nagagawa mo 'to sa girlfriend o boyfriend mo, pero hindi sa nanay mo.
    Oo, sila ang nagpapasaya ng puso mo, pero hindi sila ang nagbigay ng buhay mo.